Naitakda na tumulong sa gaganaping seminar si Kevin sa isang eskwelahan ng high school na sister school ng eskwelahang kanyang pinapasukan. Nasa unang taon pa lamang siya ng abogasya at isa siya sa mga napiling magsalita sa mga mga-aaral doon tungkol sa mga batas na kinakailangan nilang malaman, lalo na ang kanilang mga karapatan sa lipunan.
Layunin nilang ipaalam sa mga kabataan ang kanilang mga karapatan nang sa ganun, sa murang edad pa lamang ay malaman na nila kung paano ipagtatanggol ang kanilang mga sarili kung sakaling sila ay alipustahin ng kung sino man. Hindi na sila maaapi o maaabuso ng ibang taong mapang-alipusta.
Doon niya unang nakilala si Melissa. Nasa ikatlong taon pa lamang ito ng high school. Simpleng tao lamang si Melissa. Simple lamang ang kanyang ganda at nasa katamtaman lang din ang kanyang talino. Kung meron mang maipagmamalaki at kahanga-hanga sa munting dalaga ay iyon ang kanyang aking tapang na harapin ang kahit na ano mang pagsubok sa buhay, ang kanyang walang kapantay na sipag at determinasyon na maabot ang kanyang nais.
“Kuya, bakit mo niyo po ba naisipang kumuha ng abogasya?” tanong sa kanya ni Melissa.
“Ahm, gusto ko kasing makatulong sa mga kapwa nating hindi nakakamit ang hustisya na nararapat naman sa kanila, dahil lamang sa bulok na sistema ng bansa kung saan kung ikaw ay mahirap ay sigurado nang selda ang bagsak mo. Gusto ko sanang maging boses para sa kanila. Gusto kong iangkat ang mga nasa laylayan ng lipunan at bigyan ng boses ang mga mahihirap ngunit mga tapat nating mga kababayan,” pagpapaliwanag niya sa dalaga.
Tumango-tango lamang ang dalaga at bumalik na sa kanyang upuan. Hindi akalain ni Kevin na hindi pa pala yun ang huling pagkikita at pag-uusap nila ng dalaga dahil paglipas lamang ng isang linggo, laking gulat niya na lamang ng biglang nakita ang dalaga sa labas ng kanyang unibersidad na pinapasukan.
“Kuya Kevin! Mabuti naman at nakita na kita! Kanina pa kasi kita hinihintay dito kahit na walang kasiguraduhan na makikita kita ngayong araw, kasi hindi ko naman alam ang schedule mo,” pahayag ng munting dalaga ng makita siya paglabas ng gate ng kanilang unibersidad.
“Melissa, tama ba? Bakit, ano ang kailangan mo sa akin? May mga tanong ka pa ba sa mga naitalakay kong mga paksa nang nakaraan?” sunod-sunod na tanong niya sa munting dalaga.
“Nakapag desisyon na po ako. Gusto ko pong maging abogado!” matapang na pahayag ng dalaga na ikinagulat niya. Bigla naman siyang napangiti ng mapagtanto ang sinabi ni Melissa.
Hindi gaanong matalino si Melissa, nasa average level lang ang kanyang IQ. Ngunit mahirap pantayan ang sipag, tiyaga at determinasyon na taglay nito. Simula ng araw na iyon ay naging madalas silang magkita ng dalaga. Madalas itong magpaturo sa kanya ng mga aralin nila sa eskwela. Pakiramdam niya tuloy ay nagkaroon siya bigla ng isang nakababatang kapatid na babae.
Parati ring nandyan ang dalaga para sa kanya. Lalo na mga oras na labis siyang nahihirapan sa kanyang pag-aabogasya at sa mga panahong nawawalan siya ng tiwala sa kanyang sarili. Ito ang nagpapalakas ng kanyang loob sa tuwing pinanghihinaan na siya ng loob at para gusto ng sumuko.
Sa tuwing siya ay naliligaw na ng landas, si Melissa ang nagsisilbing liwanag upang siya’y makabalik sa tamang landas ng kanyang pangarap. Palaging ipinapaalala sa kanya ni Melissa ang rason nila kung bakit sila nagsimulang mangarap na maging abogado.
Walong taon ang agwat nilang dalawa kaya naman nang nagsimulang umusbong ang kakaibang damdamin sa kanyang dibdib ay natakot siya. Sinubukan niyang iwasan ang dalaga ngunit hindi niya nagawang takasan ito, dahil sadyang makulit at napakahirap takasan ni Melissa.
Nang hindi niya na makayanan ay umamin siya sa dalaga at pinapalayo na lamang ito sa kanya. Laking gulat niya ng magmatigas ito at sinabi ni Melissa na hindi niya gagawin ang nais ni Kevin.
“Ayoko. Malaki man ang agwat ng edad, maaaring napakabata ko pa, pero alam ko, sigurado akong mahal din kita. Kaya hindi kita lalayuan,” puno ng emosyong pahayag ng dalaga kay Kevin na labis namang ikinagulat ng huli.
Niligawan niya ang dalaga at itinago nila ang kanilang naging relasyon sa loob ng halos limang taon. Nakapagtapos na ng abogasya si Kevin at nagrereview na para sa darating na Bar Exam na gaganapin sa Nobyembre. Araw-araw ay pinupuntahan siya ng dalaga sa kanyang condo para dalhan ng kung anu-anong pagkain at mga kailangan niya. Todo ang suporta nito sa kanya.
Hindi niya alam kung paano siya nagawang tiisin ng dalaga. Ilang beses nang sigurado siyang may sapat nang rason ang dalaga para bitawan siya pero ni minsan ay hindi siya nito iniwan o binitawan, nanatili ito sa kanyang tabi at sinuportahan siya.
Masasabi niyang sobrang tiyaga ni Melissa, o sobrang mahal lamang talaga siya ng dalaga. Nagagawa ng dalaga na hintayin at samahan siya ng mahigit sampung oras na nag-aaral lamang siya at hindi niya ito kinakausap. At kahit na ganun, ni minsan ay hindi ito nagpakita ng pagkabagot na siya ang kasama ng dalaga imbis na dapat ay nasa labas ito at nagpapakasaya kasama ang mga kaklase at kaibigan niya.
At ngayon ay hindi masukat ang saya niya habang nakatingin sa bagong silang na sanggol sa kanyang harapana. Ito ang unang anak nila ng nag-iisang babaeng minahal niya sa tanang buhay niya.
Lahat ng naging paghihirap niya at ni Melissa ay nagbunga ng makapasa siya ng Bar Exam at naging isang ganap na abogado. Ilang buwan matapos ang kanyang manunumpa ay umamin silang dalawa sa kanilang relasyon at kalaunan ay hiningi niya ang kamay ni Melissa sa mga magulang ng dalaga.
Nagpakasal sila at biniyayaan naman kaagad ng isang munting anghel na lalaki na pinangalanan nilang Justice. Katatapos lamang manganak ni Melissa at sa susunod na taon ay nakatakda na rin itong mag-aral ng abogasya para sumunod sa yapak ng asawa. Sabay nilang aabutin ang kanilang mga pangarap na nagsimula sa isang hindi inaasahang pagkakataon.