Tinakbuhan ng Babae ang Malaking Utang Niya sa Bumbay, Katakut-takot na Kurikong ang Tumubo sa Buong Katawan Niya
May-ari ng isang sari-sari store si Melia, ang mister niya naman ay nasa Saudi at mayroon silang dalawang anak. Kung tutuusin, sobra sobra pa ang ipinadadala ng lalaki, pero pagsamahin man iyon at ang kinikita ng kanilang tindahan ay kulang pa sa mga luho ni Melia.
Linggo linggo ay nagpapalinis siya ng kuko, mahilig rin siyang bumili ng kung anu ano at ang pinakamatindi ay lulong siya sa sugal. Kaya nga baon na siya sa utang, na hindi alam ng kanyang mister.
“Love, natanggap mo ba yung 60,000 na pinadala ko sayo?” sabi ni Herald, ang asawa niya. Kausap niya ito sa video call.
“Oo, thank you ha. Nilagay ko na sa bangko.” sagot ni Melia kahit ang totoo naman ay ibinayad niya lang iyon sa mga kumare niyang pinagkakautangan niya, ang natirang walong libo ay winaldas niya sa sugal.
“Kumusta pala ang tindahan? Napapalitan mo na ba yung bakal na bintana?” sabi ng lalaki, hiningian niya rin ito ng additional dahil umungot siyang nakakatakot na sa lugar nila at madali nang lagare-in ang bintana ng tindahan.
“H-ha? Ah oo, bagong palit na. Mas makapal na yung bakal kaya safe na kami love.” pagsisinungaling niya ulit.
Saktong natapos ang video call ay narinig niya ang motor ni Donald, ito ang kilalang bumbay na nagpapautang sa kanila. Di pa ito nagtatawag ay lumabas na siya at pagkatamis tamis ng ngiti.
“Hanap mo daw ako Melia?” sabi nito.
“Oo bombs. Pahiramin mo naman ako 40k, 3 months to pay.” sabi niya rito.
“Laki yata, check ko funds ko. Nangungutang din kapitbahay mo Aling Maring,” sagot nito. Si Aling Maring ay ang kapitbahay niyang matanda na may diabetes, kahit may sakit ito ay mabuting kausap at may isang salita, di tulad ni Melia na balasubas. Pag sinisingil ay mainit ang ulo.
“Dami na pera yan si Aling Maring, may pension yan bombs. Ako nalang, may sakit ako sa puso.” pagpapaawa niya, wala naman talaga syang nararamdamang di maganda.
Tila naawa naman ang bumbay, saglit lang itong nag isip tapos ay naglabas na ng pera at listahan.
“Wag moko lokohin ha, I trust you ha Melia. Balikan ko linggo-linggo bayad,” sabi nito at ibinigay pa sa kanya ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang amount na dapat niyang ibigay dito tuwing linggo.
Maliit lang ang tubo noon, hindi tulad sa iba na 20% dahil naawa si Donald sa kanya.
Sa kabila naman ng kabutihang puso ni Donald ay naisip pa rin ni Melia na lokohin ang lalaki. Palagi niya itong tinataguan, nang makauwi ang mister niya sa Saudi ay sinabihan niya itong doon na muna sila tumira sa mga byenan niya dahil chinichismis siya ng mga tao sa barangay na marami raw utang.
“Akalain mo ba namang kalat na kalat sa lugar natin na utangera raw ako at balasubas, paano ko naman gagawin yun? Eh nagpapadala ka,” sumisinghot pa siya para maniwala ito na problemado nga siya.Awang awa naman si Herald sa kanya.
Dahil doon ay matagumpay silang nakatakas sa mga pinagkakautangan ni Melia, lalong lalo na kay Donald na ni minsan ay di niya pa nabayaran.
Nagulat na lamang si Melia nang isang araw ay may biglang tumubong mga bulutong sa kanyang katawan. Sobrang dami, lalo na sa kanyang mukha.
Takot na takot siya dahil nagkabulutong na siya dati,sabi ng nanay niya noon ay di na raw siya magkakaroon. Pero heto, ang laki pa nga at nagtutubig.
“Diyos ko kinukulam ako!” sabi ni Melia sa harap ng salamin. Isa lang ang naisip niyang maaring gumawa noon, si Donald.
Kinabukasan ay galit na bumalik siya sa kanilang lugar, nag abang siya sa gate ng kanilang bahay at nang dumating ang motor ni Donald ay nakapamewang pa siya. Nasa likod niya ang kanyang mister na napapailing na lamang, hindi rin alam ng lalaki kung bakit ang bumbay ang kanyang pinagbibintangan.
“Melia, ilang araw na kitang hanap, san ka ba punta?” inosenteng sabi nito. Walang kaalam alam na pinagbibintangan niya na itong mangkukulam.
“Walangya ka!” sigaw niya agad, nagtinginan naman ang iba pa nilang mga kapitbahay.
Gulat na napakunot ang noo ni Donald.
“Ikaw ang may kagagawan nito! Sigurado ako, pinakulam mo ako para makaganti ka! O baka ikaw mismo ang nangulam sakin, ganyan naman kayong mga bumbay eh. Pag di nakakabayad sa inyo inoorasyonan nyo!” sigaw nya.
Hindi makasagot si Donald sa kanya dahil di ito makapaniwalang ito pa ang masama ngayon, tumulong na nga sa kanya noong nangangailangan siya. Buti nalang ay may mga kapitbahay na nakisali sa usapan.
“Hoy Melia ang kapal ng mukha mo ikaw nga itong balasubas! yung 15,000 ko kelan mo babayaran?” galit na tanong ng isa.
“Sa tanang buhay ko kilala ko yan si Donald mabait na tao yan, tinakbuhan mo na nga ng pera matapang kapa!” sabi pa ng isa.
Nakalimutan ni Melia na nasa likuran niya lang ang kanyang mister, nang sulyapan niya ito ay nakatitig sa kanya ang lalaki. Hinawakan nito ang braso niya at dinala siya sa ospital.
“Chickenpox po yan. Bulutong sa tagalog. In most cases, pag nagkaroon kana ay di na siya babalik, pero may mga rare na pagkakataon namang bumabalik pa siya. Tulad ng sayo,” sabi nito at niresetahan siya ng mga gamot.
Isang linggo at kalahati ay tuyo na ang bulutong ni Melia, hindi pa rin siya kinakausap ng mister. Di niya na natiis at nilapitan niya na ito. Isa lang ang sinabi ng lalaki.
“Nagbintang ka pa ng tao. Di yan kulam, karma ang tawag dyan.”
Pangaral nito sa kanya. Napapahiya naman si Melia, kung inaakala niya kasing nakatakas na siya sa bumbay, puwes sa Diyos hindi. Nang tuluyan na siyang gumaling ay humingi siya ng tawad kay Donald, binayaran na rin ng mister niya ang kanyang mga utang basta mangako lang siya na wag nang uulitin.
Nakangiting nangako si Melia; natutunan niya na talaga ang kanyang leksyon.