Inday TrendingInday Trending
Inuuna Palagi ng Lalaki ang mga Kaibigan, Kahit Asawang Manganganak ay Kaniyang Iniwan sa Bahay

Inuuna Palagi ng Lalaki ang mga Kaibigan, Kahit Asawang Manganganak ay Kaniyang Iniwan sa Bahay

“Aba! Nandito ang pinakagwapo kong kumpare? Totoo ba ‘to? Hindi niya nakalimutan ang kaarawan ko?” pagpaparinig ni Joki nang makita ang kaniyang matalik na kaibigan sa kaniyang bahay, isang gabi habang pinagdiriwang niya ang kaniyang kaarawan.

“Tumigil ka nga! Bakit ko naman makakalimutan ang kaarawan mo, eh, ito rin ang araw kung kailan tayo unang nagkakilala sa tabing dagat!” sagot ni Zeth habang tinatapik-tapik pa sa likuran ang kaibigan.

“Nakakatuwa ka naman! Tandang-tanda mo pa talaga!” masayang sambit nito at bahagyang napaisip, “Pero, teka, hindi ba’t sabi mo sa akin noong nakaraang linggo, baka hindi ka makadalo dahil ngayong linggo posibleng manganganak ang asawa mo? Nanganak na ba siya?” tanong pa nito.

“Hindi pa nga, eh! Inip na inip na ako sa bahay kaya iniwan ko muna siya saglit. Hindi pa naman humihilab ang tiyan niya, baka nga sa isang linggo pa ‘yon manganak!” tugon niya saka agad na kumuha ng kaniyang maiinom na alak.

“Naku, mukhang hindi magandang iniwan mo siya mag-isa sa bahay niyo,” pag-aalala nito na ikinatawa niya.

“Ano ka ba naman? Saglit lang naman ako rito! Huwag ka nang mag-alala riyan! Mag-inom na tayo!” yaya niya rito saka niya ito binigyan nang maiinom na alak.

Ayaw na ayaw ng padre de pamilyang si Zeth na may makakaligtaan siyang pagdiriwang sa buhay ng kaniyang mga kaibigan. Mapakasal man, binyag, despedida o kahit kaarawan, gusto niya’y lahat ng mga ito ay nakadadalo siya. Kahit nga may mas importante siyang kailangang gawin o puntahan, agad niya itong ipagpapaliban makapunta at makapag-inuman lang kasama ang kaniyang mga kababata.

May pagkakataon pa ngang may hindi siya sinipot na job interview sa isang malaking kumpanya sa Maynila nang malaman niyang may biglaang pagdiriwang ng kaarawan ang isa sa kaniyang mga kaibigan. Kahit na pilit siyang sinasabihan ng kaniyang ina noon na unahin ang oportunidad na naghihintay sa kaniya kaysa sa walang kwentang pagdiriwang, ito pa rin ang inuna niya na naging dahilan para siya’y muling mahirapang maghanap ng oportunidad katulad nito.

Imbis na magtanda sa pagkakamaling ‘yon, patuloy pa rin siyang gumagawa nang ganitong klaseng desisyon para lamang makaisa sa kaniyang mga kaibigan hanggang siya’y mag-asawa na.

Lingid man sa kagustuhan ng mga kaibigan niya ang ginagawa niyang ito at siya’y laging pinagsasabihan, palagi niyang katwiran, “Ayoko kasing nahuhuli sa inyo, gusto ko, kung anong ginagawa niyo, alam at nararanasan ko rin lahat,” dahilan para siya’y pagbigyan na lang ng mga ito.

Kaya naman, kahit itong linggo na ang mga araw kung kailan posibleng manganak ang kaniyang asawa, pinili niya pa rin itong iwan mag-isa sa kanilang bahay at makipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan.

Pakiramdam niya kasi, sa isang linggo pa itong manganganak dahil hindi pa humihilab ang tiyan ng kaniyang asawa.Ito ang dahilan para hindi siya mag-aalinlangang makisaya sa kaarawan ng kaibigan kahit mag-isa lamang ang kaniyang asawa sa kanilang bahay.

Katulad ng nais niya, siya nga’y nagpakalango sa alak. Nagawa niya pang makikanta sa videoke na nasa sala ng kaniyang kaibigan habang sumasayaw sa kaniyang awitin ang iba pa niyang kaibigan na labis na nagbigay nang saya sa kaniya.

Nakailang bote na rin siya ng alak bago niya naisipang silipin ang kaniyang selpon kung mayroon bang mensahe ang kaniyang asawa.

Ngunit pagkatingin niya sa kaniyang selpon, sandamakmak na tawag at mensahe mula rito ang natanggap niya.

“Diyos ko, sandali!” sigaw niya saka agad na tinawagan ang kaniyang asawa at lumabas sa naturang bahay upang malinaw itong marinig.

Nakailang tawag pa siya bago may sumagot na isang hindi kilalang babae.

“Sino ‘to? Nasaan ang asawa ko?” natataranta niyang tanong habang hinahanda na ang kaniyang motorsiklo.

“Nandito na po siya sa ospital, sir, dinala siya ng mga kapitbahay niyo,” tugon ng nars.

“Nanganak na ba siya? Kumusta ang anak ko?” pang-uusisa niya.

“Nanganak na po si ma’am, sir, kaya lang, hindi po buhay ang anak niyo dahil nasa bahay niyo pa lang po si misis, nakalabas na po ang ulo ng bata na may nakapulupot na pusod. Magpunta na po kayo agad dito para mabantayan niyo ang asawa niyo,” payo ng nars na kaniyang ikinatulala.

Labis na pagsisisi ang nasa loob niya at dahil hindi na niya kayang magmaneho, hinatid na lang siya ng kaniyang kumpare sa ospital. Doon niya nakita kung gaano kalungkot ang asawa niya habang hawak-hawak ang walang buhay nilang anak.

“Saan ka ba kasi nagpunta?” inis na tanong nito habang namumugto ang mga mata.

“Patawarin mo ako, mahal,” tangi niyang sambit saka tuluyang napahagulgol.

Simula noon, nangako na siya sa kaniyang asawa na bibigyan na ng prayoridad ang inuumpisahan nilang pamilya.

Hindi man siya palaging nakakasama sa mga kaibigan, nahilom niya naman ang sugat na bigay ng tadhana sa kaniyang asawa hanggang sa muli itong magbigay buhay sa isang malusog na sanggol.

Advertisement