Kapapasok lang na Grade 1 sa elementary school ng anak ni Leilani. Mayabang niya itong inihahatid araw-araw at palagi niyang ipinaririnig sa ibang nanay na ito ang pinakamatalino sa klase noong kinder.
“Lyle, huwag kang makikipag-usap sa classmates, ha. Sayang ang time. Dapat nagre-review ka na lang para maalagaan ang grades mo,” bilin ni Leilani sa anak isang araw habang nasa tricycle sila papasok sa eskwela. Kahit hindi pa naman ganoon katindi ang pinag-aaralan ng bata ay pinipilit niya itong magdala ng sandamakmak na libro,
Nakatingin lang naman sa ina ang bata. Tumango rin ilang sandali. Halatang nais sumalungat dahil sadya itong palakaibigan kung hindi niya lamang pinipigilan.
“Why?” tanong ni Leilani sa anak. “Nothing po, mommy. Sige po. ‘Di po ako makikipaglaro,” tugon ni Lyle.
“Good. Now go! Ipakita mong mas magaling ka sa kanilang lahat! Go, Lyle!” sabi pa ni Leilani at sinadyang lakasan ang boses niya para marinig ng ibang magulang.
Nang matanaw niyang nakapasok na sa classroom ang anak ay tumalikod na siya. Aba, bakit niya naman kikibuin ang ibang ina? Hindi niya naman ka-level ang mga ito.
Isang hapon ay ipinatawag ng guro ang mga magulang para sa isang meeting. May contest raw kasi at magkakalaban ang bawat section. Para bang Mr.Pogi pero sa mga bata. Pipili ng gwapo at matalino na siyang magiging representative ng kanilang section at ilalaban sa ibang eskwelahan.
Siyempre nagtaas agad ng kamay si Leilani. “Si Lyle ang karapat-dapat. Bukod sa gwapo ang anak ko ay alam naman nating lahat na matalino siya,” sabi niya.
Sumang-ayon naman ang ibang nanay. Bilib sila sa kaniyang lakas ng loob. Tumaas tuloy ang kumpiyansa ng mga ito na mananalo ang section nila.
Talaga namang pinaghandaan ni Leilani ang patimpalak. Ibinili niya ng magandang polo ang anak at pinagupitan. Poging-pogi ito sa suot. At ang pinakamahalaga ay tinodo niya ang pagpa-practice kay Lyle para sa question and answer portion. Dumarating pa sa point na halos paluin niya na ang bata kapag nagre-request ng pahinga.
Pagsapit ng contest ay ganoon na lang ang palakpak ni Leilani nang makaabot sa final round ang anak. Ilang minuto pa ay nagsimula na ang question and answer. Simple lang ang mga tanong kung tutuusin. Pambata talaga. Ini-interview pa nga ng host ang bawat bata bago ang aktwal na tanong para ‘di kabahan ang mga ito.
Nang si Lyle na ang susunod ay tumayo pa si Leilani at taas noong nakinig.
“Hi, Lyle! Kanina ko pa naririnig si mommy na magaling ka raw,” sabi ng host.
Nag-thumbs-up naman si Leilani at proud na tumango. Samantalang si Lyle ay nakanganga lang at tila nahihiya.
“Lyle!” pabulong na sabi ni Leilani sa anak at pinandidilatan ito ng mata kaya sumagot ang bata. “Opo.”
“Ang galing. Ano ang favorite subject mo?” tanong ng host.
Pero ‘di sumagot ang bata.
“Ay, wala kang favorite na subject? ‘Yung, ano, math. Addition ganiyan. Kunwari I have two apples tapos bumili pa ako ng 3 oranges at limang watermelon. Ano ang sagot? Eh, ‘di matakaw ako!” pagpapatawa ng host pero wala pa ring reaksyon mula kay Lyle.
“Ay, baka nahihiya lang pero magaling ang batang ito mga kaibigan. Nahihiya lang,” nakangiti pang dagdag ng host.
“Mom, I’m sorry.” Pagkatapos noon ay humagulgol na ang bata. Nagbulungan ang mga magulang.
“Why are you sorry, baby? It’s okay,” pag-alo ng host sa bata.
“Kapag hindi po ako nakasagot ay lagot ako kay mommy,” takot na wika ni Lyle.
Doon tila natauhan si Leilani. Pinupuwersa niyang mag-aral ang anak hindi para sa kapakanan nito kung ‘di para na sa kaniyang pride. Hindi na masaya ang bata. Imbes na mag-enjoy ito ay takot pa ang nararamdaman sa kaniya. Sa kaniya na una sana nitong pupuntahan kung sakaling may kabiguan ito sa buhay.
Lumuluhang pumunta si Leilani sa unahan at niyakap ang anak. Nagulat pa si Lyle dahil naglakad sila palayo.
“Mommy, ‘di na po ako sasali?” tanong ng bata. Umiling si Leilani. “Hindi na. Kung ‘di ka happy doon, anak, at it makes you feel sad huwag na,” simpleng sagot ng ina.
Hindi nanalo ang anak ni Leilani sa contest pero natuto naman siya ng leksyon. Na hindi naman mahalaga kung may medal o wala ang anak. Ang mahalaga ay masaya itong natututo. Dahil sa bandang huli hindi ang magandang grado ang basehan kung paano mo inabot ang mga pangarap mo sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay. Iyon ang tunay na tagumpay.