Ginustong Iwan ng Dalaga ang Kaniyang Mapang-abusong Ama; ʼDi Niya Inaasahang Pati pala Siyaʼy Iiwan din ng Ina

Ginustong Iwan ng Dalaga ang Kaniyang Mapang-abusong Ama; ʼDi Niya Inaasahang Pati pala Siyaʼy Iiwan din ng Ina

FamilyHeartbreakingLoveStories

Ngumiti nang tipid si Julie at nagpasalamat sa amo niya nang iabot sa kaniya ang sahod para sa araw na iyon.

Maghapon siyang naghuhugas ng plato sa isang karinderya para sa dalawang daang piso. Labinlimang taon pa lamang siya pero kinailangan niya nang magtrabaho upang makatulong sa kaniyang ina. Ang ama niyang si Gardo ay walang trabaho at walang ibang ginawa kundi intindihin ang kaniyang mga bisyo ʼtulad ng alak at sigarilyo. Hindi na nga ito makatulong ay kailangan pang ibigay ang kaniyang mga luho dahil kung hindi, pare-parehas silang kawawa dahil tiyak na masasaktan sila.

Kapag hindi ito nabigyan ng pera, hindi pwedeng walang magiging latay sa kaniyang katawan si Julie. Ang kaniyang ina naman ay siguradong makatatanggap ng mag-asawang sampal.

Nang makauwi siya sa kanilang bahay, nadatnan niya na ang amang nag-aabang na sa pinto pa lamang, hindi dahil nag-aalala sa kaniya kundi para kunin ang perang kaniyang sinahod.

Wala siyang nagawa kundi ang bumuntong-hininga na lamang at iabot sa ama ang ʼsandaan at singkwenta pesos, at nagtira lamang nang kaunting pera para sa sarili.

“O, bakit kulang? Hindi ba’t dalawang daan ang sahod mo?” tanong ng kaniyang ama.

“Para sa akin na ho sana ang natira, ʼtay.”

Sinamaan lamang siya nito ng tingin at walang pasabing sumibat paalis. Tiyak na maghahanap ng inuman o ʼdi kaya ay bibili ito ng alak sa tindahan.

Nalulungkot siya sa sitwasyon ng kanilang pamilya. Ang kaniyang ina na si Berta ay nag-aalaga pa ng mga maliliit niyang kapatid. Kung minsan ay kumukuha ito ng labada upang may pandagdag sa gastusin ngunit kinakapos talaga sila.

Wala siyang nagawa kundi ang magtrabaho dahil wala namang ibang gagawa noon para sa kanila. Ang tatay niya, ʼtulad nga nang sinasabi ng ibang tao, ay walang kwenta.

Marami ang nagtatanong kung bakit hindi na lamang nila iwan ito dahil hindi rin naman nakatutulong sa kanila? Walang maisagot si Berta dahil ang alam niya, kahit na ganoon si Gardo ay mahal niya ito at hindi niya kayang iwan. Ngunit alam ni Julie na kaya hindi iniiwan ng ina niya ang kaniyang ama ay dahil gusto niya pa ring bigyan silang magkakapatid ng buong pamilya. Magtitiis si Berta kahit nasasaktan na siya alang-alang sa kaniyang mga anak.

Sa tuwing uuwing lasing ang kaniyang ama at walang nakitang pagkain, magwawala ito at aawayin si Berta. Mauuwi ito sa sakitan at wala siyang magawa kundi ilayo ang mga kapatid at umiyak sa takot na baka pati sila ay madamay sa galit nito.

Minsan ay napapaisip si Julie, bakit si Gardo pa ang naging tatay nila? Mahal niya ang kaniyang ama pero hindi niya kayang nakikita na sinasaktan nito ang kanilang ina. Maraming beses na niyang pinilit si Berta na umalis na lang at iwan si Gardo pero iniilingan lang siya nito.

Isang hapon, nang makauwi galing sa trabaho, nadatnan niyang umiiyak ang kaniyang ama sa kanilang sala habang hawak ang isang sulat. Mabilis siyang lumapit dito at nagtanong.

“Bakit ka umiiyak, ʼtay? May nangyari ho ba?”

Lalo lamang humagulgol sa pag-iyak si Gardo at inabot sa anak ang sulat na kaniyang hawak. Binasa ito ni Julie at maging siya ay walang nagawa kundi umiyak na lamang.

“Iniwan na tayo ng nanay mo kasama ang mga kapatid mo,” anang kaniyang ama. “Kasalanan ko ito, Julie. Hindi ako naging mabuting asawa at ama.”

“Tatay, babalikan tayo ni nanay, babalikan niya ako. Hindi niya ako iiwan.”

Hinila siya ng kaniyang ama at niyakap nang mahigpit. Nararamdaman niya ang pagsisisi nito. Kasalanan talaga ni Gardo kung bakit ngayon ay iniwan sila ni Berta.

Ginusto ni Julie na iwan ang kaniyang ama pero hindi niya alam na pati pala siya ay maiiwan din. Hindi niya maintindihan ang kaniyang ina. Ngayon ay nasasaktan siya sa kadahilanang sobrang sakit palang makita na umiiyak ang kaniyang ama.

“Babawi ako, Julie,” sabi ng kaniyang ama. “Magta-trabaho ako at ititigil ko na ang mga bisyo ko. Patutunayan ko ang sarili ko sa nanay mo at pababalikin natin siya. Magbabago na ako. Pangako.”

Naging totoo sa mga sinabi niya si Gardo. Nagsimula itong maghanap ng trabaho at magsumikap. Kitang-kita ang pagbabago rito at makalipas ang ilang buwan, bumalik si Berta kasama ang mga dinalang anak at labis ang paghingi nito ng tawad sa mag-amang Julie at Gardo. Ganoon pa man ay minabuti nilang pairalin ang pagmamahal bilang isang pamilya. Pinatawad ni Julie ang kaniyang ama at ina.

More Stories