Dahil sa Mamanahin ay Patuloy ang Patutsadahan ng Magkapatid; Ikagugulat Nilang Wala na Palang Kayamanan ang Kanilang Ina

Simula nang kumalat ang kabuuang halaga ng kayamanan ng matandang si Anita ay hindi na ata siya tinantanan ng kaniyang mga anak at apo. Madalas ay puno ang kaniyang bahay dahil panay ang dalaw ng mga ito sa kaniya. Natutuwa naman siya sapagkat sa wakas ay puno ng kaniyang pamilya ang buong kabahayan.

Nariyan ang panganay na si Mildred na palaging ipinagluluto ang ina. Ang pangalawang anak namang si Anton, kasa-kasama ang kaniyang asawa ay laging nakabuntot sa matanda at naghihintay ng ipag-uutos nito.

Kanya-kaniya silang pagpapalakas maliban kay Cecil, anak sa labas ni Anita. Anak kasi ito ng kaniyang asawa sa ibang babae. Napagdesisyunan nila noong mag-asawa na kupkupin na lang ito nang sa gayon ay hindi na maghabol ang ina nito ng pera. Ngunit malayo naman ang loob ng matanda rito dahil naaalala niya ang pagkakamali ng kaniyang namayapang asawa.

Isang araw ay namataan ni Cecil na nakadikit ang lahat ng tainga ng mga kamag-anak ni Anita sa pinto ng kaniyang tanggapan. Naroon na kasi ang abogado at tiyak silang inihahanda na ng matanda ang testamento nito.

“Kapag lumabas riyan si mama ay kakausapin ko siyang ako na ang titira rito upang alagaan siya. P’wede na niyang pauwiin ang mga kasambahay at ako na ang bahala sa kaniya,” saad ng panganay na si Mildred.

“Kami na ng asawa ko ang titira rito, ate. Umuwi ka na lang sa asawa mo dahil ayaw naman sa kaniya ni mama. Kitang-kita mo naman kung sino ang kinagigiliwan niya. Kami ng pamilya ko! Kaya huwag ka nang umasa sa mga gusto mo!” saad naman ni Anton.

“At sino ang nagsabi sa iyo na gusto rin ni mama ‘yang asawa mo? Hindi ba’t gumawa pa nga noon ng paraan si mama para hindi matuloy ang kasal n’yo? Ilang buwan ka ba niyang hindi pinansin dahil ipinagpatuloy mo ang katigasan ng ulo mo?” sagot naman ng nakatatandang kapatid.

“Nakaraan na ang lahat ng iyon. Napatunayan na ng asawa ko na karapat-dapat siya sa pamilyang ito. Ikaw? Hindi ba’t nakalipasan na nga ni papa ang galit sa asawa mo dahil sa ginawa niyang pagdispalko ng pera ng kompanya? Dapat nga ay hindi ka na kumuha ng mana dahil sa laki ng nawala. Hindi ko nga alam kung saan ka pa kumukuha ng lakas ng loob na magpakita pa rito!” bwelta muli ng ginoo.

Advertisement

Dahil nakakairingan na nga ay umawat na itong si Cecil.

“Ate, Kuya, huwag na kayong mag-away. Hindi matutuwa ang mama natin kung patuloy lang kayong mag-aaway nang dahil lang sa kayamanan,” saad ng bunso.

“Tumigil ka, Cecil. Huwag kang makisabat sa usapan namin dahil wala kang karapatan. Saka tigilan mo nang tawagin na mama ang nanay namin dahil hindi ka naman tunay na anak. Saka isa pa, bakit ka ba narito? Umaasa ka rin ba na maambunan ka ng yaman ng mama namin? Para sabihin ko sa iyo ay huwag ka nang umasa. Hinding hindi ka bibigyan ni mama dahil ikaw ang pinaka nagbibigay sa kaniya ng sama ng loob. Ikaw at ang tunay mong ina!” sumbat pa ni Mildred.

“Narito lang naman ako para tingnan ang kalagayan ni mama. Nabalitaan ko kasi na masama ang kaniyang pakiramdam at nais ko lang siguruhin na ayos na siya,” sambit muli ni Cecil.

“Gusto mong siguruhin na maayos ang lagay niya o siguruhing may mamanahin ka? Huwag kang impokrita! Hindi mo maitatago sa amin ang paghahangad mo. Tulad ka ng nanay mo na naghangad din sa papa namin!” saad naman ni Anton.

Hindi na nakipagtalo pa itong si Cecil. Bukod sa nasasaktan na kasi siya sa mga pinagsasasabi ng kaniyang mga kapatid ay ayaw rin niyang dumagdag pa sa isyu ng pamilya.

Magmula sa magkakapatid hanggang sa mga apo ay patuloy ang pagtatalo at pagpapatutsadahan ng isa’t isa.

Paglabas nina Anita at ng abogado sa silid ay nagpanggap ang mga magkapatid at mga apo na wala silang hidwaan. Lahat ay nagpapakabait sa paningin ng matanda.

