Inday TrendingInday Trending
Kinakawawa ng Kaklase ang Dalagang Kasambahay na Ito, Nakakahiya Raw Kasing Maglakad Patungong Paaralan

Kinakawawa ng Kaklase ang Dalagang Kasambahay na Ito, Nakakahiya Raw Kasing Maglakad Patungong Paaralan

“Milen! Nakita kita kanina habang papasok ng paaralan. Naglalakad ka lang ba talaga mula sa kabilang baryo hanggang dito?” pang-uusisa ni Janna sa kaklaseng kakarating lamang.

“Ah, eh, oo, eh. Imbis kasi na ipangbayad ko sa bus, binibili ko na lang ng tinapay para maibsan ang gutom sa tiyan ko. Malapit lang naman, eh, kayang-kaya namang lakarin,” kwento ni Milen habang panay ang punas sa tumatagaktak niyang pawis.

“Diyos ko, kawawa ka naman pala talaga! Mabuti pa ako, hatid-sundo ng isang magarang sasakyan! Kung ako ang nasa sitwasyon mo, hindi na lang ako mag-aaral dahil sobrang nakakahiya niyang ginagawa mo!” sambit nito saka siya inirapan na para bang nandidiri.

“Wala namang nakakahiya roon, Janna. Sa katunayan, nakakapag-ehersisyo pa ako bago pumasok kaya masigla ako sa paaralan,” nakangiti niyang wika, labis siyang nabigla nang umarte itong nasusuka.

“Naku, lagi mo naman talaga kailangang maging masigla! Isa kang katulong, hindi ba? Baka matanggal ka sa trabaho kapag lumamya-lamya ka! Mabuti nga na maglakad ka!” pangmamaliit nito saka humagalpak ng tawa dahilan para siya’y tingnan ng iba nilang mga kaklase.

Sa murang edad, napagdesisyunan na ng dalagang si Milen na mamasukan bilang isang katulong upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang buong pamilya kasabay ng kaniyang pag-aaral.

Pumasok sa isip niya ang pagtatrabaho simula nang maratay sa higaan ang kaniyang ina na tanging tumataguyod sa kanilang apat na magkakapatid dahil sa sakit sa puso at dahil nga mayroon itong mga gamot na kailangang inumin upang kahit papaano’y maibsan ang sakit na nararamdaman nito, hindi siya nagdalawang-isip na kumayod para makahanap ng pera.

Habang naglalakad-lakad siya para maghanap ng trabahong papasukan, dito na niya nakilala ang isang mabait at mayamang ginang na naliligaw. Nang sabihin niya ritong naghahanap siya ng trabaho kaya siya palakad-lakad, agad siya nitong inanyayahang maging isang kasambahay na agad naman niyang tinanggap.

Hindi siya nagsisi sa pagsama sa ginang na ito dahil bukod sa sobra-sobra na ang binibigay nitong sahod sa kaniya, tinuturing pa siya nitong sariling anak.

Kaya naman, kahit na siya’y labis na pandirihan ng mga mayayaman niyang kaklase nang pumutok sa paaralan nilang siya’y namamasukan na katulong, hindi niya ito pinapansin. Nasasaktan man siya sa mga pangmamaliit sa kaniya, iniiyak niya na lamang ito kapag siya na lang mag-isa. Lagi niyang tinatatak sa isip niya, “Para sa paggaling ni nanay at para sa pagkain ng mga kapatid ko, iindahin ko ang lahat ng ito!”

Nang araw na iyon, pagkatapos ng kaniyang klase, agad na siyang dumiretso sa mansyong pinapasukan niya. Agad siyang nagsimulang maglinis ng mga pinggan doon nang bigla niyang maalala ang pangyayaring naranasan kanina dahilan para bahagya siyang mapaiyak.

“Ikaw ba si Sarah, ang kawawang prinsesa, Milen? Bakit ka umiiyak sa paghuhugas ng plato?” biro ng mabait na ginang sa kaniya dahilan para agad siyang napapunas ng mga luha.

“Naku, hi-hindi po…” uutal-utal niyang wika dahil sa kahihiyan.

“Minaliit ka na naman ba ng mga kaklase mo dahil naglalakad ka lang papuntang paaralan?” tanong nito. “Pa-paano niyo po nalaman?” pagtataka niya.

“Halos araw-araw kitang naririnig na umiiyak, hija,” sagot nito na ikinagulat niya, “Bukas, dito ka dumiretso bago ka pumasok sa paaralan niyo, ha? Huwag na hindi, magagalit ako sa’yo,” utos pa nito na lalo niyang pinagtaka.

At dahil nga utos nito, kahit na hindi niya alam ang mangyayari, sinunod nga niya ito kinabukasan. Maaga siyang nagpunta sa bahay nito at laking gulat niya nang yayain siya nitong sumakay sa bagong bili nitong sasakyan. Bago pa man siya magtanong, hinila na siya nito papasok ng sasakyan at siya’y hinatid sa kaniyang paaralan. Halos matawa siya sa mga reaksyon ng kaniyang mga kaklase nang makita siyang bumaba sa mamahaling sasakyang iyon.

“Nakiangkas ka pa sa amo mo, Milen! Talagang gagawin mo ang lahat para maging mukhang mayaman, ano? Hoy, katulong ka lang!” sigaw ni Janna sa kaniya na ikinatungo niya.

“Hindi siya basta katulong, hija. Pamilya namin siya, at bayani siya para sa sarili niyang pamilya. Kung wala kang magandang sasabihin, itikom mo ‘yang bibig mo! Kung ayaw mong ibalik kita sa sinapupunan ng nanay mong may utang sa akin!” sambit nito na ikinagulat niya, kitang-kita niya ang kahihiyan sa mukha ng dalaga na ikinatawa ng kaniyang amo.

Simula noon, hindi na siya muling minaliit ng dalagang iyon at siya’y matiwasay nang namuhay bilang isang kasambahay at mag-aaral.

Ilang taon pa ang nakalipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos ng pag-aaral kasabay ang pagpapaopera ng kaniyang ina na sinagot ng mabait niyang amo na labis niyang ikinapasalamat at ikinasaya.

Advertisement