
Sobrang Palakaibigan ang Dalagang Ito, Siya’y Nakipagkita sa Ginang na Nakasabay Niya Lang sa Bus
“Adriana, mahal, sino itong nakakapalitan mo ng mensahe? Bakit parang hindi mo pa ito nasasabi sa akin?” pang-uusisa ni Carlos sa kaniyang kinakasama, isang gabi nang makita niya sa selpon nito ang naturang usapan.
“Ah, ayan ‘yong ginang na nakatabi ko sa bus kahapon habang pauwi ako galing trabaho. Nakakaawa nga ‘yang ginang na ‘yan, eh. Mantakin mo, tatlo ang anak niya, may kaniya-kaniya ng pamilya pero siya pa rin ang nagpapakain sa mga ‘yon! Mga walang kwentang anak, hindi ba?” kwento ni Adriana rito, bakas sa mukha niya ang labis na pagkaawa sa naturang ginang.
“Nakakaawa nga siya, pero tama ba itong pagkakaintindi ko sa usapan niyo? Magkikita kayo bukas ng hapon para magkape?” tanong pa nito habang sinisipat-sinapat ang kaniyang selpon.
“Oo, mahal! Nakakatuwa nga siya, eh. Gusto niya akong ilibre dahil sa ginawa kong pagbayad sa pamasahe niya kahapon. Naawa kasi talaga ako kaya giniit kong ako ang magbayad ng pamasahe niya,” magiliw niyang tugon.
“Kinakabahan ako sa ginagawa mo, eh. Baka sa mamaya, hindi dapat pagkatiwalaan ang taong ‘to,” pangamba nito na kaniyang ikinatawa.
“Nag-iisip ka na naman ng kung anu-ano! Walang mangyayaring masama, magkakape lang kami!” sagot niya saka mahigpit itong niyakap upang bahagyang kumalma.
Kung pagiging palakaibigan lang ang pag-uusapan, malamang, una na sa listahan ang dalagang si Adriana dahil kahit hindi niya kilala, basta tinangka siyang kausapin, agad niya itong makakapalagayan ng loob na labis na ikinakatakot ng binatang kinakasama niya sa bahay.
Kahit kasi nakasabay niya lang sa jeep o nakatabi sa pila sa bangko, basta magtanong lang ito sa kaniya o manghingi ng direksyon, sandamakmak na impormasyon na ang agad niyang sasabihin na nagiging dahilan upang mapahaba ang kanilang usapan hanggang sa tuluyan nang mapalagay ang kaniyang loob.
Maganda naman sana ang ugali niyang pagiging palakaibigan. Kaya lang kasi, wala siyang limitasyong itinatalaga kahit sa mga taong kakakilala niya pa lamang na talaga nga namang nagbibigay panganib sa kaniya.
May pagkakataon pa ngang kamuntikan na silang malooban ng kaniyang kinakasama dahil pinayagan niyang makigamit ng banyo ang isang dalagang nakasabay niya sa pagbili ng ulam sa karinderya sa tapat ng kanilang bahay. Mabuti na lang talaga, nandoon ang kaniyang kinakasama para ito’y maagapan.
Ito ang dahilan para ganoon na lang mangamba ang kinakasama niya sa pakikipagkita niya sa isang hindi kilalang ginang. Pilit man siyang pagbawalan nito, hindi niya matiis ang ginang na nangungulit na makipagkita sa kaniya.
Kaya naman, siya’y tumakas sa kaniyang kinakasama kinabukasan para lamang makipagkita sa ginang na iyon. Laking tuwa niya namang nang makitang naghihintay na ito sa kapehang pinag-usapan nila at may nakahanda na ring pagkain.
“Kumusta po kayo? Mukhang ang mahal ng binili niyo, ha?” bati niya rito saka niya ibinaba ang bag niya sa upuan sa pagitan nilang dalawa.
“Mabuti naman, hija, maupo ka na at kumain na tayo. Huwag mong intindihin ang presyo, gusto ko lang bumawi sa’yo!” tugon nito na labis niyang ikinatuwa.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noong mga oras na ‘yon dahil bukod sa masarap nilang pagkain, natututo pa siya ng aral sa buhay mula sa ginang na ito.
Ngunit maya maya, habang nasa kalagitnaan sila ng kwentuhan, may tumawag dito at ito’y nagmadali nang umalis. Agad naman siyang pumayag dahil pakiwari niya, emergency ito.
Kaya lang, papaalis na sana siya nang bigla siyang habulin ng waiter at siya’y sinisingil nito.
“Teka, hindi pa ba bayad ‘yan?” tanong niya, agad na umiling ang waiter dahilan para kuhanin niya ang kaniyang pitaka habang labis na nagtataka.
Pero todo kapa na siya sa loob ng kaniyang bag, hindi niya makapa ang kaniyang pitaka at doon na siya nagsimulang kabahan. Naisip niyang tawagan ang kinakasama ngunit pati selpon niya, wala na rin sa kaniyang bag.
“Naloko na,” iiling-iling niyang sambit saka siya humiling sa waiter kung pupwedeng makita ang CCTV ng naturang kapehan dahil nawawala ang kaniyang mga gamit.
Doon niya nakumpirmang siya nga’y ninakawan ng ginang na iyon at kitang-kita ito sa CCTV. Hinang-hina siya sa nangyaring ito dahil ang sweldo niya, mga card, at mga I.D. ay nasa wallet niya, bukod pa ang bagong bili niyang selpon na natangay din nito.
Nakiusap siya sa manager ng kapehan na makitawag upang papuntahin ang kaniyang kinakasama. Pagdating nito, agad nitong binayaran ang kinain niya at sila’y nagpunta sa presinto.
Ngunit ilang oras na silang naghahanap katulong ang mga pulis sa kanilang lugar, hindi na nila makita ang ginang na ito.
Doon niya labis na napagtantong hindi siya dapat nakikipagpalagayan ng loob masyado sa mga taong hindi niya kilala dahil maaari siya ritong mapahamak.
Laking pasasalamat naman niya dahil kinabukasan, natunton ito ng mga pulis at kahit wala na ang kaniyang pera at selpon, gumaan na rin ang loob niya dahil ito’y mabibilanggo na at hindi na muling makapagbibiktima ng ibang tao.
Hindi na rin siya gaano nakipagkaibigan sa mga hindi kilala simula noon dahil ayaw niya nang maisahan at malagay sa panganib.