Pinagtawanan ng Kaniyang mga Kaklase ang Baong Kamote ng Binatilyo; Kalaunan ay Hahangaan Pala Nila Siya

“Guys, tingnan n’yo ʼyong baon ni Toni, kamote na naman! Hindi ba at kamote rin ang baon niya kahapon?”

Umalingawngaw sa buong silid-aralan ng seksyong iyon ang tawanan ng mga estudyante matapos iyong sabihin ng kanilang class president na si Hanna. Paano kasi ay napansin na naman nito ang baong kamote ni Toni.

“Oo nga. Kahapon at noong isang araw, kamote rin ang baon n’yan, a!” sagot naman ng isa sa mga kalalakihan.

“Kaya siguro laging nangangamoy mabahong hangin dito sa room. Kakakain ni Toni ng kamote, nagiging ututin na siya!” hirit naman ng isa pa na ikinailing na lamang ni Toni.

Bagama’t patuloy siyang pinagtatawanan ng kaniyang mga kaeskuwela ay hindi niya ininda ang mga iyon. Patuloy lamang niyang nilantakan ang mainit-init pang nilagang kamote at tila sarap na sarap niyang inubos ang mga iyon.

“Hindi ka ba nagsasawa sa pagkain n’yan, Toni? Halos araw-araw na lang, ʼyan ang baon mo. Hindi ka ba nauumay?” Tila hindi nakatiis ang presidenteng si Hanna kaya nagtanong na ito sa kaniya.

Namumulsang hinarap naman ito ni Toni bago niya ito sinagot. “Hindi. Bakit naman ako magsasawa? Magkakaiba naman lagi ang pagkakaluto ng kamoteng baon ko. Noong isang araw, Kamote Que. Kahapon naman, inihaw na kamote, at ngayon, nilaga,” sabi niya pa na parang wala lang na pinagtatawanan siya ng mga ito.

Kitang-kita niyang napangiwi ang kaniyang mga kaklase. “Yuck. Wala ka na bang ibang makain?” tanong pa sa kaniya ng isa.

Advertisement

“Meron naman… pero alam n’yo, hindi ko alam kung bakit pati baon ko, pinuproblema n’yo. Wala ba kayong baon?” pamimilosopo niya naman at dahil doon ay walang nakasagot agad sa kaniya. “Naiinggit lang yata kayo sa kamote ko, e. Kung gusto n’yo kasi, p’wede naman kayong magsabi. Hindi ʼyong aawayin n’yo pa ako,” tatawa-tawa pang dagdag niya na ikinainis ng kaniyang mga kaklaseng kanina lang ay tawa nang tawa.

Matapos iyon ay tinalikuran niya ang mga ito at dumiretso na nang uwi. Ang hindi niya alam, sa inis ng mga kaklase niya ay sinundan pala siya ng mga ito upang makahanap sila ng butas na magpapahiya sa kaniya.

Ipinagtaka ng kaniyang mga kaeskuwela nang imbes na sa sakayan ng jeep, pauwi sa kanila ang puntahan niya ay lumiko pa siya sa isang eskinitang magdadala sa kaniya papunta sa squatter’s area.

Kitang-kita ng mga kaeskuwela ni Toni nang salubungin siya ng mga batang tagaroon na tila tuwang-tuwa sa kaniyang presensiya!

“Kuya Toni, ano po’ng dala mo?” magalang na tanong ng isa sa mga nasabing bata na bagamat marungis ay walang kiyemeng niyakap din pabalik ni Toni.

“Heto…” Dinukot ni Toni mula sa kaniyang bag ang dalawang balot ng mamahaling tinapay at dahil doon ay ganoon na lang ang tuwa ng mga bata.

“Wow, kuya, keyk ʼyan, hindi ba? Tamang-tama at bertdey ko po ngayon!” nagtatatalong sabi naman ng isa pang batang babae kay Toni.

“Hindi ito cake, Jelly. Pero, espesyal na tinapay ito, kaya pʼwede na rin. Hayaan mo. Hindi ko hiningi ang allowance ko ngayong buwan kay mama, dahil may surpresa ako sa inyo!” sagot naman ni Toni na hindi nagtagal ay sinundan ng paglabas ng ilang mga nakatatanda sa naturang squatter’s area habang hawak ang iba’t ibang putaheng ipinaluto niya!

Advertisement

May spaghetti, pansit at sopas, at mayroon pang juice na panulak na talaga namang ikinahiyaw ng mga bata sa tuwa! Mangiyak-ngiyak naman ang mga magulang sa nakikitang saya sa mga ito at isa-isa silang nagpasalamat kay Toni, na bagama’t isa pa lamang simpleng highschool student ay talagang napakalawak na ng pagmamahal sa kapwa!

“Kuya Toni, ang saya-saya po namin. Ngayon lang kami nakaranas ng handaan. Heto po ulit ang isang basket ng mga bagong kuhang kamote, kuya. Ipinabibigay po ni nanay ʼyan bilang pasasalamat.” Nginitian ni Toni ang batang nag-abot ng naturang basket ng kamote bago nito marahang ginulo ang buhok ng paslit.

Samantala, nagkatinginan naman ang mga kaklase ni Toni na hanggang ngayon ay nanunuod pa rin at hindi makapaniwala sa kabutihang taglay ng kanilang kaeskuwela. Naantig ang kanilang puso sa kuwentong nasa likod pala ng palaging pagbabaon ni Toni ng kamote, at bukod doon ay nakaramdam din sila ng matinding pagkapahiya sa sarili.

Ang dati’y pangungutyang natatanggap ni Toni sa mga ito ay unti-unting napalitan ng paghanga at inggit sa kabutihang taglay ng kaniyang puso, kaya naman mabilis na nagbago ang pakikitungo ng mga kaeskuwela niya sa kaniya.

Sa paglipas pa ng ilang araw, hindi na lang nag-iisa si Toni sa pagbibigay ng ngiti sa mga batang kapuspalad, at hindi na rin siya nag-iisang kumain ng kamote sa eskuwela tuwing sasapit ang kanilang recess.