Walang Kumpyansa ang Mabigat na Dalaga sa Sarili at sa Pag-Ibig ng Nobyo; Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Kaniyang Pananaw

Lahat ng mga mata ay nakatingin sa magkasintahang Andrew at Joyce habang sila ay naglalakad sa isang mall. Agaw pansin ang dalawa dahil sa labis na katabaan ni Joyce ay may isang lalaki pa palang magkakagusto sa kaniya. Halos triple kasi ito ng bigat ng kasintahan. Kaya naman nagugulat ang lahat kapag sila’y nakikitang magkasama.

Dahil dito ay nawawalan naman ng kumpyansa sa sarili ang dalaga.

“Honey, sabi ko naman sa iyo ay huwag na tayong mag-date sa lugar na ito. Hindi kasi ako komportable na pagtitinginan tayo ng mga tao,” saad ni Joyce.

“Huwag mo silang intindihin. Hindi naman sila ang gagastos sa date na ito. Hayaan mo sila kung tumingin sila nang tumingin. Dumikit ka lang sa akin at ako ang bahala sa iyo!” wika naman ni Andrew. 

“Tara na kasi, honey, at umuwi na tayo. Doon na lang tayo sa bahay para makapag-date pa tayo nang walang humuhusga sa atin,” wika pang muli ng dalaga.

“Sinabi nang huwag mo silang intindihin, honey. Hawakan mo lang ang kamay ko at ituon mo lang ang pansin mo sa akin na para bang tayong dalawa lang ang narito. Kahit ano pa ang sabihin sa iyo ng tao ay ikaw ang pinakamaganda sa aking paningin. Naiinggit lang sila kasi payat nga sila pero hindi naman sila kagandahan,” nakangiting sambit muli ng nobyo.

Dahil sa sinabing ito ni Andrew ay hindi na inalintana pa ni Joyce ang mga matang nakatingin sa kanila. Sabagay, ang mahalaga naman ay kung ano ang nararamdaman sa kaniya ng kaniyang nobyo. Walang panahon na ipinaramdaman sa kaniya nito na hindi siya maganda kahit na mabigat ang kaniyang timbang. Isa ito sa mga katangian nitong kaniyang nagustuhan. 

Habang kumakain sila ay patuloy pa rin ang pagtingin ng mga tao sa kanilang dalawa. Umorder ng maraming pagkain itong si Andrew para sa kaniyang nobya.

Advertisement

“Kaunti lang ang i-order mo para sa akin, honey! Gusto mo bang pagtawanan ako ng mga tao?” sambit ni Joyce.

“Kumain ka lang, honey. Dito nga kita dinala dahil alam kong paborito mo itong restawran. Saka bakit ka naman nila pagtatawanan? Huwag mo silang intindihin dahil ako naman ang magbabayad nito. Gusto ko ay lagi kang busog kaya order-in mo lang ang lahat ng pagkain na gusto mo!” muling saad ni Andrew.

“Ikaw naman, honey! Hindi mo naman ako tinutulungan na pumayat! Gusto mo bang ganito na lang ako kalaki lagi? Hindi tuloy ako nababagay sa katulad mo. Hayaan mo na akong mag-diet nang sa gayon ay lumiit naman ang katawan ko. Natatakot ako na isang araw ay ipagpapalit mo ako,” wika naman ng dalaga. 

“Ikaw, ipagpapalit ko? Ang daming ibang babae d’yan, honey. Kung ipagpapalit kita ay sana’y noon ko pa ginawa. Bakit ba parang hindi ka naniniwala na mahal kita? Hindi mo ba nararamdaman na mahal talaga kita? Nagkukulang ba ako?” nagtatampong wika pa ng binata.

“Hindi naman sa gano’n. Alam na alam naman natin, honey, na hindi tayo bagay. Hibang na lalaki na lang siguro ang magmamahal sa isang kagaya ko. Ginagawa ko naman ang lahat para pumayat ako ngunit hindi ko talaga kaya. Lagi akong tinatawag ng pagkain!”

“”P’wes, kung gano’n ay hibang talaga ako. Nahihibang na ako sa pagmamahal ko sa iyo. Hindi mo na kailangan pang pumayat, honey. Ayos na sa akin ang katawan mong iyan dahil ang minahal ko naman sa iyo ay hindi ang panlabas na anyo mo kung hindi kung ano ang nasa kalooban mo,” dagdag pa ni Andrew.

Sa mga sandaling iyon ay halos nalaglag na sa kaniyang kinauupuan sa sobrang kakiligan itong si Joyce. Nagpapasalamat siya sa kaniyang nobyo dahil sa seguridad na binibigay nito. Kahit paano ay nawawala sa isipan niya ang panghuhusga ng ibang tao.

