
Hindi Sinasama ng Kaniyang mga Pinsan ang Dalagang Ito, Buraot Daw Kasi Siya at Walang Pera
“Insan, saan ang punta mo? Mukhang magkakasiyahan na naman kayo, ha?” bati ni Janina sa kaniyang pinsan, isang umaga nang mapansin niya itong abala sa pagluluto ng adobong baboy.
“Naku, riyan lang kami magpupunta sa bagong bukas na swimming pool sa kabilang barangay. Biglang nagkayayaan ang mga magpipinsan, eh,” paliwanag nito na ikinangiti niya.
“Magpipinsan? Edi kasama pala ako riyan? Teka, maghahanap lang ako ng pupwede kong ipang-swimming na damit!” natataranta niyang sambit dahilan para mataranta ang pinsan niyang ito.
“Ah, eh, pasensya ka na, Janina, hindi naman kasi namin napag-usapan na isasama ka,” uutal-utal na wika nito kaya siya bahagyang napakamot ng ulo.
“Anong ibig mong sabihin? Hindi ba’t sabi mo, mga pinsan natin ang kasama mo sa paliligo? Bakit hindi ako pwede sumama? Pinsan niyo rin naman ako! Sama na ako!” pagpupumilit niya rito at laking gulat niya nang siya’y itaboy palayo ng isa niya pang pinsan na biglang sumulpot sa kaniyang likuran.
“Wala naman kasi kaming pera pangbayad sa entrance mo! May pera ka ba? Tiyak, kapag sumama ka, dagdag ka pa sa pag-aambagan namin! Hindi ka ba nahihiya? Nagtataka ka pa bakit hindi ka sinasama, eh, palagi kang buraot sa magpipinsan!” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinatahimik. Imbis na magtuloy-tuloy pa ang kahihiyang nararamdaman niya, minabuti niya na lang na umuwi sa kanilang bahay at doon umiyak.
Palaging napag-iiwanan sa magpipinsan ang dalagang si Janina. Sa tuwing may lakad ang kaniyang mga pinsan, siya palagi ang hindi sinasama. Katwiran ng mga ito, wala raw silang pera pansagot sa gastusin niya.
Palagi kasi siyang walang pera. Sa kanilang magpipinsan kasi, siya na lang ang wala pang trabaho dahil nga siya’y nag-aaral pa rin. Wala rin naman siyang mahinging pera sa kaniyang mga magulang dahil maliit lang din ang kinikita ng mga ito sa pangingisda.
Ito ang dahilan para kahit ano mang okasyon, magugulat na lang siyang may litrato na sa social media ang kaniyang mga pinsan nang wala siya.
Nasasaktan man siya sa gawaing ito ng kaniyang mga pinsan, nilulunok niya na lang ang emosyong nararamdaman at pinangako sa sarili niyang balang araw, mag-aagawan ang mga ito kung kanino siya sasama. Wika niya pa, “Darating ang araw na hindi na ako mawawala sa mga masasayang larawan niyo sa social media dahil ako na ang manlilibre sa inyong lahat.”
Ilang gala pa ng kaniyang mga pinsan ang hindi niya nasamahan simula nang araw na iyon. Lahat ng ito, nginingitian niya na lang at labis na nagpursigi sa pag-aaral hanggang sa tuluyan na siyang makapagtapos ng pag-aaral.
Wala na siyang sinayang na oras noon. Habang nagkakasiyahan ang kaniyang pinsan, nagwawaldas ng kani-kanilang pera, at iniinggit siya sa social media, ginapang niya ang Maynila upang makahanap ng kumpanyang mapagtatrabahuhan.
At dahil sa kagalingan at katalinuhang mayroon siya, agad siyang natanggap bilang isang sekretarya ng isang mayamang kumpanya. Iyon na ang naging simula ng matagumpay niyang karera sa buhay.
Inipit niyang maigi ang sahod na natanggap niya. Tanging pangkain at pangpaayos lang ng kanilang bahay ang ginagasta niya. Nang matantiya na niyang malaki-laki na ang perang nalikom niya, roon na niya simulang ipagawa ang resort na pangarap niya sa tulong ng ilan niyang katrabahong nag-invest dito.
Sa ganda nito, kahit hindi pa ito tapos itayo, agad na itong sumikat sa social media na labis na ikinagulat ng kaniyang mga pinsan.
Katulad ng pingako niya sa sarili, pagkaputok ng balitang iyon sa kanilang lugar, nagkukumahog ang kaniyang mga pinsan na makausap siya.
Kung dati ay palaging tahimik ang kanilang bahay, ngayo’y halos araw-araw na maingay dito dahil sa pinsan niyang nagpapaligsahan upang makuha ang loob niya.
“Pinsan niyo na ba ako ngayon?” sarkastikong wika niya sa mga ito.
“Oo naman! Kailan ka ba naiba sa amin?” tanong ng isa na ikinatawa niya na lamang.
Pero dahil nga likas ang kabaitang nananalatay sa dugo niya, kinalimutan niya ang mga masasakit na naranasan dahil sa mga pinsan niyang ito.
Imbis na magtanim ng galit, binigyan niya ng pagkakataon ang bawat isa sa mga pinsan niya na magbago ng ugali. Sabi niya pa sa mga ito, “Kaya tayo naging magpipinsan, upang magtulungan. Hindi ‘yong kakalimutan natin ang pinsang naghihirap,” dahilan para agad na humingi ng tawad ang mga ito sa kaniya.
Simula noon, hindi na siya muling nawala pa sa mga gala ng kaniyang mga pinsan. Sinisigurado niya ring walang napag-iiwanan sa mga ito. May pera man o wala, basta pinsan nila, kaniyang isinasama sa lahat ng kasiyahan.