Kilalang utangan ng pera ang mag-asawang sina Nanay Rodora at Tatay Fabian. Halos lahat yata sa lugar nila ay sa dalawang matanda tumatakbo kapag nangangailangan sila ng pera.
“Thea, baka naman pwede mong sabihin sa mama mo na uutang kamo ako mamaya sa kaniya. Nandiyan na ba siya sa inyo?” tanong ni Delia, kapitbahay ng dalaga.
“Ah, wala pa po sina nanay, nasa SM pa. Abangan niyo na lang po mamaya kapag dumating na,” sagot naman ni Thea, ang bunsong anak nila Nanay Rodora at Tatay Fabian.
Umalis naman kaagad si Thea para pumasok na sa trabaho at nang makalayo kay Delia ay agad niyang kinuha ang telepono saka tinawagan ang kaniyang nanay.
“‘Nay, nakausap ko si Aling Delia kanina sa may tindahan. Mangungutang daw sa’yo. Utang na loob, ‘nay! Tanggihan mo!” saad ni Thea sa kaniyang ina.
“Ikaw naman, anak, baka naman kailangang-kailangan na nung tao. Bakit natin tatanggihan? ‘Di ba’t nandito tayo para tumulong sa mga nangangailangan,” mahinahong pahayag naman ni Nanay Rodora.
“Nay, kung balak niyo hong tumakbo bilang santo sa lugar natin ay pwede niyo nang simula kapag pinautang niyo ho iyong babaeng iyon. Napakasama ng record nun pagdating sa utang. ‘Yung hihiramin nun sa’yo ay paniguradong ipangbabayad lang niya sa mga utang pa niya hanggang sa patong-patong na,” paliwanag ni Thea sa matanda.
“E kasi nga kaya nalulubog ‘yung tao ay napakalaki ng mga interest ng mga nagpapautang dito sa atin. Kaya nga sa atin sila palaging tumatakbo ‘di ba?hayaan mo na kung manghiram man sa atin. Tingnan natin kung talagang salawahan nga ang ugali niya,” saad naman ni Nanay Rodora.
“Hay, ‘nay, kung makapagsalita kayo palagi ay akala niyo napakarami nating pera!” baling ng babae sabay baba ng telepono.
Limang taon nang retirado ang dalawang matanda sa trabaho at wala nang ibang pinagkukuhanan ng pera kung’di ang pautang na naging hanapbuhay na nang kanilang pamilya. Limang porsyento lamang ang patong nila sa utang at maari itong bayaran ng isa hanggang anim na buwan sa kanila. Kaya naman mahal na mahal sila ng mga tao pagdating sa pera.
“Nay! Baka naman pwede niyo ho akong pautangin ng limang libo. Kailangan lang po ng bunso kong anak sa eskwelahan,” wika ni Delia nang makauwi ang dalawang matanda sa bahay nito. Nakaabang na kaagad ang babae sa gate.
“Saka pwede po bang anim na buwan bago ko mabayaran? may mga utang pa rin ho kasi akong tinatapos sa iba at kaya naman ako lalapit sa inyo kasi ayaw na ho nila ako pahiramin.
“Baka kasi hindi ka nagbabayad?” baling ni Tatay Fabian.
“Nagbabayad naman ho, paunti-unti nga lang. Pero binabayaran ko naman ho lahat,” sagot ni Delia sabay nguso pa sa matandang lalaki.
“Ang dami mo nang utang, Delia. Sigurado ka bang makakayanan mo kaming mabayaran? Matanda na kami at ito na lang ang inaasahan. Papahiramin naman kita pero sana magbabayad ka ha,” wika naman ni Nanay Rodora.
“Opo, ‘nay. Magbabayad ako, nasa ibang bansa pa rin naman si Bryan. Talagang kinakapos lang kami dahil nasa ospital nung nakaraan ang nanay ko tapos ang anak ko rin ay nadengue-”
“Ayos na, ‘di mo na kailangan pang magpaliwanag. Papahiramin naman kita,” singit ni Nanay Rodora sabay kuha ng kaniyang pitaka at inabot ang pera kay Delia.
Tuwang-tuwa naman ang babae at mabilis na umuwi. May dala na itong manok na pananghalian nila ng kaniyang anak.
“Nay, saan niyo po kinuha ‘yung pinambili po niyan?” tanong ni Annalisa, ang anak ng babae.
“Nakautang ako kay Nanay Rodora, anak,” sagot naman ni Delia.
