Ikinahihiya ng Dalaga ang Kanyang Nanay na Katulong sa Ibang Bansa, Magsisi man Siya ay Huli Na
Pag tinatanong sa school si Jenna kung ano ang trabaho ng kanyang ina, ang sagot niya lagi, Negosyante. Pero ang totoo, maid ang nanay niya sa ibang bansa at ikinakahiya niya yun. I mean, come on sa sosyal niyang ito nanay niya isang katulong lang? No way! Kaya pinanindigan niya ang pagsisinungaling sa mga kaibigan.
“Wow, ang ganda naman ng bahay n’yo Jenna, ang yaman n’yo!” sabi ng isa niyang kabarkada ng minsan dalhin niya ang mga ito sa kanilang tahanan.
“Siyempre, businesswoman ang mommy ko.” pagmamalaki niyang sagot sa kanila.
Hindi nila alam, galing sa pagkuskos ng banyo lang ang perang ginamit sa pagpatayo ng bahay na ito.
Pero hindi lahat ng sekreto pwedeng itago, kahit ano ang gawing pagtatakip ni jenna ay lulutang at lulutang rin ang katotohanan, hindi alam ng dalagita kung paano, basta isang araw ay bigla nalang pumutok sa klase nila ang balita na katulong lang ang kanyang ina.
Kaya nagalit siya sa mga kaibigan, lalo na sa kanyang ina. Pagsapit ng kolehiyo ay lumipat na siya Maynila, bukod sa maganda raw ang edukasyon doon ay magandang paraan na rin iyon para makalayo sa mga taogn pinagtatawanan siya. Iyon bang walang makakakilala sa kanya, kaya nabuhay siyang malayo sa pamilya.
Pinapadalhan pa rin siya ng kanyang ina ng pera para pambayad sa renta ng kanyang boarding house, pambili ng pagkain at panggastos.
“Where are your parents, Jenna?” tanong ng mga bago niyang friends.
Nagbago na ang sagot niya ngayon, ang kwento na niya ay isa siyang ulilang lubos. Ayos na iyon para naman di na mag usisa pa ang mga ito.
“Patay na sila”,simpleng sagot ng dalaga.
Totoo naman na patay na ang tatay niya. Ayaw niya ngang sabihin na anak siya ng katulong, ang cheap nun no!
Hindi rin siya nagpatatalo sa mga kamag aral pagdating sa lahat ng bagay, lalung lalo na sa pera. Grabe sila kung mag-shopping na umaabot sa puntong wala na siyang pambili ng pagkain kinabukasan.
“I want 10K right now,” salubong niya sa kanyang ina habang kausap ito sa telepono.
“Di ba kapapadala ko lang nung linggo sa’yo anak?” gulat na sabi ng ginang.
“Naubos na, marami kasing project sa school.” tinatamad niyang sagot, e ano naman kung malaman nitong nagsisinungaling siya. Sigurado naman siyang di siya matitiis ng babae.
Narinig niya nalang ang buntong-hininga niya. “Sige, titingnan ko mamaya kung makakabale sa amo ko.”
“Anong titingnan? Siguraduhin mo!” napalakas ang pagkasabi niya. Sa isip niya, kailangan kong bilhin ang nakita naming damit ni Emily sa mall nung isang araw, baka maunahan pa akong bilhin nun.
Kaya ora-orada ay natanggap niya rin ang padala ng nanay niya. Napangiti siya. Maya maya pa ay nagtext ang kanyang ina. “Natanggap mo ba ang pera anak?”
“Oo” lang ang reply niya. Dali-dali siyang pumunta sa mall at binili ang damit na iyon.
Nakalabas na siya ng eskwelahan ay may tumawag sa kanyang pangalan.
“Jenna!”.
Agad siyang namutla at nanlamig nang makilala kung sino ang tumatawag sa kanya.
“Sino siya Jenna?” tanong ni Mildred na kaibigan niya, agad nitong tinitigan mula ulo hanggang paa ang babae sa kanilang harapan.
Payat at medyo marami ng puti ang buhok na hindi manlang naayos ng mabuti. Naka blouse na kulay pula at nakapantalon ng itim.
“Hindi ko kilala,” sagot niya na hatalang ikinagulat ng ginang.
Niyaya niya nang umalis ang mga kaibigan, iniwang nakatulala ang babae, ni hindi niya nilingon ito.
Bakit nandito ang nanay niya sa Pilipinas?
Wala naman sana siyang pakialam, ang iniisip niya lang ay ang kahihiyang maidudulot nito sa kanya. Paano kung malaman nanaman ng mga kaklase niya ang tungkol dito, edi mauulit sa kanya ang nangyari noong high school? Ganito ba talaga ang gusto nito, ang mapahiya siya?
Ilang linggo siyang sinubukang tawagan nito pero hindi niya sinasagot ang ginang, kaya nagulat nalang siya isang araw nang biglang sumulpot ito sa pintuan ng boarding house na tinutuluyan niya.
“Nandito pa rin kayo sa Pinas? Bakit hindi pa kayo nakabalik?” iritableng tanong niya rito.
“Eh kasi anak-”
“Paano na ang tuition ko? Ilang araw na akong pulubi, bwisit!” sabi niya at tinalikuran na ito.
Lumipas ang buwan, pinagkasya niya nalang ang baon niya. Hindi na muna siya sumasama sa mga friends niya na lumabas dahil nga wala siyang pera. Ang dahilan niya nalang maraming projects na kailangang tapusin.
“Oh come on Jenna, pwede mo namang ipagawa ‘yan sa iba at bayaran lang sila,” sabi ni Mildred.
“Eh kasi.. kasi.. ano.. mas gusto kong ako ang gagawa nito,” saka ngumiti lang sa kanila. Alangan namang sabihin niya na kasi hindi na bumalik ang nanay niya sa ibang bansa para maging katulong.
Biglang pumitik ang isang ideya sa kanyang isipan, bakit nga ba hindi niya amuin kunwari ito tapos kumbinsihing bumalik na lang sa pagiging katulong para may pang shopping na siya ulit? Tama!
Kinabukasan rin ay lumuwas ang dalaga pabalik sa kanilang probinsya pero nanlambot ang mga tuhod niya sa nakita.
Bumulaga sa kanya ang kabaong ng kanyang ina. Hindi niya maintindihan ang naramdaman.
Sari-sari ang emosyon niya sa mga oras na ‘yon.
Galit sa sarili.
Pagkaawa sa ina.
Paghihinayang.
Pagsisisi…
Pero wala na. Hindi na gumagalaw ang nanay niya.
Bumalong ang luha sa mga mata niya at walang humpay na pumatak iyon. Ang sakit na nararamdaman niya ay walang katumbas.
“Nanay!” iyak niya.
May cancer pala ang kanyang nanay kaya umuwi ito, nagpagamot pero stage 4 na pala iyon. Ni hindi niya manlang nalaman ang ganoong bagay.
Ngayon ay kasalukuyan pa ring nag aaral si Jenna, kasabay ng kanyang pagtatrabaho dahil wala na ang inang susuporta sa kanya.
Hindi niya pa rin maubos maisip ang lahat ng nangyari. Hindi pa rin matanggap ng sistema niya, naging napakadamot niya sa lahat ng bagay. Naging mapagmataas siya, mapangmata sa sariling ina.
Ikinahiya niya ang taong naging dahilan kung bakit nabubuhay siya ngayon, kung bakit humihinga siya ngayon.
Talaga nga palang sa huli ang pagsisisi.