Wala na yatang mas sasaya pa kay Joyce nang araw na iyon. Pakiramdam kasi niya ay siya na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa dahil sa mga nakakakilig na sinabi sa kaniya ni Andrew.

Advertisement

Papasok pa lang siya ng bahay nang salubungin siya ng kaniyang nakatatandang kapatid.

“Hindi maputol-putol ang ngiti mo, a! Sigurado ka na ba sa lalaking iyan?” bungad nito.“Siguradong sigurado na ako kay Andrew. Wala pang lalaki na nagparamdam sa akin ng ganito. Tanggap niya ako kahit mabigat ang timbang ko,” sagot naman ng dalaga.

“Pero huwag kang magpakakampante, Joyce. Sa ngayon ay mahal ka niya dahil bago pa lang ang relasyon ninyo. Pero paano kapag nakakita siya ng mas maganda at sexy? Paano ka na?” dagdag pa ng ate niya.

“Hindi naman tumitingin sa ganyan ang nobyo ko. At saka nararamdaman kong mahal niya ako!” depensa agad ni Joyce.

“Sigurado ka ba? Huwag kang masyadong magtiwala sa mga lalaki. Lalaki pa rin ‘yang si Andrew, Joyce. Paano kung makakita siya ng higit sa iyo? Maraming naglipanang babae d’yan, tandaan mo! Kaya kung ako sa iyo ay sisimulan ko nang magpapayat. Hindi rin naman kasi maganda para sa kalusugan mo ang gan’yang kataba, Joyce. Hindi porket tanggap ka niya ay tatanggapin mo na rin ang ganiyang katawan. Darating ang araw na iiwan ka niya dahil sa itsura mo at masasaktan ka nang husto. Sinasabi ko na sa’yo ngayon pa lang!”

Napaisip si Joyce sa mga nasabi ng kaniyang ate. Napalitan ng kaba ang saya niya nang araw na iyon.

Kinabukasan ay nagtungo si Joyce sa bahay ng kaniyang nobyo upang surpresahin ito. Ngunit hindi pa man siya nakakapasok ng bahay ay hindi niya sinasadyang mapakinggan ang pag-uusap ni Andrew at ng ina nito.

“Hindi ko ba malaman sa iyo kung bakit ‘yang si Joyce ang nagustuhan mo sa dinami-dami ng mga babaeng nagkakagusto sa iyo! Minsan nga iniisip ko kung ano ba talaga ang pinakain sa iyo ng babaeng iyan,” wika ng inang si Lydia.

Advertisement

“‘Ma, hindi ba’t kayo na rin ang nagsabi na huwag akong tumingin sa panlabas na anyo at ang tunay na pagkatao ay kung ano ang nasa kaniyang kalooban? Mabuting tao si Joyce. Malaki man siya ay malaki rin ang puso niya. Malambing pa at mapagmahal. Nasa kaniya na ang lahat ng hinahanap ko sa isang babae,” sagot naman ng binata. 

“Nakita ko ang kababata mong si Marie, ubod ng ganda at sexy! Malaki ang pagkagusto sa iyo no’n nung bata pa kayo, ‘di ba? Kapag nakita mo siya’y magugulat ka talaga!” kantiyaw pa ng ina.

Hindi alam ni Joyce ang kaniyang nararamdaman. Bigla niyang naisip ang sinabi ng kaniyang ate. Siguro nga ay panahon na para simulan niyang papayatin ang kaniyang katawan.

Simula nang araw na iyon ay binawasan na ni Joyce ang kaniyang kinakain. Hindi man lang siya kumunsulta sa doktor sa mga wastong hakbang sa pagpapayat. Binigla niya ang kaniyang sarili. Sa sobrang desperada niyang pumayat ay uminom siya ng mga gamot at tsaa na nangangakong mabilis na nakakabawas ng timbang. Hindi niya alam na may ginagawa na pala itong hindi maganda sa kaniyang katawan.

Hanggang isang araw, habang magkasama sila ni Andrew ay bigla na lang siyang nahilo, sumakit ang dibdib at tuluyang nawalan ng malay.

Sa pagsusuri ng mga doktor ay napag-alamang na-stroke ang dalaga. Hindi niya maigalaw ang kalahati ng kaniyang katawan at hindi siya makapagsalita nang maayos.

Walang magawa itong si Joyce kung hindi umiyak dahil sa kaniyang kalagayan. Pakiwari pa niya’y ito na ang hudyat upang iwan siya ng kaniyang kasintahan.

