Nagalit ang Dalaga sa Kaniyang Mahigpit na Lola; Kalaunan ay Maiintindihan Niya rin ang Tunay Pala Nitong Dahilan

“Limampiso?!”

“O, bakit? May reklamo?”

Hindi nakaumang si Kyla sa kaniyang lola nang makitang nakataas na naman ang isang kilay nito. Dahil tuloy doon ay wala siyang nagawa kundi ang tanggapin na lamang ang limampisong barya na ibinibigay nito sa kaniya bilang baon.

Habang naglalakad nang nakasimangot ay tinititigan ni Kyla ang mga barya sa kaniyang palad. Binibilang niya iyon nang paulit-ulit na animo kapag ginawa niya ʼyon ay madaragdagan ʼyon.

“Saan kaya makakarating itong limampiso ko?” kakamot-kamot sa ulong tanong pa niya sa sarili.

Naiinis na si Kyla. Buong buhay niya ay palagi na lang siyang pinaghihigpitan ng kaniyang lola. Kung anu-ano ang ipinagagawa nito sa kaniya at madalas ay hindi niya maintindihan ang mga bagay na ʼyon. Sa totoo lang ay malaki na ang tampo niya sa kaniyang lola ngunit kailan man ay hindi niya nagawang suwayin ito, dahil sa malaking utang na loob na tinatanaw niya para sa pag-aalaga nito sa kaniya.

Ang totoo kasi ay hindi naman siya direktang apo nito, dahil ito ay tiyahin lamang ng kaniyang tunay na ina. Nang tuluyan na siyang maulila ay ito na lang ang natirang kamag-anak nila na may kakayahang buhayin siya dahil ito ay isang retiradong guro na nang mga panahong iyon, at isa rin namang matandang dalaga.

Masaya naman si Kyla sa puder nito noong siya ay bata pa, ngunit habang lumalaki siya ay unti-unti itong nagbabago. Pakiramdam ni Kyla ay inaalipin siya nito.

Advertisement

Halimbawa na lamang nang minsang inutusan siya nitong magsaing sa kalang de uling, kahit na mayroon naman silang gasul at kalan sa bahay. Nagawa rin siya nitong paglutuin sa kalang de kahoy at siya pa mismo ang pinagsibak nito ng panggatong gayong nasa siyudad sila at wala naman sa probinsya!

Tinuruan din siya nitong mag-igib ng tubig sa posong ipinagawa nito gayong mayroon naman silang gripo. Bukod doon ay pinakakain siya nito ng napakasisimpleng pagkain kahit na alam niyang may pambili naman sila ng masarap na ulam.

Pinagagalitan siya ng kaniyang lola sa maliliit niyang pagkakamali, pagkatapos, kailan man ay hindi siya kinampihan nito sa tuwing may nang-aaway sa kaniya. Bagkus ay tinuruan siya nitong ipagtanggol ang kaniyang sarili sa mga taong nang-aapi at nanlalamang sa kaniya, dahil anito ay sarili niya lang ang dapat niyang asahan sa mundo.

Dahil sa lahat ng iyon ay minsan nang naisip ni Kyla na maglayas, subalit ni hindi siya makatagal sa tuwing iisipin niya kung sino na lang ang gagawa ng lahat ng ipinagagawa nito sa kaniya kapag siya ay umalis pa? Kahit naman ganoon ang trato sa kaniya nito ay mahal niya pa rin ang kaniyang lola.

Hanggang isang araw, ganoon na lang ang gulat ni Kyla nang hindi madatnan sa kanilang bahay ang kaniyang lola. Kanina pa kasi dapat siya nakauwi ngunit dahil limampiso lang ang kaniyang baon ay kinailangan niyang maglakad mula eskuwelahan pauwi.

Nag-aalala si Kyla kaya naman nagtanong siya sa kanilang mga kapitbahay kung nasaan ang kaniyang lola, at ganoon na lang ang pagkataranta niya nang malamang isinugod ito sa ospital!

“Lola, ano po’ng nangyari sa inyo? Pinag-alala n’yo po ako nang sobra!” humahangos na ani Kyla sa matanda nang abutan niyang palabas na ito ng ospital.

“Naku, inatake ng hika ang lola mo, Kyla at mag-isa niyang dinala ang sarili niya rito sa ospital. Naku! Napakatibay n’yang lola mo,” iiling-iling ngunit nangingiti namang sabi ng nurse na isa sa kanilang mga kapitbahay.

Advertisement

“Aba’y siyempre. Kailangan kong maging magandang halimbawa sa apo ko para isapuso niya ang mga itinuturo ko sa kaniya. Gusto ko kasing kapag nawala ako sa mundo ay sigurado akong kakayanin niyang mabuhay nang mag-isa,” ang makahulugan namang sagot ng kaniyang lola.

Doon ay natigilan saglit si Kyla. Tila ba biglang nanumbalik sa kaniya ang lahat ng alaala ng mga ipinagawa sa kaniya ng kaniyang lola noon sa kaniya. Ngayon niya lang napagtantong may dahilan pala ang lahat nang iyon, at iyon ay dahil gusto nitong maging matatag at malakas siyang tao katulad nito!

Dahil doon ay napangiti si Kyla. Ngayon niya naisasapuso ang lahat ng aral na itinuturo ng mga ipinagagawa nito sa kaniya, kaya naman ipinangako niya sa sarili na kailanman, habang nabubuhay ang kaniyang lola ay patutunayan niyang hindi nasayang ang hirap nito sa kaniya.