
Biglang Nanlamig ang Nobyo ng Dalagang Ito, Nasurpresa Siya sa Nag-aabang na Selebrasyon sa Pag-uwi Niya ng Pilipinas
“Matutuloy ka ba sa pag-uwi bukas sa Pilipinas, Bianca?” tanong ni Jedi sa kaisa-isa niyang katrabahong Pinoy, isang umaga nang makita niya itong abalang nag-eempake ng gamit.
“Oo, ate, hindi na kasi makatiis ‘yong nobyo ko na hindi ako pakasalan! Baka raw may magkagusto pa sa aking ‘Kano rito at iwanan ko siya!” kinikilig-kilig pang sagot nito dahilan para siya’y labis na mainggit.
“Nakakainggit ka talaga, ‘no! Mantakin mo ‘yon, kahit ilang oras ang pagitan mo sa nobyo mo, hindi niya nakakalimutang iparamdam sa’yo kung gaano ka niya kamahal. Hindi katulad ng nobyo ko, hindi na yata ako kilala,” buntong-hininga niya saka binagsak ang katawan sa kama ng katrabaho.
“Baka naman abala lang sa trabaho, ate. Hindi lang naman dapat sa’yo naikot ang mundo niya, dapat marunong din siyang tumayo sa sarili niyang mga paa,” paliwanag nito sa kaniya na ikinatawa niya.
“Aba, sumobra naman yata! Dapat ba akong matuwa dahil tuwing sahod lang niya ako naaalala? Palagi niya pa akong tinatanong kung kailan ako magpapadala!” inis niyang sambit dito na ikinailing nito.
“Naku, ate, kung pagkukwentuhan natin ang sakit sa ulo mong nobyo baka hindi na ako makaalis bukas. Teka, may ipapasabay ka ba sa pamilya mo? Akin na, at isisiksik ko na rito sa maleta ko!” sambit pa nito kaya siya’y dali-daling nagtungo sa kaniyang silid upang ipasabay ang binili niyang mga tsokolate para sa kaniyang pamilya at nobyo.
Simula nang makapagtapos sa pag-aaral ang nars na si Jedi, agad na siyang nagpasiyang magtrabaho sa ibang bansa. Bukod kasi sa alam niyang mas malaki ang sasahurin niya rito, sigurado pa siyang lalago ang kaniyang mga kaalaman dito.
Kaya naman, nang siya’y makahanap ng kumpanyang mapapasukan sa Amerika, kahit na tutol ang nobyo niya dahil ayaw nitong maging long distance relationship sila, pinili niya pa ring magtrabaho rito kaysa maghirap kasama ang nobyo niya.
Naging maayos naman ang kanilang relasyon kahit na magkalayo sila ngunit hindi nagtagal, unti-unti siyang nakaramdam ng panlalamig sa pakikitungo nito sa kaniya.
Ang dating binatang sabik na palagi siyang makita at makausap, ngayo’y palagi nang naging abala. Lagi nitong sinasabi sa kaniya, “Marami lang akong kailangang gawin sa trabaho,” minsan naman ay sinasabi nitong, “Pagod ako, saka na lang tayong mag-usap,” na talaga nga namang nakapagbibigay sa kaniya ng kaba at alinlangan.
Ngunit dahil nga mahal niya ito at alam niyang mahal din siya nito, lahat ng paghihinala at pag-aalala ay kaniyang isinantabi at itinuon na lang ang pansin sa trabaho. Lagi niyang iniisip, “Ilang buwan na lang, makakauwi na ako. Aayusin ko ang relasyon namin kapag nangyari iyon.”
At tila dininig ng tadhana ang hinaing niyang iyon dahil pagkaalis ng kaniyang katrabaho, masayang binalita sa kaniya ng kumpanyang pinapasukan niya na siya’y may pagkakataon na umuwi sa Pilipinas.
Dito na niya napag-isip-isip na surpresahin ang binatang minamahal niya. Binilhan niya pa ito ng pangarap nitong sapatos at ilang damit bilang pangbawi sa mga panahong wala siya sa tabi nito.
Ngunit pagdating niya sa Pilipinas, siya ang nasurpresa nang makita niya ang tarpaulin ng kasal nito at ng katrabaho niyang si Bianca sa harapan ng bahay nito!
“A-anong ibig sabihin nito?” pagtataka niya.
“O, ate, pinayagan ka ring umuwi? Halika, kain ka muna! Masaya akong makadalo ka sa kasal namin!” walang muwang na sambit ni Bianca habang hindi makatingin sa kaniya ang binata.
Mangiyakngiyak siyang nagtungo sa banyo habang siya’y pilit na pinapakalma ng mga kapamilya nito.
“Ayokong sirain ang kasal ng katrabaho ko pero para akong dinudurog!” sigaw niya saka labis na humagulgol.
Doon niya napagtantong hindi layo ang problema ng relasyon nila ng naturang binata. Ang problema nila, hindi talaga sila para sa isa’t isa.
“Kaya mo naman palang maghintay, eh. Bakit hindi mo ako nahintay?” tanong niya sa binata nang magkaroon ng pagkakataon.
“Pasensya ka na, hindi pala talaga kita mahal,” diretsong sagot nito saka siya iniwan.
Para man siyang tinutusok ng karayom habang pinagmamasdan ang kaniyang minamahal sa piling ng kaniyang katrabaho, lahat ng ito ay tiniis niya huwag lang makagawa ng gulo.
Umuwi siyang luhaan sa kanilang bahay at nang malaman ito ng pamilya niya, katakot-takot na galit ang naramdaman ng mga ito.
“Mabuti ngang pinili mo ang pangarap mo kaysa sa binatang iyon, anak! Sakit sa ulo lang ang ibibigay no’n sa’yo!” pangaral ng kaniyang ina na talaga nga namang napag-isip-isip niyang tama.
Pagbalik niya sa Amerika, binigay niya ang buong atensyon sa pagtatrabaho. Hindi man madali dahil sariwa pa ang mga sugat na mayroon siya, araw-araw niya itong ginamot ng pag-asa at malawak na pangarap para sa pamilya. Minabuti niya na ring huwag sabihin sa katrabaho ang katotohanan lalo pa’t nagdadalantao na ito at hindi na kailanman bumalik sa kanilang trabaho.