Inday TrendingInday Trending
Dahil Mangmang ang Tingin ng Dalaga sa Ina, Ito ang Sinisi Niya Kung Bakit Sila Iniwan ng Kanyang Ama; Sampal sa Mukha Niya nang Malaman ang Buong Katotohanan

Dahil Mangmang ang Tingin ng Dalaga sa Ina, Ito ang Sinisi Niya Kung Bakit Sila Iniwan ng Kanyang Ama; Sampal sa Mukha Niya nang Malaman ang Buong Katotohanan

Nag-iisang anak si Bridget, sa edad niyang 14 years old ay tila ba nasa kanya na ang lahat. Seaman ang daddy niya at kahit na anong hilingin niya ay kayang-kaya nitong bilhin para sa kanya, nakatira sila sa isang subdivision at nag-aaral pa siya sa private school.

Ang mommy niya naman ay simpleng may bahay lang, ewan niya- hindi kasi sila close nito.

Pero ang alam niya, hindi yata nakapagtapos ang nanay niya kaya dito lang ito sa bahay. Hindi niya nga alam kung ano ang nakita ng daddy niya rito. Sa tingin niya ay mahina ang ulo ng ina at di ito bagay sa ama niya. Hindi nya sigurado kung bakit malayo ang loob niya sa babae, basta mas malapit siya sa kanyang daddy.

“Ano? Anong hindi ka na uuwi dito Rudy? Anong sinasabi mo?” narinig ni Bridget ang litong tanong ng kanyang ina sa daddy niya nang magvideocall ang dalawa. Hindi alam ng mommy niya na nakikinig siya.

“Celia, buntis si Fely. Hindi ko naman sya pwedeng pabayaan,” simpleng tugon ng lalaki.

Ano? nakabuntis ang daddy niya? At bakit kung pag-usapan nila ito ay para bang matagal nang alam ng mommy niya ang tungkol sa ‘Fely’ na ito? Nasagot ang mga tanong niya nang muling magsalita ang kanyang ina.

“Pinagbigyan na kita nang magloko ka, tinanggap ko na dalawa kami basta sa amin ka lang uuwi ni Bridget. Bakit mo naman ginawa ito sa amin Rudy? Paano na kami ng anak mo? Rudy? Wag mo kong babaan!” iyon ang huling narinig ni Bridget bago siya tumakbo papasok sa kanyang kwarto at pabalyang inihiga ang sarili sa kama. Tiyak niyang magbabago na ang kanyang buhay.

Ang nanay niya naman kasi, ayaw mag ayos sa sarili kaya siguro ipinagpalit. O baka naman narindi na ang daddy niya dahil walang ibang ginawa kung hindi ang dumaldal. O siguro, wala kasing pinag-aralan. Hindi katulad ng daddy niya ang babae na kapag kinausap ay maraming kaalamang maaaring matutunan. Ang mommy niya, bugok. Wala nang ibang ginawa kung hindi ang tumahimik kapag may problema siya sa asignatura sa eskwelahan dahil wala naman itong maibabahagi sa kanya.

Kahit siguro siya ang nasa lugar ng kanyang daddy ay mababagot at iiwanan niya ito.

Iyan ang nakatatak sa isip ni Bridget, sinisisi niya ang kanyang ina sa pang iiwan sa kanila ng daddy niya at nabubulagan siya sa katotohanang ang ama niya ang tunay na nakagawa ng kasalanan.

“Anak, ubusin mo yang breakfast mo, tulala ka na naman. At yung lunch box mo rin naka-ready na, baka makalimutan mo.” masuyong sabi ng mommy niya isang umaga, dalawang buwan na rin ang nakalipas mula nang hindi magparamdam ang daddy niya.

“My teacher asked me a question last time mom. What does Argumentum ad Hominem mean?” tanong niya sa babae, alam niya naman ang sagot pero tinatanong niya ito para lang mapahiya, parang may kung anong emosyon sa kalooban niya ang natutuwa kapag nakikitang namumutla ang ina tulad ngayon. Sinadya niya ring magsalita ng ingles.

