Limang taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Rica at Gary. Ang mister ay pumapasok sa isang kompaniya sa Makati habang si Rica naman ay maghapon sa bahay. Pahinga muna siya sa trabaho tutal ay wala pa naman silang anak. Baka nga kaya hindi sila makabuo-buo ay dahil sa stress niya sa biyahe noon.
Masaya si Rica dahil kahit taga-Manila ang mister ay pumayag ang lalaki na doon sila magpatayo ng bahay malapit sa mga kamag-anak niya para raw hindi siya nalulungkot pag naiiwan siyang mag-isa sa bahay.
“Love, alam mo si Clarita tuwang-tuwa kanina habang nagkukuwento sa akin. Katatapos lang nilang mag-usap ng mister niya. Binilhan raw siya ng mamahaling bag,” kuwento ni Rica sa asawa habang kumakain sila ng hapunan. Nagluto siya ng paborito nitong adobo.
Ang tinutukoy ni Rica ay ang kaniyang pinsang may asawang chef sa barko. Malapit lang ang subdivision na tinitirhan nito kaya pinupuntahan niya ito kapag wala siyang magawa at nagkukuwentuhan sila.
“Aba, ayos. Ikaw ba anong bag ang gusto mo at nang mapag-ipunan ko?” nakangiting sabi ng lalaki.
Palihim naman na napairap si Rica. Akala yata ni Gary ay nakakatawa ang birong ganoon. Mabuti pa ang pinsan niya isang lambing lang sa mister ay may mamahaling bag na.
“Wala,” hindi na sumagot si Rica. Naiinis kasi siya. Kung sasabihin niya naman ay matagal pa nito mabibili iyon. Baka nga kahit sampung beses itong sumahod ay ‘di pa rin sumapat para mapantayan ang halaga ng bag ni Clarita.
Kinabukasan ay maagang umalis si Gary dahil may mahalagang kliyente ang lalaki. Bago lumabas ng bahay ay ipinagluto niya muna ng almusal ang natutulog na misis para paggising nito ay kakain na lang. Naka-ready na rin ang kape at iinitin na lamang. Bitbit niya na rin ang bill ng kuryente at tubig para mabayaran bago siya umuwi.
Pagkagising ni Rica ay nag-almusal lang siya, naligo at pumunta na sa bahay ng kaniyang pinsan para mag-usyoso. Tiyak niya naman kasing may padala na naman rito ang asawa. Alam naman niyang maiinggit lang siya pero gusto niya pa rin bisitahin ito. Para kahit na doon man lang ay mahasap siya sa yaman. Minsan ay naiisip niya kung ano kaya ang naging buhay niya sakaling kasing yaman ng asawa ni Clarita ang napangasawa niya.
“Pinsan, ano ‘yang package na malaki?” tanong ni Rica kay Clarita. “Kadarating lang ‘yan. Padala ni Mark. Sabay na natin buksan,” sabi ng babae at ginupit ang packaging tape sa ibabaw.
Pagbukas nila ay tumambad ang pagkarami-raming mamahaling bag. May lipstick rin na sa magazine lang nakikita ni Rica. “Dior, Physicians Formula. Ang mamahal ng mga brand ng makeup,” nakangiting sabi niya.
“Gusto mo sa’yo na lang?” balewalang sabi ni Clarita. “Ay, hindi na ano. Nakakahiya kung makikita sa akin ni Mark iyan. Tsaka alam mo, pinsan, okay na ako sa local makeup brand. Baka kapag ipinahid ko sa mukha ko ang ganiyan ay ‘di ko na burahin,” tatawa-tawang sabi ni Rica.
Ngumiti lang din si Clarita.
Kanina pa napapansin ni Rica na matamlay si Clarita pero hindi na muna siya nagtanong. Baka kasi may regla lang o nami-miss ang asawa.
“Pinsan…” bulong ni Rica. “Ayos ka lang ba?” Hindi niya na napigilang itanong. Sukat pagkasabi niya noon ay bigla na lamang humagulgol ang babae.
Pinaghahagis rin nito ang mga mamahaling gamit.
“Huy!” gulat na wika ni Rica.
“Aanhin ko ang mga ‘yan? Kung niloloko niya lang ako?” daing ni Clarita.
Nanlaki ang mata ni Rica. “Ibig mong sabihin…”
“Padala nang padala ng ganiyan si Mark upang pagtakpan ang katotohanan na may kabit siya! Ibinabahay niya ang babae sa Manila at pinadadalhan rin. Ang walangh*ya! Akala niya matatapalan ng materyal na bagay ang kahay*pan niya!” gigil na gigil na wika ng babae.
Naaawa namang niyakap ni Rica ang pinsan. Diyos ko po.
Hanggang makauwi ay ‘di makapaniwala si Rica. Medyo nagulat pa siya nang makitang naroon na ang mister at abalang nagluluto ng hapunan.
“Surprise! Nakapagpaalam ako kay bossing na uuwi ako ng maaga. Hindi na kita tinext para magulat ka…” hindi na natapos pa ng lalaki ang sasabihin dahil niyakap ito ni Rica nang pagkahigpit-higpit.
“Sorry sa mga oras na masungit ako. Gusto ko lang sabihin na napakasuwerte ko sa’yo.” taos-pusong wika ni Rica.
Ang pagpapahalaga ng isang tao sa atin ay hindi nasusukat sa materyal na bagay dahil ang pag-ibig ay hindi basta lamang sinasabi kung ‘di ipinaparamdam.