“Ibig sabihin po ba niyan ay babayaran niyo na ‘yung utang niyo sa nanay ng mga kaklase ko?” tanong muli ng dalaga.
“Hindi, pera ko lang ‘to para sa bahay. Hayaan mo ‘yung tatay mo ang magbayad ng mga utang natin. Siya naman talaga dapat nagbabayad nang lahat ng ‘yun. Kasalanan naman niya ‘yun, tatanga-tanga siya!” baling naman ni Delia.
Nagkandalubog-lubog sa utang ang pamilya ni Delia nang maloko ng recruiter ang asawa nito na nasa ibang bansa. Ngunit hindi na lamang umuwi at ngayon ay isang TNT doon. Hirap ito sa pagpapadala ng pera dahil wala naman ngang permanenteng trabaho roon ang lalaki.
“Nay, hindi ba kayo naawa kay tatay?” malungkot na tanong ng kaniyang anak.
“Anak, ganyan talaga ang buhay. Responsibilidad ng tatay mo ang buhayin tayo. Tsaka wala naman akong alam na trabaho, wala naman akong tinapos pero nakikita mo naman na naglalaba ako, nagtitinda pang dagdag sa gastusin natin ‘di ba?” sabi ni Delia sa kaniyang anak.
“Pero mas marami pong gastos ang luho niyo, lalo na ang alak kaya nga lubog na tayo sa utang. Lahat na nga lang yata ng nanay ng mga kaklase ko ay may utang kayo. Isama niyo na rin po ang mga tindahan dito sa lugar natin, halos lahat ay tayo ang may pinakamahabang listahan ng utang,” baling ni Annalisa sa kaniyang ina.
“Hoy, ikaw na bata ka, tigilan mo nga ako! Wala kang alam sa mga naging sakripisyo ko sa buhay kaya kung ano man ang ginagastos ko ngayon ay wala pa ‘yun sa kalahati ng dapat na natatamasa ko sa buhay. Bwisit kasi ‘yung tatay mo!” sigaw ni Delia saka ito lumabas ng bahay.
Hindi na bumalik pa si Delia at paniguradong nasa inuman na naman ito kasama ng mga dati niyang kaibigan. Nasa 38 anyos na ang babae ngunit pakiramdam niya’y pinagkaitan siya ng yaman dahil hindi pa rin ito nakakaranas ng ginhawa sa buhay.
Ilang linggo lang ang nakakalipas ay nagbayad kaagad si Delia kay Aling Rodora.
“O, akala ko ba anim na buwan mong balak na bayaran ‘yung utang mo? Bakit nagbayad ka na kaagad ngayon ng kalahati?” tanong ng matanda.
“Nahihiya po kasi ako sa inyo, alam ko po kasing ito ang kinabubuhay niyo kaya naman kayo na po ang inuna ko,” malambing na saad ni Delia at niyakap pa ang matanda.
“Hindi niyo lang alam, pakunswelo lang ‘to para sa mas malaking uutangin ko sa inyo!” loob-loob ni Delia.
Ilang linggo lang ang lumipas ay umutang ulit ang babae kay Nanay Rodora ng sampung libong piso. Kaagad naman itong pinautang ng matanda dahil nagbabayad naman daw ito sa kaniya.
Ngunit lingid sa kaalaman ng maraming tao ay lumuwas na si Delia patungo sa ibang probinsya. Tinakbuhan ang mga utang nito at namuhay sa ibang lugar na parang bagong tao.
“Nay, hindi ka man lang ba nakokonsenya sa mga inutagan mo? Lalo na po kay Nanay Rodora? Ang laki ng inutang niyo sa kaniya, kawawa naman ‘yung matanda,” pahayag ni Annalisa sa ina.
“Alam mo, anak, mayaman naman na ‘yung si Nanay Rodora kaya kahit na hindi tayo magbayad sa kaniya ay hindi magiging kawalan ‘yun!” baling ni Delia rito.
Napailing na lang si Annalisa sa kaniyang nanay at walang nagawa kung ‘di humanap ng bagong eskwelahang mapag-aaralan niya ng hayskul. Mag-iiba na naman siya ng kaniyang numero at Facebook para hindi mahanap ng mga dati nilang kakilala. Hanggang sa halos tatlong taon na rin sila sa bagong lugar na walang nakakahanap o gumugulo sa kanila na maniningil ng utang.
