Hindi Tinanggap ng Babae ang Kasal na Alok ng Nobyo Dahil Pinag-aaral Niya pa ang Mga Kapatid; Makalipas ang Ilang Taon, Ito ang Ginawa ng Lalaki
Panganay si Bea sa apat na magkakapatid. 23 anyos na siya, ang sumunod sa kanya ay 18, 16 at ang bunso ay siyam na taong gulang pa lamang. Maganda ang trabaho ng kanyang mga magulang at siya naman ay kapapasok lang sa isang opisina sa Manila.
Mayroon siyang nobyo, si Jerry. Apat na taon na silang magkasintahan at mahal na mahal nila ang isa’t isa. Maayos ang lahat; halos perpekto na ang buhay ni Bea. Hanggang sa maaksidente ang kanyang mga magulang.
Pauwi ang dalawa sa probinsya upang dalawin ang kanilang lolo at lola roon nang mabangga ng rumaragasang truck ang sinasakyang bus ng mga ito. Mula noon ay naging impyerno na ang buhay nila, si Bea na ngayon ang tatayong nanay at tatay ng kanyang mga kapatid.
“Ate, kailangan ko raw pong magbayad bukas para makapag exam po sa school.” sabi ng ni Kenneth, isa sa mga kapatid niya.
“Ganoon ba? Magkano nga ulit, 3500? Sige teka.” sabi ni Bea at kinuha ang kanyang pitaka. Napabuntong hininga siya, isang daang piso nalang kasi ang natira doon. Mukhang uutang na naman siya sa tindahan.
Kasusweldo niya lang pero parang hinipan ng hangin ang pera niya. Kulang na kulang ang bente mil niyang sahod buwan buwan sa kuryente, tubig, gas, pagkain, baon niya at ng mga bata, dumagdag pa ngayon ang tuition fee.
Ayaw niya namang patigilin ang mga kapatid niya. Nangako siya sa mga magulang na kahit mahirap ay itataguyod niya ang mga ito.
Araw ng Linggo ngayon kaya bumisita sa kanila si Jerry, wala rin kasing pasok ito sa opisina. May dala pa itong mga pasalubong sa kapatid niya. Nang mawili na ang mga bata at silang dalawa na lamang ay nagulat pa siya nang hawakan nito ang kanyang kamay.
“Bea, 4 years na rin. Hayaan mo akong paligayahin ka habangbuhay. Pakasalan mo ako,” naluluhang sabi nito.
Diyos ko.
Ang saya saya ng puso ni Bea. Pero sa kabilang banda, nais niyang lumuha. Alam niya kasing hindi niya matatanggap ang alok nito. Hindi niya maaring iwan sa ere ang mga kapatid niya, ayaw niya rin namang ipasalo ang gastusin ng mga ito kay Jerry sakaling maging mag asawa ba sila.
Nag isip siya ng tamang sasabihin, umiiyak man ay itinuloy niya na.
“Sorry, hindi ko kaya.”
Tila hindi naman iyon ang inaasahang sagot ng lalaki dahil ang ngiti nito ay unti unting nawala, bumalatay ang sakit sa gwapong mukha ng lalaki. Hindi man ito magsalita ay tila nabasa niya na ang ekspresyon nito, ‘bakit’?
Kaya nagsalita ulit si Bea, “Ano kasi.. laru laro lang nung una. May nakilala ako sa chat, hindi ko naman akalaing mamahalin ko rin sya. Ngayon ay di ko na maimagine ang buhay ko na di ko sya nakakasama, sorry Jerry. Tingin ko tamang pagkakataon na rin ito na sabihin ko sayo ang lahat.. Wag mo sanang masamain.”
“Chat?! Ipagpapalit mo ang apat na taon natin sa nakilala mo lang sa chat?!” hindi makapaniwalang sabi nito.
Kinabahan naman si Bea, hindi maaring malaman ni Jerry na nag iimbento lang siya.
“Babaw pakinggan no? Nakakahiya, pero ganun siguro talaga ang pag ibig. Di mo aakalain.” sabi niya. Pinilit niyang wag mautal.
Tahimik na tumayo ang lalaki at laglag ang balikat na umalis sa kanilang bahay.
After 10 years
Pinahid ni Bea ang luhang tumulo sa kanyang mga mata, ano ba yan! Kaya ayaw na ayaw niyang umaattend sa mga ganitong kasalan, naaalala niya ang nakaraan. Nasaan na kaya si Jerry? Ah, baka may pamilya na. Mahal niya pa rin ang lalaki pero ayaw niyang maging selfish. Hindi siya bagay rito, siyang may mabigat na bagahe.
