Inday TrendingInday Trending
Mabait na Binata

Mabait na Binata

Bagong pasok lamang sa bangko ang binatang si Jerald. Isa siya sa mga staff doon. Kailangan niyang pagbutihan dahil may dalawa pa siyang kapatid na pinag-aaral.

Isang araw, tipikal na Lunes, puno ng tao ang bangko at iba’t ibang transaksyon ang nagaganap. Tawag rito, tawag doon. Nang sa wakas ay makahinga siya nang kaunti ay doon lumapit ang isang ginang sa table niya.

“Yes, madam? May number na po ba sila?”

Tila naguluhan naman ito sa tanong niya. Halatang walang ideya sa tinutukoy niya. Lalapitan na sana ito ng guard nang senyasan niya ang lalaki na hayaan na. Tutal ay senior citizen naman.

“Hihingi lang sana ako ng tulong, sir, gawa ng itong lupa ko ay maiilit na raw ng bangko ninyo. Natanggap ko itong letter isang buwan matapos ninyong ipadala. Kasi, eh, umuwi ako sa probinsya para asikasuhin ang libing ng mister ko. Kapapanaw niya lang, eh,” paliwanag ng ginang. Isa-isa pang inilabas ang mga papeles sa harap niya.

Ni-review iyon ni Jerald. Masama ang nakikita niya dahil ayon sa records ay ilang beses nang nagpadala ng notice ang bangko.

“Kung sakali po kaya, lola, may pambayad na po kaya kayo ngayon? Kahit half?” tanong ni Jerald. Problemadong napailing ang matanda.

“Ganito kasi ‘yan, sir. Ang asawa ko ho ay navy. May pensyon siya pero dahil malaki ang, ano, nagastos sa gamutan niya ay kinapos kami. Nagawa kong collateral ang bahay nang mangutang ako rito sa bangko,” paliwanag ng ginang.

“Magbabayad naman ako, sir. Kaya lang ay may pinoproseso pa sa burial ng asawa ko kaya wala pa akong pera ngayon. Ang sabi ng abogado mga isa o dalawang buwan daw po bago ituloy ang pensyon,” dagdag pa ng matanda.

Nakakaunawang tumangu-tango si Jerald.

Tumayo siya sandali at inilapit sa kanilang manager ang kaso. Pero tinignan siya kaagad ng masama ng babae. “Ikaw ang magdesisyon. Pero I suggest na huwag mo nang pagbigyan. Sa ganitong business, Jerald, hindi puwedeng puso ang umiiral.”

Sandaling nag-isip si Jerald tapos ay binalikan ang lola.

Maaaring tama nga ang kaniyang boss. Susundin niya na sana ang payo nito pero namasdan niya naman ang matanda. Halos kaedad lang ng lola niya. Sigurado siyang marami nang sumasakit rito. Ayaw niya nang dagdagan pa ang problema nito kaya kahit na tiyak na pagagalitan siya ay pumayag ang binata.

“Salamat, hijo!” Tinignan ng ginang ang pangalan niya sa ibabaw ng mesa. “Jerald. Jerald Ignacio. Pagpalain ka, hijo. Salamat, ha. Napakaimportante sa aming mag-asawa ang lupang iyon, eh,” maluha-luhang sabi ng lola.

Niyakap pa ng matanda si Jerald.

Makalipas ang ilang buwan.

Abala si Jerald sa pagtitingin ng mga hiring na kompaniya online. Kare-resign niya lamang sa bangko. Kasi naman mula noong pagbigyan niya ang lola ay pinag-initan na siya ng boss.

Dumagdag pa sa bigat noon ang tsismis at sulsol ng mga kasamahan niya. Kung ganoon rin lang ay ayaw niya na. ‘Di na siya nagtagal pa. Mahirap maghanapbuhay kung maraming negatibo sa paligid. Kaya heto siya, nganga. Buti na lamang at may kaunti pang naipon.

“Nak, may naghahanap sa’yo!” sabi ng mama ni Jerald.

Dali-daling bumaba ang binata at hinarap ang sinasabi ng kaniyang ina na bisita raw.

Tumambad sa kaniya ang isang may edad na lalaki sa kanilang salas. May bitbit itong maleta. Tumayo ito nang makita siya.

“Kumusta? Ako si Attorney Lopez. Ako ang nag-aasikaso sa papel ni Mrs. Corazon Dimasalang,” pakilala ng matandang lalaki.

Kumunot ang noo ni Jerald habang kinakamayan ang matanda. Pilit niyang inaalala ang pangalang sinabi nito. Ah, ang lola sa bangko!

“Ano ho ang maitutulong ko sa kanila?” tanong ni Jerald.

“Ikaw iyong staff sa bangko na tumulong kay lola, ‘di ba? According to her…”

“Wait lang ho, attorney. Ganito ho kasi ‘yan. Nag-resign na ako doon. Kaya kung may transaksyon ho kayo sa kanila ay mas maganda na sa opisina nila ho kayo makipag-usap,” pagputol ng binata sa sasabihin ng abogado.

Nakangiting umiling ang attorney.

“Ganito, hijo. Pumanaw na si Mrs. Corazon last week. Ni hindi siya nagkaanak sa kaniyang mister. Wala siyang ibang pamamanahan kaya ikaw ang isinulat niya sa kaniyang last will and testament dahil sa kabila ng pagkalagay mo sa alanganin ay pinili mo pa ring maging mabuti. Labis mo siyang napahanga,” saad ni Attorney Lopez.

“Bukod sa lupang natubos niya na sa bangko isang buwan na ang nakalipas ay may malaking halaga rin ng salapi na iniwan ang matanda. Sa iyo na lahat iyon,” pahayag ng abogado.

“Ho?” ‘di makapaniwalang wika ni Jerald.

Malungkot siya dahil pumanaw na ang lola. Ibinulong niya sa hangin ang pasasalamat rito.

Mabuti na lamang at pinili niya ang kabutihan. Nawalan nga siya ng trabaho grabe naman ang biyayang ipinalit ng Diyos.

Advertisement