Ngunit malaking pagkakamali ang lahat sapagkat si Andrew mismo ang nagboluntaryo na siya na ang mag-aalaga sa kaniya. Sa bawat proseso ng pagpapagaling niya ay naroon ito sa kaniyang tabi.

Advertisement

Naaawa na nga si Joyce sa kasintahan dahil wala na itong pahinga sa kakaalaga sa kaniya. Pakiramdam niya ay mabigat na ang ang kaniyang timbang ay naging pabigat pa siya rito.

Kaya naman mas pinili na lang niyang makipaghiwalay sa nobyo.

“Alam kong pagod ka na sa akin, Andrew. Ayos na sa akin kung iiwan mo na ako. Alam ko namang naaawa ka lang sa akin kaya mo ito ginagawa. Hayaan mo na ako. Ayaw ko nang maging pabigat sa iyo,” saad naman ni Joyce.

Naluha si Andrew. “Alam mo, Joyce, labis akong nasasaktan sa lahat ng mga sinasabi mo. Akala mo ba ay dahil sa awa lang ang lahat ng ito? Bakit ba hindi mo matanggap na totoo ang pagmamahal ko sa iyo? Kulang pa ba ang ipinapakita ko? Hindi mo ba maramdaman?” sambit naman ng nobyo.

“Alam ko kasing darating din ang araw na iiwan mo ako dahil sa sukat ng katawan ko. Makakahanap ka ng ibang higit sa akin. Ayaw kong masaktan!”

“Kaya ba kung anu-ano ang ininom mo kaya nagkaganyan ka ngayon? Sa tingin mo ba ay hindi rin ako nasasaktan sa tuwing sinasabi mo ‘yan sa akin? Sa totoo lang, Joyce, kung nanaisin kong humanap ng iba na sinasabi mong maganda at sexy ay kayang-kaya ko. Pero hindi sila ikaw! Wala akong pakialam kung ano man ang itsura mo. Mahal kita dahil ikaw ‘yan! Wala nang iba pa! Kaya hayaan mo naman akong mahalin kita sa paraang alam ko. Huwag mo naman akong pag-isipan ng masama. Higit sa lahat ay huwag mo akong pangunahan dahil bulatlatin mo man ang puso ko, ikaw lang ang tinitibok nito!” giit pa ni Andrew.

Hindi na naiwasan pa ni Joyce na umagos ang kaniyang luha. Ang tanging nagawa na lamang niya ay pilit na hawakan ang kamay ng kaniyang nobyo.

“Patawarin mo ako, Andrew. Patawarin mo ako kung hindi ako nagtiwala sa pagmamahal mo. Hindi ko dapat ginawa ang mga bagay na nagawa ko. Dapat ay mas pinagkatiwalaan kita. Pangako ko sa iyo na tutulungan ko ang sarili ko para gumaling. Nang sa gayon ay makabawi naman ako sa iyo at sa lahat ng pagkukulang ko,” umiiyak na wika ni Joyce.

Advertisement

“Gumaling ka lang ay sapat na. Hindi ko kailangan ng sexy na babae. Ang kailangan ko ay ikaw,” dagdag pa ng binata.

Nagkaroon ng dahilan si Joyce upang lumaban sa buhay at pilit na magpagaling. Nariyan naman si Andrew upang gabayan siya at alagaan.

Hanggang hindi nga nagtagal at tuluyan nang gumaling si Joyce. Ngunit dahil sa mga gamot mula sa kaniyang pagkaka-stroke ay lalong bumigat ang kaniyang timbang. 

Ngunit sa pagkakataong ito ay mas may kompyansa na siya sa kaniyang sarili dahil alam niyang nariyan ang kasintahan upang mahalin siya nang buong-buo. Alam niyang ipaglalaban siya nito kahit ano ang mangyari.

Para na rin sa kalusugan ni Joyce ay nagkonsulta siya sa espesiyalista. Binigyan siya ng mga gamot at ng mga dapat gawin upang siya ay makapagbawas ng tibang nang ligtas. Araw-araw ay nag-eehersisyo siya kasama si Andrew, at kumakain na rin siya nang wasto.

Hindi nagtagal ay malaki na nga ang naibawas ng timbang nitong si Joyce. Marami ang nagulat sa kaniyang pagpayat. Maging ang kaniyang kasintahang si Andrew ay hindi makapaniwala.

“Siguro ay lalo kang nabighani sa akin, ano? Ngayon ay hindi mo na talaga ako maipagpapalit sa iba!” biro ni Joyce sa binata.

“Ano man ang itsura mo, laging mong pakatatandaan na hawak mo ang puso ko,” sagot naman ni Andrew sabay halik sa kaniyang mapapangasawa.