Kinasusuklaman ng Dalaga ang Nakatatandang Kapatid; Hindi Niya Akalain ang Tunay na Kalagayan ng Buhay Nito

“Marieta, kinukumusta ka ng ate mo. Pilit nga niyang tinatanong sa akin kung saan ka raw nakatira at ano na ang lagay mo. Gusto ko na sanang sabihin pero ayaw ko namang tayo ang magkasira,” saad ng matalik na kaibigang si Carla.

“Huwag na huwag mong sasabihin sa babaeng iyon kung nasaan ako. Huwag mo ring sabihin sa kaniya na maayos na ang kalagayan ko ngayon. Gusto kong masiraan siya ng bait sa kakaisip kung nasaan na talaga ako! Talagang ngayon pa niya ako hahanapin kung kailan nakausad na ako,” sambit naman ni Marieta.

“Hanggang ngayon ba ay galit ka pa rin sa ate mo? Wala naman siyang kasalanan sa iyo, Marieta. Ikaw ang gustong umalis. Ikaw rin ang nagdesisyong talikuran ang pamilya mo!”

“Pero hindi man lang niya ako hinanap! Sinamantala pa niya ang pagkawala ko! Kinamkam niya ang lahat ng pamana nina mommy at daddy! Umalis ako para sundin ang puso ko na gawin ang talagang nais ko, ang magpinta. Pero para sa mga magulang namin ay walang kwentang bagay iyon! Sana nga ay buhay pa sila ngayon nang maipamukha ko sa kanila kung ano na ang narating ko sa buhay ngayon!” pahayag pa ng dalaga.

Kilalang pintor na kasi ngayon si Marieta. Marami ang nakapansin ng kaniyang galing at talento kaya naman hindi naging mahirap para sa kaniya ang tuparin ang kaniyang mga pangarap. Ngunit karugtong ng kasikatang ito ay ang pag-iisa. Tinalikdan niya kasi ang kaniyang pamilya. Nang yumao ang kaniyang mga magulang ay ipinamana lahat sa kaniyang ate ang mga naiwang ari-arian. Wala man lang ni isang kusing ang ibinigay sa kaniya na labis na ikinasasama ng loob niya.

Mula nang umalis siya ay hindi na niya nakausap pa ang kaniyang kapatid. Madalas naman siya nitong kumustahin sa pamamagitan ng kaniyang kaibigan ngunit iwas ang dalaga. Para sa kaniya ay wala na siyang kamag-anak pa.

Sa tingin ni Marieta ay nasa kaniya na ang lahat ng kaniyang inaasam sa buhay hanggang isang araw ay napag-alaman niyang may malubha siyang karamdaman.

“Marieta, hindi mo kaya nang mag-isa ang laban na ito. Sabihin na natin sa ate mo ang lahat! Matutulungan ka niya!” sambit pa ng kaibigan. 

Advertisement

“Hindi ko siya kailangan sa buhay ko! Matagal na akong namumuhay nang mag-isa kaya kakayanin ko ito! Marami naman akong naipon. Kaya kong tustusan ang pagpapagamot ko,” saad naman ni Marieta.

Labis na nag-aalala itong si Carla. Nais man niyang sabihin kay Melody ang lahat ay hindi niya magawa. Ayaw niyang pangunahan ang kaniyang kaibigan.

Mag-isang nilabanan ni Marieta ang malubha niyang karamdaman. Dahil hindi na nakakapagpinta ay unti-unti na ring naubos ang ipon niya. 

“Matagal na gamutan pa ang kailangan mo, Marieta. Sabihin mo na sa ate mo kasi ang lahat para matulungan ka niya. Huwag mo nang isipin kung ano pang sasabihin niya. Kapatid ka no’n! Hindi ka niya matitiis!” giit pa ni Carla.

Ngunit mataas ang pride ng dalaga. Ayaw talaga niyang magpatinag.