Kung hindi nga lang talaga kapatid niyang si Kenneth ang ikakasal, hindi talaga siya pupunta.
“Okay, single ladies! Please punta kayo dito sa harap, kung sino ang makasalo ng bouquet ng bride siya na ang susunod na ikakasal. Kasabihan lang yan, pero there’s no harm in trying so come on!” sabi ng host.
“Ate tara,” biro ng kapatid niyang si Sarah, ito ang sumunod kay Kenneth.
“Baliw, ayoko ng mga ganyang kalokohan.” natatawang sabi niya.
“Bakit? Tapos na naman kami ng college ah? I mean si Gerald pa, pero siya nalang ang di nakaka-graduate. Isang buwan nalang. It’s about time para isipin mo naman ang sarili mo,” sabi nito.
Sobrang luwag sa pakiramdam ni Bea dahil natupad niya ang pangako niya sa kanyang mga magulang na di niya pababayaan ang mga kapatid.Malaki rin ang pasasalamat niya dahil mabait ang mga ito at nag aral nang mabuti, nakuha tuloy lahat bilang mga iskolar.
“Sarah, sino nga ulit yung kandidatong tumutulong kamo sa inyo at nagbibigay ng allowance?” tanong niya.
“H-ha?” tila nataranta naman ang kapatid niya.
“Yung nagpapaaral sa inyo. Ang laki ng utang na loob ko sa konsehal na yun dahil halos siya na ang nagpabaon sa inyo at nagpaaral. Kung hindi dahil sa scholarship niyong iyon ay baka kuba nako. Iboboto ko sya this coming May election,” sabi niya.
“Ate wait lang ha,”
“Huy!” di na sumagot pa si Sarah dahil tumakbo na ito sa unahan at nakipag agawan sa bulaklak.
Bago matapos ang program sa reception ay kinuha ng kapatid niyang si Kenneth ang mic at nagsalita, tumahimik naman ang lahat.
“I’d like to thank everyone na umattend sa kasal namin ni Cali,lahat kayo ay sobrang malalapit sa puso namin. Pero itong moment na to, wala to lahat, maski ako- siguro ay wala ako sa harap ninyo kung hindi dahil sa ate kong nagsakripisyo para sa amin. So bago ako mag start ng bagong buhay gusto kong magpasalamat sayo ate and please know, that Cali and I will always be here for you,” madamdaming sabi nito. Napunta kay Bea ang spotlight, kitang kita na pinahid ng babae ang kanyang luha.
“Bukod sa kanya, gusto ko ring magpasalamat sa taong naging katuwang ng ate ko sa pagpapaaral sa amin, Kuya Jerry,”
Isa pang spotlight ang natanaw ni Bea at lumakas ang kabog ng dibdib niya nang makita ang dating nobyo na nakatayo sa gilid ng mga kumakain. Nakatingin ito sa kanya.
Susmaryosep, bakit parang lalo itong gumwapo? Mas lumaki ang katawan nito.
Akala niya ay kandidato ang nagpapaaral sa mga kapatid niya, ito pala!
Hindi mapakali si Bea sa kanyang kinauupuan lalo pa ng iabot ng kapatid niya ang mic kay Jerry, tumikhim muna ang lalaki bago magsalita.
“You rejected my marriage proposal 10 years ago, sabi mo may iba kana. Ang sakit sakit noon sa akin pero di ako naniwala, alam kong hindi ikaw yun. Hindi mo yon magagawa sa akin. Kaya bumalik balik ako sa inyo, palihim kong sinubaybayan ang buhay mo at nalaman ko na ang dahilan. Siguro hindi ka pa handang magpakasal noon kaya hindi ko na muna pinilit.
Pero hindi ko rin kayang hayaan ka na nahihirapan, kaya tinulungan kita kasi mahal kita. At ngayon, Bea, na maayos na ang mga kapatid mo. Pwede bang bigyan mo naman ng chance ang sarili mo na lumigaya? This time, ikaw naman. Tayo naman..” Nagsusumamong sabi nito.
Lumuluha maging ang mga kapatid ni Bea.
Bilang sagot ay patakbo niyang niyakap ang lalaki at nagpalakpakan ang lahat.
Napakaswerte ni Bea kay Jerry dahil tunay ang pag ibig nito, pag ibig na walang nakikitang oras at kayang maghintay. Pag ibig na iingatan niya, habangbuhay.