Advertisement

Nang makita ni Anita si Cecil ay biglang nagbago ang timpla ng kaniyang mukha.

“Ano na naman ang ginagawa mo rito? May kailangan ka na naman ba?” tanong ni Anita sa anak sa labas.

“W-wala naman po, ‘ma. Gusto ko lang po kayong dalawin dahil nabalitaan kong may sakit kayo. Pero sa tingin ko ay hindi naman na kailangan pa ang presensya ko rito dahil narito naman ang mga kapatid ko at mga pamangkin. May titingin at mag-aalaga sa inyo kung sakaling hindi ayos ang inyong pakiramdam,” sagot naman ni Cecil.

“Tama ka! Sa dami nila rito ay hindi mo na kailangan pang makisiksik pa. Isa pa, mukha ba akong may sakit? Makakaalis ka na at hindi pa ako magpapamudmod ng yaman ko! Huwag kang mag-alala, sasabihan kita kung may makukuha ka man,” saad pa ng matanda. 

Napayuko na lang si Cecil sa labis na pagkapahiya. Hindi niya lang masabi na hindi naman talaga ang yaman nito ang nagpapabalik sa kaniya sa mansyon.

Samantala, patuloy na naman ang nagaganap na palakasan. Konting kibot lang ni Anita ay laging nariyan na ang anak o mga apo na handang sumunod sa kaniyang ipinag-uutos. Kaso ang kinaiinisan niya ay ang palaging pagsasalita ng mga ito laban sa isa’t isa.

“‘Ma, kung ako sa inyo ay paaalisin ko na si Anton at ang asawa niyang oportunista. Hindi pa man ganap na mayaman ay narinig ko nang panay order ng mga mamahaling bag. Kaya niya raw itong bayaran dahil mayaman ang kaniyang asawa! Ibang klase talaga!” saad ni Mildred sa ina.

Kapag naman si Anton ang kausap ni Anita ay masama rin ang sinasabi nito sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Advertisement

“Mauuwi lang sa wala ang lahat ng yaman ninyo kung bibigyan n’yo ‘yang si Ate Mildred. Tandaan n’yo, kasama pa rin niya ang kanyang asawa. Baka ipatalo lang muli sa sugal o nakawin niya. Kayo rin, ‘ma, sayang ang lahat ng pinaghirapan n’yo!” wika naman ni Anton. 

Narinig ni Mildred ang sinasabing ito ng nakababatang kapatid kaya naman umalma ito.

“At talagang sinisiraan mo ako kay mama para masolo mo ang kayamanan niya! Hindi mo ‘yun magagawa dahil wala rin namang tiwala si mama sa asawa mo! Pareho kayong ganid! Mga oportunista! Mga manggagamit! Narito lang naman kayo dahil nais ninyong samantalahin ang pagkakataon. P’wes, hindi ako makakapayag!” saad ni Mildred. 

Nagpatuloy ang bangayan ng magkapatid. Nadamay na rin pati ang kanilang mga anak. Walang kaabog-abog ay tuluyan nang nauwi ang lahat sa kaguluhan. Sakto naman ang pagdating ni Cecil upang dalawin ang ina. Isa siya sa mga nakiawat sa gulo.

Hindi na napigilan pa ni Anita ang magtaas ng boses. Dahil sa pag-aaway ng mga anak at mga apo ay napasigaw siya.

“Itigil n’yo na ang lahat ng ito! Walang kahit sino sa inyo ang makakatanggap ng mana!” bulyaw ng matanda.

Doon lang nagsitahimik ang lahat.

“Noong isang araw na kausap ko ang abogado ko ay inutusan ko siyang i-donate ang lahat ng pera ko sa isang charity. Tutal, kaya lang naman kayo narito dahil sa pera ko, ‘di ba? Wala naman sa inyo ang tunay na nagmamalasakit sa akin. Dahil sa patuloy ninyong pag-aaway ay napagdesisyunan kong gamitin ang pera ko sa paraang gusto ko! Sa ganoong paraan ay alam ko pang mapapakinabangan at may mapupuntahang mabuti ang pinaghirapan ko!” saad pa ni Anita. 

Advertisement

Ipinakita ni Anita ang kaniyang passbook. Ipinakita niyang nagtira lamang siya ng sapat na pera para sa kaniyang sarili kung siya ay magkakasakit at para sa kaniyang pagyao. Galit na galit ang magkapatid na Mildred at Anton sa kanilang ina.

“Talagang tinanggalan n’yo kami ng karapatan na magkaroon ng mas masaganang buhay? Ni hindi man lang kayo nagtira para sa amin? Napakamakasarili n’yo, ‘ma! Paano naman ang mga apo n’yo?” sambit ni Mildred.

“Mas pinili n’yo pang buhayin ang ibang tao kaysa sa amin? Anong klase kayong magulang?” saad naman ni Anton.

“Tara na, love, isama mo na ang mga bata at aalis na tayo sa pamamahay na ito! Wala na rin naman pala tayong mapapala!” saad muli ng ginoo.