Isang araw, habang pauwi si Annalisa galing sa eskwelahan ay nagulat siya ng mabilis na naglalakad ang kaniyang ina. Lakad takbo ang ginagawa nito at hindi na nga siya napansin sa sobrang pagmamadali.
“Ma, bakit ka nangmamadali?” hangos din ni Annalisa.
“Diyos ko, anak, bilisan na lang nating umuwi dahil may nakita akong tao na dapat hindi natin makita,” baling ni Delia sa anak at mabilis na hinatak ang dalaga.
“Naku, sisingilin ka na naman, ano?” mapait na pahayag nito habang sinasabayan sa paglakad takbo ang ale. Nakarating na sila sa kanyang pamamahay, mabilis na nagsara ng mga bintana at pintuan si Delia.
“Sino po ba ‘yung nakita niyo? Harapin niyo na lang po, sabihin niyo na isang taon na lang naman at makakapagtapos na ako kaya mababayaran ko na kamo silang lahat sa oras na magkatrabaho ako,” pahayag ni Aling Delia nang makarating sila sa kanilang bahay.
“Naku, anak, may college pa. Paano ka makakapagtrabaho? E college graduate ang kailangan, e wala naman tayong pangkolehiyo mo! Kaya tigil-tigilan mo na ‘yung mga ganyang linya kasi ikakapahamak mo iyan pagdating ng araw.”
“Nakita ko si Nanay Rodora naglalakad sa bayan! Tang*na, sampung libo ang utang natin dun. Yari ako kapag nakita ako nun, wala akong pambabayad sa kaniya! Dumayo pa siya rito para lang hanapin ako,” baling ni Delia.
“Hindi lang ho sampung libo kung tutuusin,” simpleng bulong naman ni Annalisa at saka ito umalis. Lumipas pa ang ilang mga araw at palaging nagtatago si Delia sa kanilang bahay. Hindi ito lumalabas dahil parati nga raw niyang nakikita si Nanay Rodora. Baka nagtatanong-tanong na ito kung saan sila nakatira.
“Annalisa, lumipat na kaya tayo ulit? Nakita ko na naman si Nanay Rodora, na sa may kanto na natin!” pahayag ng ale.
Hindi sumagot si Annalisa sa kanyang ina at kinuha ang kaniyang telepono. Naisip niyang hanapin sa Facebook ang matanda o ‘di kaya naman ang anak nito. “Nay! Trip mo ba ako?” saad ni Annalisa sa kaniyang ina.
“Si Nanay Rodora, wala na! 3 years ago na sa Facebook. Sumakabilang buhay na pala siya!” dagdag pa nito.
Hindi nakapagsalita kaagad si Delia, pakiramdam niya’y may yumakap sa kaniyang malamig na hangin at nagtayuan ang kaniyang balahibo. Nang malaman niya na pumanaw na pala ang matanda ay pinilit niyang kumbinsihen ang sarili na namamalikmata lamang sa nakikitang imahe ni Nanay Rodora sa kanilang lugar. Hanggang sa isang araw, mahimbing na ang tulog ni Delia nang bigla siyang mapatingin sa kaniyang paanan.
“Delia, bayad mo?” saad ni Nanay Rodora na nakatayo roon habang nakalahad ang palad nito.
“LORD!” sigaw ni Delia at mabilis na nagtakip ng kumot. Sa pagkakataon iyon, alam na niyang hindi siya namamalikmata lamang dahil sigurado na siya na minumulto na siya ng matanda.
Kaya naman kinaumagahan ay napagpasyahan dalawin ni Delia ang puntod ng matanda at bumalik sa dating lugar. Doon niya napag-alamang pumanaw ang matanda tatlong taon na ang nakakalipas nang tinakbuhan raw niya ito sa utang. Nabigla si Nanay Rodora at hindi na nakayanan pa ang sama ng loob kaya biglang inatake sa puso.
Simula noon ay nangako si Delia sa puntod ni Nanay Rodora na magbabayad na siya ng mga utang, Tinupad naman ito ng babae kahit na paunti-unti, at kahit papano ay paminsan-minsan na lamang siya dalawin ng matanda.
Kapag tayo ay nangutang, siguraduhin nating makakabayad tayo. Dahil kadalasan, hindi lang pera ang ipinahiram sa atin ng ating pinagkakautangan kundi pati na rin ang kanilang tiwala sa atin. At alam nating lahat na napakahirap maibalik ng tiwala kapag ito ay nasira na.