“Mas gugustuhin ko na lang mawalan ng buhay kaysa humingi ako ng tulong sa kaniya. Matagal na akong walang kapatid, Carla, ‘yan ang isiksik mo sa utak mo dahil ‘yan din ang isiniksik ko sa puso ko!” sambit naman ng dalaga.

Muli ay tinatagan ni Marieta ang kaniyang loob upang makipaglaban sa kaniyang sakit. Hanggang isang araw ay nalaman niyang walang-wala nang natira sa kaniyang pera sa bangko. Marami pa siyang kailangang pagkagastusan. Matagal pa rin ang kaniyang gamutan. Ngunit ni singko ay walang-wala na siya. Marami na rin siyang pagkakautang sa kaniyang kaibigang si Carla.

Nawawalan na ng pag-asa itong si Marieta hanggang sa isang araw ay nakatanggap siya ng isang tawag mula sa isang tagahanga. Lagi itong bumibili raw ng kaniyang obra. 

Advertisement

“Magiging malaki kang kawalan sa industriya. Kailangan mong gumaling upang ipagpatuloy mo ang iyong mga likha. Tutulungan kitang magpagamot,” saad ng babae. 

Ang buong akala ni Marieta ay may nanloloko lang sa kaniya. Hanggang sa nagulat siya nang makita niya ang sampung milyon sa kaniyang account sa bangko.

Ginamit ng dalaga ang perang ito upang siya ay makapag pagamot. Nagtungo siya sa Amerika upang komunsulta sa mga espesyalista doon. Hindi nga nagtagal ay unti-unti na siyang gumaling. 

Makalipas ang dalawang taong pakikibaka sa kaniyang sakit ay tuluyan na siyang gumaling at umuwi na sa Pilipinas. 

“Pangalawang buhay mo na ito, Marieta. Kung ako sa iyo ay ayusin mo na ang relasyon mo sa ate mo. Ang isa’t isa na lang ang mayroon kayo,” wika ni Carla.

“Sapat na sakin na nariyan ka. Inuulit ko sa iyo wala na akong kapatid. Saka sa tindi ng pinagdaanan ko ay napagtanto kong mas mabuti pa ang ibang tao. Kaya nilang magbigay sa akin ng hindi ko inaasahang halaga upang madugtungan lang ang buhay ko. Samantalang siya’y nagpapakasasa sa pera ng mga magulang namin! Minsan nga’y naiisip kong ubod ng saya niya nang umalis ako dahil wala na siyang kaagaw sa lahat!” wika naman ni Marieta.

Nagpatuloy sa paggawa ng mga obra itong si Marieta. Kahit na ang iba’y sinasabi na hindi na raw tulad ng dati ang kaniyang mga gawa ay naubos pa rin ang mga ito sa kaniyang gallery.

Sa muli niyang pagbangon ay lalong nagpupuyos ang kaniyang damdamin na maipamukha sa kaniyang ate na kaya niyang mabuhay nang wala ito. 

Advertisement

Isang araw ay ginanap muli ang art exhibit ni Marieta. Laking gulat niya nang makita roon ang kaniyang nakatatandang kapatid. 

“Ikaw ba ang nagpapunta sa kaniya rito, Carla? Sinabi ko na sa’yong ayaw kong makita ang babaeng iyan!” galit na sambit ng dalaga.

“Panahon na para makapag-ayos kayo, Marieta! Kahit paikutin mo man ang mundong ito ay siya pa rin ang ate mo! Pamilya mo siya!” giit naman ni Carla.

“Wala kang karapatan na manghimasok sa buhay ko, Carla!”

Dali-daling pinuntahan ni Marieta ang kapatid. Kinaladkad niya ito palabas ng pinto ng kaniyang gallery.

“Lumayas ka rito! Ayaw kong makita ang pagmumukha mo! Kinasusuklaman kita! Nasaan ka ng mga panahong kailangan ko ng pamilya? Ni hindi mo man lang ako hinanap! Ni hindi mo man lang ako tinulungan! Ni hindi mo man lang pinakiusapan sina mommy at daddy na pabalikin ako! Nagpakaligaya ka sa lahat ng yaman na ibinigay nila sa iyo na dapat ay mayroon din ako! Kaya lumayas ka rito. Wala akong kapatid!” bulyaw pa ng dalaga. 