Maging si Mildred at kaniyang mga anak ay nag-alsa balutan na rin.

Isa-isang nilisan ng magkapatid at mga apo ang bahay ng matanda.

Hanggang sa napansin ni Anita na naroon pa rin si Cecil.

“Ano pa ang ginagawa mo rito? Hindi ba’t narinig mo naman ang lahat ng sinabi ko? Wala na akong pera dahil naipamigay ko na sa charity. Kaya kahit ano pang gawin mo ay wala ka nang aasahan sa akin. Maging ang bahay na ito ay naipamigay ko na rin!” wika pa ng matanda.

Advertisement

“E, ‘di mas maganda, ‘ma. Ngayon ay mas magkakaroon na po ako ng pagkakataon na alagaan kayo. Kung wala na po kayong pera at wala na rin po kayong pag-aari ay umuwi na lang po kayo sa akin. Ako na po ang bahala sa lahat. Ako na rin po ang mag-aalaga sa inyo,” saad naman ng anak sa labas.

“Sa kabila ng lahat ng ginawa ko sa iyo ay gusto mo pa rin akong alagaan? Bakit?” pagtataka pa ng ina.

“Dahil kayo po ang mama ko. Ipinangako ko po kay papa na babantayan ko kayo at aalagaan kahit ano pang mangyari. Hindi naman po ako nagtanim ng sama ng loob sa inyo, nauunawaan ko po na may nararamdaman kayong inis sa akin dahil sa pagkakamali ni papa at ng tunay kong ina. Pero hindi dahilan ‘yun para kalimutan ko na po ang lahat ng tulong na nagawa ninyo para sa akin. Kayo pa rin po ang nagpalaki at nag-aruga sa akin. Kayo po ang itinuturing kong tunay na ina, ‘ma. Kaya kahit na wala na kayong pera o kahit anong kayamanan o pag-aari ay tutuparin ko pa rin ang pangako ko. Aalagaan ko po kayo! Tara na po at sumama na kayo sa akin. Hindi po dapat kayo nag-iisa rito,” pahayag pa ni Cecil.

Naantig ang kalooban ni Anita sa lahat ng sinabi ng kaniyang anak sa labas. Hindi niya akalaing tunay ang pagmamahal nito sa kaniya. Mas busilak pa nga ang pagmamahal nito kaysa sa mga tunay niyang anak. 

Sumama si Anita kay Cecil sa bahay nito. Doon ay pinagsilbihan, kinalinga at inalagaan siya ng bunsong anak kahit na hindi siya ang tunay na ina nito.

Hanggang sa isang araw ay nagulat na lamang si Cecil na wala na ang ina. Hinanap niya ito nang hinanap. Natagpuan niya ito sa mansyon nito. 

“‘Ma, ano po bang ginagawa ninyo rito? Nalulungkot po ba kayo dahil hindi na sa inyo ang bahay na ito? Hayaan n’yo po at sisikapin kong mabawi ito para sa inyo. Hintayin n’yo lang at makakaipon rin ako ng sapat na pera. Umuwi na po tayo, ‘ma,” pahayag ni Cecil.

“Hindi mo na kailangan pang umuwi dahil naririto ka na sa bahay mo, anak. Hindi totoong pinagbili ko ang mansyon na ito. Hindi rin totoong binigay ko ang lahat ng pera ko sa charity. Sinabi ko lang ang lahat ng iyon upang malaman ko kung sino talaga ang nagmamalasakit sa akin. At ikaw iyon. Kaya sa iyo ko ibibigay ang lahat ng pag-aari ko at lahat ng kayamanan ko. Napakabuti ng kalooban mo, Cecil. Maraming salamat at kahit na alam mong wala kang mapapala sa akin ay nagmamalasakit ka pa rin sa isang matandang kagaya ko. Handa ka pa ring ituring akong ina sa kabila ng nagawa ko sa iyo, anak,” saad pa ni Anita.

Advertisement

“Dahil kayo po ang mama ko. Hindi ko naman kailangan ang lahat ng ito, ‘ma. Ang tanging gusto ko lang noon pa ay mahalin mo rin ako bilang isang tunay na anak. Ngayon ay wala nang mas sasaya pa yata sa akin. Hindi dahil sa ibibigay mo sa akin ang lahat ng kayamanang ito. Kung hindi sa wakas at natupad na ang pangarap kong tawagin mo rin akong anak,” umiiyak na sambit ni Cecil.

Simula nang araw na iyon ay muling nagbalik si Anita sa mansyon kasama ang kaniyang bunsong si Cecil. Hindi naman alam ng mga tunay niyang anak ang kanilang gagawin nang malamang palabas lang pala ang lahat.

Kahit ano mang pagsusumamo nina Mildred at Anton sa kanilang ina ay desidido na ito na ibigay ang lahat ng kaniyang maiiwan sa nag-iisang anak na tumuring sa kaniyang ina, walang iba kung hindi ang anak na sa labas na si Cecil.