Inday TrendingInday Trending
Sinisisi ng Ginang na Ito ang Paghihirap sa Bulag na Anak, Napaiyak Siya nang Mapagtanto ang Naitulong nito sa Kaniya

Sinisisi ng Ginang na Ito ang Paghihirap sa Bulag na Anak, Napaiyak Siya nang Mapagtanto ang Naitulong nito sa Kaniya

“Nanay, anong oras na po? Bakit ang dilim-dilim pa po? Wala po akong makita, nanay, wala po ba tayong kuryente? Naputulan po ba tayo?” pang-uusisa ni Agnes habang unti-unting naglalakad palapit sa kaniyang ina.

“Ano ba ‘yang pinagsasasabi mo, ha? Nahihibang ka na ba? Ang tingkad-tingkad ng araw ngayon! Huwag ka ngang magloko ng gan’yan! Ilang araw mo nang sinasabing wala kang makita!” sigaw ni Claire sa anak habang pilit niyang idinidilat ang mga nakapikit nitong mata.

“Wala nga po akong makita, nanay, kung hindi dilim!” mangiyakngiyak nitong sigaw na labis niyang ikinainis.

“Naku, hindi pupwede ‘yan, Agnes, ha! Walang magbibigay ng pera sa pamilya natin! Kailangan mong kumilos at magtrabaho! Sayang ang laki ng sinasahod mo kung mabubulag ka!” bulyaw niya pa rito habang pilit itong pinapatayo nang tuwid.

“Nanay, hindi ko po alam ang gagawin! Natatakot po ako!” hagulgol nito dahilan para bitawan na niya ito.

“Aba, ewan ko sa’yo! Diyos ko, puro pasakit ang binibigay niyong magkakapatid sa akin! Paano na tayo ngayon?” pamomroblema niya saka agad na sumalampak sa sahig ng kanilang bahay.

Hindi inaasahan ng ginang na si Claire ang magiging kapansanan ng kaisa-isang anak na inaasahan niya. Buong akala niya pa naman, ito na ang magiging solusyon ng kahirapang nararanasan niya dahil sa ganda ng trabahong natagpuan nito sa Maynila.

Sa laki nga ng sinasahod ng anak niyang ito, kada sasahod ito sa trabaho, palagi itong may uwing appliances at masarap na ulam na labis niyang ikinatutuwa. Bukod pa ang perang binibigay nito sa kaniya na talagang malaki ang naitutulong sa pang-araw-araw nilang gastusin sa bahay.

Kaya naman halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang magpakita ng senyales ng pagkabulag ang anak niyang ito.

Noong una’y kinukumbinsi niya pa ang sarili at anak na baka pagod lang ang mata nito sa kakatrabaho kaya wala itong makita. Ngunit nang magsunod-sunod ang araw na wala na itong makita, roon na siya labis na nakaramdam ng pamomoblema dahilan para gabi-gabi siyang mag-isip ng paraan upang maitaguyod ang kanilang pamilya.

Dahil sa hirap ng buhay na muli niyang kinaharap simula nang tuluyang mabulag ang anak, hindi niya maiwasang hindi ito sisihin sa kalagayan ng kanilang buhay ngayon. Palagi niyang sermon dito, “Kung hindi ka sana nagpabulag, edi sana, masaya ang buhay ko ngayon!”

Nang maubos na ang perang naipon ng kaniyang anak, doon pa lang siya nagpasiyang maghanap ng pagkakakitaan. Pumasok siya bilang isang katulong sa bahay ng kaniyang kumare na talagang nagbigay sa kaniya ng labis na kapaguran.

Lalo pa siyang napapagod pag-uwi niya dahil bukod sa anak niyang bulag na aasikasuhin niya, mga kalat pa sa kanilang bahay ang sasalubong sa kaniya na hindi naman maasikaso ng bunso niyang anak na nag-aaral.

Ito pa ang nagiging isang dahilan para halos araw-araw niyang mapagsalitaan ang bulag na anak.

“Kung nakakakita ka sana, matutulungan mo ako kahit sa gawaing bahay! Nakakainis magkaroon ng kasama sa bahay na walang silbi! Sana tuluyan ka nang kuhanin ng Diyos para wala nang pahirap sa buhay ko!” sigaw niya rito na narinig naman ng bunso niyang anak na kakagaling lang sa eskwela.

“Hindi naman porque wala na siyang maibigay na pera sa atin, nanay, gaganiyanin niyo na si ate. Baka nakakalimutan niyo lang po, ang gaan ng buhay natin noong nakakakita pa si ate. Hindi niya naman po gusto ang nangyari sa kaniya,” sabat ng bunso niyang anak na ikinagulat niya.

“Bunso, huwag kang sasagot kay nanay,” saway ng bulag niyang anak habang kinakapa-kapa ang kapatid.

“Kung hindi ako sasagot, sino ang magsasabi sa kaniyang mali siya, ate?” galit na sagot pa nito na labis niyang ikinatigil dahilan para siya’y mapamasid sa kanilang bahay na punong-puno ng mamahaling gamit na napundar ng kaniyang anak.

Nakita niya pa ang pangarap niyang refrigerator na regalo nito sa kaniya noong araw ng mga nanay dahilan para labis na bumuhos ang luha niya sa konsensyang nararamdaman niya.

Agad niyang niyakap ang humagulgol niyang anak na ngayong nakaupo na sahig habang hawak-hawak ang kamay ng bunso niyang anak.

“Pasensya na, anak, ha? Nadala ako ng takot na maghirap. Ako nga pala ang nanay niyo, ang siyang dapat maging sandalan niyo,” sambit niya rito saka mahigpit pang niyakap ang dalawang anak.

Simula noon, araw-araw na siyang ginanahan sa buhay. Mahirap man ang naghihintay na responsibilidad sa kaniya sa kanilang bahay, palagi niyang tinatatak sa isip na minsan, nabigyan din siya ng kaniyang anak ng isang marangyang buhay na pinapangarap niya.

Advertisement