“Ah.. parang ano yan, yung sa argumento ba? Ganoon siguro anak. Hayaan mo, magbabasa ako mamaya ng libro tapos ay ikukwento ko sayo kung ano ang ibig sabihin,” sabi ng babae.

“Ah, no need. Bakit nga ba kasi nag hope pa ako na may isasagot ka mommy, no? Eh tayo nga iniwan ni daddy, wala ka namang naisagot diba? At pwede ba, enough with your excuses, ano’ng babasahin mo mamaya eh kailangan ko na nga ngayon? Sabihin mo na lang kasi di mo alam, yun naman ang totoo.” dire-diretso niyang pahayag sa kanyang maluha-luhang ina. Hindi na nakasagot pa ang ginang dahil parang nagbara na ang lalamunan nito sa sobrang sakit ng mga salitang binitawan sa kanya ng anak.

Bago lumabas ng classroom ay muling nagsalita si Bridget, “Oo nga pala, may field trip kami. I need 2,500 this coming Friday, sasama ang mga classmates ko, dapat ako rin.”

Naiwang nakatulala ang ginang nang tumalikod ang dalagita.

Badtrip si Bridget maghapon, bakit ba kasi hindi na lang nagiging iba ang mommy niya. Ah, kapag nakausap niya ang kanyang daddy ay sasabihin niyang sasama na siya rito, tiyak niyang miss na miss na rin siya nito. Iiwan niya na ang nanay niyang mangmang at trying hard. Niyaya siya ng mga kaklase na pumunta sa mall dahil hindi pala papasok ang teacher nila kaya pwede nang umuwi nang maaga ang mag estudyante pero sinabi niya sa mga ito na mas gusto niyang umuwi sa bahay at magpahinga.

Hindi pa siya nakakapasok sa pintuan ng marinig niya ang boses ng kanyang ama.

“Nasaan si Bridget?” sabi ng boses ng lalaki.

Sabi na nga ba niya, di siya matitiis ng kanyang daddy! Dapat niyang bilisan, aayusin niya na ang kanyang gamit para makasama na siya rito.

“Nasa school pa, ano’ng kailangan mo sa amin?” tanong ng kanyang ina.

Napatigil si bridget sa sunod na isinagot ng kanyang daddy.

“Good, buti naman wala siya para hindi na ako kailangan pang magpaalam. Kukunin ko lang ang mga gamit ko, ” matabang na sabi nito.

“Bakit mo ito nagagawa sa amin ng anak mo?” ang mommy niya.

“Anak ko? Hindi ko naman yata anak yan eh, tignan mo nga. Tanga katulad mo.” sabi ng lalaki at nagdire diretso na sa loob ng bahay upang kunin ang mga gamit nito, pero pinigilan ito ng mama niya at binigyan ng pagkalakas lakas na sampal.

“Hindi nga ako nakapag aral, pero wag na wag mong idadamay sa kagaguhan mo ang anak ko!”

Akmang pagbubuhatan na ni Rudy ng kamay ang mommy niya nang biglang magsalita si Bridget.

“Bitiwan mo si Mommy,”

Nagpalipat lipat sa kanilang mag ina ang tingin ng lalaki bago ito bumuntong hininga at nagpasyang umalis na muna ulit. Niyakap ni bridget ang mommy niya, all this time akala niya ay ito ang may pagkukulang pero mali siya. Mommy niya ang talo, mommy niya ang niloko. Kahit ano pa man ito bilang tao, may pinag aralan o wala, walang karapatan ang sinuman na manakit ng kapwa, lalong lalo na rito.

Walang karapatan ang daddy nya na tratuhin ng masama ang kanyang ina.

Mula noon ay naging mas malapit ang loob niya sa ina. Naging mabuting anak na siya, kapag may hindi ito alam ay siya ang nagsisilbing gabay nito at ganoon rin naman ito sa kanya.

Advertisement