Iniwan Sa Harap ng Altar
Huminga ng malalim si RJ habang nakatayo sa labas ng airport. Hinihintay niya na dumating ang kapatid niya na galing pa sa Amerika. Doon kasi ito kasalukuyang nag-aaral ng Medisina.
“Kuya, I’m here! God, I’ve missed you! Na-miss ko si Inang Bayang Pilipinas!” makulit na bungad sa kanya ng nakababatang kapatid na parang hindi galing sa mahabang biyahe. Halos isang taon na rin simula ng umalis ang kapatid papuntang Amerika para doon na ipagpatuloy ang kursong Medisina.
Hindi na siya sumagot at sinalubong nalang ang kapatid ng isang matamis na ngiti at mainit na yakap. Labis din siyang nangulila sa kapatid ngunit simula nang mangyari ang trahedyang naranasan niya tatlong taon na ang nakalilipas ay para bang nawalan na ng kulay ang kanyang mundo at nawalan na siya ng ganang mabuhay.
Pilit naman siyang lumalaban at nagpapanggap na ayos lamang, para hindi na mag-alala pa ang kanyang pamilya. Pero sa loob-loob ni RJ, alam niya na hindi pa talaga siya lubusang nakakausad sa nangyari. Masakit pa rin ang naging sugat ng kanyang madilim na kahapon.
Paalis na sana sila ng airport nang biglang may mahagip na pamilyar na mukha ang kanyang mga mata. Magkahalong kaba at pagkasabik ang kanyang naramdaman. Titignan niya pa sana ito para makompirma nang biglang nakiusap ang kapatid niya na umuwi na, dahil gusto na raw nitong makita ang kanilang mga magulang at ang isa pa nilang nakababatang kapatid.
“Kuya,” lumapit sa kanya ang kanyang nakababatang kapatid.
“Ano iyon?” maikling sagot niya sa dalaga.
“How are you? Ayos ka na ba? Naka-move on kana ba sa nangyari sa inyo ni Monique?” nag-aalala at sunod-sunod na tanong ng kapatid kay RJ. Pilit siyang ngumiti ng masigla at tumango.
“Oo naman. Matagal na yun. I’m over it,” pagpapapanatag niya sa loob ng nakababatang kapatid. Huminga naman ng malalim ang babae at tumango-tango na lamang.
Hindi nga namamalikmata si RJ. nakita niya ang dating kasintahan sa airport. Ang babaeng nangwasak ng puso at pagkatao niya.
Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Pinaghalong lungkot, galit at pagkasabik sa dalaga ang sabay-sabay niyang nararamdaman nang mamkita si Monique. Nagtitigan lamang silang dalawa at walang nagsasalita kaya minabuti na muna ng kanyang nakababatang kapatid na umalis at iwan sila.
“Kumusta ka na?” pagbasag ni Monique sa katahimikan.
“I’m good, and you? How’s America?” sarkastikong tanong ni RJ sa dating kasintahan.
“RJ,” sinubukang lumapit ni Monique sa dating nobyo at hinawakan ang kamay ng binata. Agad namang umiwas ang binata.
“And what the hell are you doing? After ng ginawa mo? Pagkatapos mo akong iwan sa altar tapos malalaman ko bigla ka na lamang lumipad papuntang Amerika ng wala man lang kahit anong pasabi?!” puno ng pait na bulyaw ng binata kay Monique.
“RJ please, let me explain…” nagsusumamong pahayag ng dalaga.
“After 3 years ngayon ka palang magpapaliwanag?! Wow, you’re impossible! Iniwan mo ako sa harap ng maraming tao, sa harap ng Diyos.
Iniwan mo ako sa ere! Pinagmukha mo akong t*nga! Muntik na akong masiraan ng bait Monique!” kaytagal na itinago ng binata ang kanyang mga nararamdaman, akala niya ay nawala na ito pero ngayong nasa harapan niya na ang dahilan ng lahat ng ito ay parang biglang nanariwa sa kanyang isipan ang nangyari tatlong taon na ang nakalilipas.
Napakalakas ng ulan noon, ngunit hindi niya ito inalintana at walang tigil na tinatawag ang dapat mapapangasawa niya sa labas ng bahay nito. Ang inaakala niyang magiging isa sa pinaka masayang araw sa buong buhay niya ay magiging kabaliktaran pala. Imbis na labis na kaligayahan ay labis na pighati pala ang dala nito sa kanya.
“Monique lumabas ka dyan babe please naman oh! Bakit ayaw mo akong pakasalan? May nagawa ba ako? Kung meron, sabihin mo sa akin at itatama ko. Kung may mali sa akin, magbabago ako. Sabihin mo lang babe please!? Mahal na mahal kita! Masaya naman tayo nang isang araw lang ha? Anong nangyari?!” paulit-ulit niyang pagmamakaawa sa babaeng pinakamamahal. Ngunit sumikat na ang araw at walang Monique na lumabas.