Labis mang nangungulila si Melody sa kaniyang kapatid ay wala na siyang nagawa pa kung hindi lisanin ang lugar.

“Bakit mo ginawa ang bagay na ‘yan, Marieta? Ubod ka na ng sama! Ni hindi mo man lang hinayaang magpaliwanag ang ate mo!” saad ni Carla.

Advertisement

“Ano pa ang dapat niyang ipaliwanag? Talaga namang sinamantala niya ang pagkawala ko! Kaya marami akong pinagdaanang hirap ay dahil sa kaniya!” sagot naman ng dalaga. 

“Marami kang pinagdaanang hirap dahil iyan ang pinili mong landas! Ikaw ang gumawa niyan sa iyong sarili! Alam mo ba na noong wala pang nagtitiwala sa iyo ay binili ni Ate Melody mo ang lahat ng mga obra mo? Siya rin ang bumili ng lahat ng likha mo nang makabalik ka mula sa Amerika. At higit sa lahat, siya ang dahilan kung bakit nadugtungan ang buhay mo! Kung makikita mo lang ang buhay ngayon ng ate mo’y mahahabag ka sa kaniya. Masasabi mo pa kaya na napakamakasarili niya?” dagdag pa ng kaibigan. 

Labis na nagtataka si Marietta ang tinutukoy ni Carla. Kaya naman pinuntahan niya ang kanilang bahay upang malaman ang kalagayan ng kapatid. Nabigla siya nang malamang iba na ang may-ari nito. Natunton niya ang nakatatandang kapatid na naninirahan sa isang tenement. Masikip, magulo at mabaho ang lugar na tinutuluyan nito. Ngunit hindi nito alintana ang paligid.

Napaluha si Marieta nang makita ang tunay na kalagayan ng kapatid. Mahirap ang buhay nito pero nakasabit pa rin sa maliit na apartment nito ang mga obra niya.

“Ate,” sambit ni Marieta.

Nang makita ni Melody ang kapatid ay hindi na ito nagdalawang isip pa at hinagkan na niya ito.

“Kay tagal kong nangulila sa iyo. Labis ang pag-alala ko nang malaman kong may sakit ka. Hindi mo lang alam kung gaano ko kagustong alagaan ka no’n! Mabuti na lang at gumaling ka na!” lumuluhang sambit ni Melody.

“Salamat sa iyo, ate. Alam ko na ang lahat ng ginawa mo para sa akin. Patawarin mo ako kung puro galit ang itinanim ko sa puso ko. Hindi ko alam na sa kabila pala ng lahat ng sama ng loob ko ay ginagawa mo naman ang lahat para lang sa akin! Hindi ko akalain na ganito ang buhay mo! Patawarin mo ako, ate!” saad naman ni Marieta.

Advertisement

“Kaya kong isakripisyo ang lahat para lang sa iyo, Marieta, dahil kapatid kita. Matagal man tayong nawalay sa isa’t isa ay hindi ka nawawala dito sa puso’t isip ko. Ngayon ay walang pagsidlan ang saya ko dahil sa wakas ay kapiling na kita!” dagdag pa ng nakatatandang kapatid.

Tinapos ng mahigpit na yakap ang lahat ng masakit at masamang nakaraan ng dalawa.

Upang makabawi sa lahat ng naitulong sa kaniya ng kapatid at nawalang panahon ay pilit na inuwi ni Marieta sa kaniyang bahay ang kaniyang Ate Melody upang doon na sila manirahan nang magkasama.

Maraming taon ng pagkakawalay ang kailangan pang bunuin ng magkapatid. Ngunit ngayon ay masaya na ang dalawa dahil simula na ito ng mga hindi na mabilang na mga araw na kanilang pagsasamahan.