Nadala noon si RJ sa ospital kinabukasan gawa ng ilang oras na pagkababad sa ulan. Nabalitaan niya na lang na lumipad na pala papuntang Amerika si Monique. Ang babaeng dapat mapapangasawa niya ay umalis at iniwan siya ng wala man lang siyang ideya kung ano ang naging rason ng paglisan at pag-iwan nito sa kanya.
Halos mabaliw siya kakaisip kung ano ang nagawa niyang mali. Sinubukan niyang tanungin ang pamilya ng dalaga ngunit matitigas ang mga ito at wala siyang nakukuha na kahit anong sagot.
Lumipas ang mahigit isang taon at inatake ang kanyang ina dahil sa sobrang pag-aalala sa kanya. Nadala ito ng bugso ng damdamin at muntik pang bawian ng buhay.
Doon nagising si RJ at pinilit na iayos ang sarili. Bumangon siya para sa pamilya niya na kahit kailanman ay hindi siya iniwan.
“Please let me explain babe,” sinubukan siyang hawakan ulit ni Monique habang pinipigilan ang mapaiyak.
Susumbatan pa sana ni RJ ang dalaga nang bigla na lamang itong nawalan ng malay sa kanyang harapan. Mabuti na lamang at nasalo niya ito, natataranta niya itong isinugod sa hospital.
Hindi nagtagal at agad ding sumunod ang mga magulang ng dalaga. Alalang-alala ang mga ito na labis niyang ipinagtaka. At nang lumabas ang doktor ay bigla siyang natigilan sa sinabi niya sa kalagayan ng dalaga.
“Mabuti na lamang at sinunod niyo ang payo ko tatlong taon na ang nakalilipas. Buti at napagamot ninyo agad siya sa Amerika. Kung hindi ay baka wala na ngayon ang anak ninyo. Sa ngayon po ay ayos na siya. Pero I suggest na iwasan na po muna ninyo na bigyan ng stress si Monique. Makakasama kasi iyon sa kanyang puso,” paliwanag ng doktor sa kanila.
Napatingin naman siya sa mga magulang ng dalaga. Ipinaliwanag ng mga ito ang nangyari tatlong taon na ang nakalilipas.
Isang araw bago ang kanilang kasal ay naisugod sa hospital si Monique. Masyado itong nasabik sa kanilang kasal at nakaramdam ng halo-halong emosyon kaya bumigay ang puso ng dalaga. Sinabihan sila ng doktor na mas makakabuti na magpa-opera ang dalaga sa lalong madaling panahon sa Amerika na agad din namang sinunod nila.
Ayaw ni Monique na masaktan si RJ, kaya pinili ng dalaga na hindi sabihin sa kanya at iwan na lamang siya sa altar. Nang sa ganun, kung hindi siya palaring makaligtas ay hindi siya mahihirapang kalimutan ang dalaga dahil sa sakit na idinulot nito.
Hindi niya na napigilan ni RJ ang mga luhang kanina pa nagbabadyang tumulo. Napahagulhol na lamang siya ng mapagtanto ang sakit at hirap na dinanas ng dalaga malayo lamang siya sa sakit.
Hindi niya lubos maisip ang mga pinagdaanan at kinakailangang harapin ni Monique ng mag-isa. Umiyak lang siya ng umiyak na para bang maiibsan ang sakit na nararamdaman nilang dalawa sa pamamagitan ng pagluha niya.
Nakalabas si Monique ng ospital. Nagpresinta si RJ na kung pwede na siya muna ang mag-alaga sa dalaga. Nais niyang punan ang mga panahong nawala sa kanila.
Makalipas ang limang taon ay masaya siyang nakangiti sa litrato ng kanyang mahal na asawa na si Monique at ng kanilang napaka-cute na anak.
Halos apat na taon na din silang kasal at masaya sa piling ng isa’t isa kasama ang kanilang anak. Labis na paghihirap at sakit man ang kanilang pinagdaanan, sa huli ay nanaig pa rin ang kanilang pag-ibig para sa isa’t isa.
Madalas ay nasasaktan tayo ng dahil sa pag-ibig, ngunit huwag din sana nating kakalimutan na dahil rin sa pag-ibig, nagiging matapang tayo at nagagawa nating lumaban sa mga hamon ng buhay. Kapag dumating ang oras na nasasaktan tayo ng dahil sa pag-ibig, imbis na damdamin ang sakit, nawa’y piliin sana nating maging matapang para sa taong mahal natin at buong tapang na harapin ang pagsubok na kakaharapin.