“Ano ka ba namang bata ka?!” Nasapo ni Aling Karing ang kaniyang noo sa sobrang pagkainis sa labing isang taong gulang na anak niyang si Toto.
“Nasaan ang iba nito? Bakit kulang itong sukling dala mo?!” sunod-sunod pang tanong niya habang ipinapakita ang listahang ipinadala niya rito kanina sa palengke kung saan din isinulat ng mga suki nilang tindera ang presyo ng bawat produktong ipinabili niya sa anak.
Budget na budget na nga lang niya para sa kanilang maghapon ang natitirang perang iyon, ay kulang pa ang ibinigay nitong sukli at ʼdi niya alam kung saan dinala! Kapag ganito talagang mainit ang ulo niyaʼy nakapagtatagalog siya nang buo kahit pa nga dito na ulit sila nakatira sa probinsya nila sa Mindanao, mula sa matagal na paninirahan nila sa Maynila.
Si Toto naman ay napapakamot sa kaniyang ulo. Hindi alam kung magsasabi ba ng totoo sa kaniyang ina, dahil sa nakikitang galit nito. Kanina kasi sa palengke, habang naglalakad siya pauwi matapos niyang mabili ang lahat ng nakalista sa papel na listahang ipinadala ng kaniyang inay ay may nakasalubong siyang lalaki. Nakasuot ito ng magarang damit, ngunit hindi niya alam kung bakit para itong aligaga at nanlulumo ang hitsura.
Noong unaʼy hindi niya sana papansinin ang naturang lalaki, dahil isa sa pinakamahigpit na bilin ng kaniyang inay sa tuwing siya ay lalabas ng bahay, na huwag siyang makikipag-usap sa hindi niya kakilala. Kaya lang ay biglang lumapit ang lalaki sa kaniya para magtanong ng direksyon dahil naliligaw pala ito.
“Toy, marunong ka bang magtagalog?” tanong ng naturang lalaki. Alinlangan pa itong tinanguan ni Toto.
“Hay, salamat! Huwag kang mag-alala, hindi naman ako masamang tao. Kanina pa kasi ako naghahanap ng mapagtatanungan kung saan ang papuntang police station, kaya lang ay wala naman akong matiyempuhang marunong magtagalog dito. Nanakawan kasi ako, ʼtoy. Nakuha nila ang cellphone at wallet ko, tuloy ngayon ay hindi na ako makauwi sa tinutuluyan ko. Pʼwede mo bang ituro sa akin kung saan ʼyon?” sabi pa ng lalaki.
Naawa naman si Toto sa sinapit nito kaya naman itinuro niya na ang daan papunta sa istasyon ng pulis. “Kaya lang po, kailangan nʼyo pang mag-tricycle papunta roon, kasi, malayo-layo po iyon dito sa palengke,” sabi niya. Bigla namang bumagsak ang balikat ng lalaki na para bang nawawalan na ng pag-asa.
“Hayaan mo na, ‘Toy, lalakarin ko na lang,” sagot na lang nito. Malungkot ang kaniyang tinig.
“Ito po, oh!” Nagulat ang lalaki nang abutan ito ni Totoy ng kinse pesos na barya. “Gamitin nʼyo na po munang pamasahe sa tricycle. Kawawa naman po kasi kayo, e. Ang sabi sa akin ni inay, kapag nakakita ako ng taong nangangailangan ng tulong, ʼwag daw akong magdalawang isip na tumulong sa abot ng aking makakaya.”
Tila tumagos ang mga salitang iyon ni Totoy sa puso at kalamnan ng lalaki. Hindi niya mapigilang mapangiti. Hindi niya akalaing may mga ganito pa palang klase ng bata sa panahon ngayon. Ang buong akala niyaʼy puro lamang pagbubulakbol at pagpapasaway ang alam ng mga ito, dahil iyon ang kadalasan niyang nakikita.
“Maraming salamat, Toy! Malaking tulong ito sa akin. Ibigay mo sa akin ang pangalan mo para naman sa susunod na magkita tayo, alam ko na kung ano ang itatawag ko sa ʼyo,” nakangiti pang anang lalaki kay Toto.
Matapos iyon ay umuwi na ng bahay si Toto at ngayon ay pinagagalitan na nga siya ng kaniyang inay dahil kulang ang sukling dala niya.
“Ano, sumagot kang bata ka kundi ay malilintikan ka sa akin. Bakit kulang itong sukling dala mo?” muli ay pagbubunganga ni Aling Karing sa anak.
“E kasi, Inay—” sasagot na sana si Toto, ngunit naputol iyon nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan…
“Kapitan?” gulat na nasambit ng kaniyang inay nang mapagbuksan nito ng pinto ang kapitan ng kanilang barangay. “Naku, pasok ho. Napadalaw ho kayo?” pagkatapos ay takang tanong nito.
“Salamat, Karing. Hinahanap lamang namin ang anak mong si Toto,” sagot ng kapitan.
Biglang kinabahan si Aling Karing.
“Naku, bakit ho? May ginawa ho bang kalokohan ang anak ko? Pasensiya na po kayo!” taratang sabi pa ng ginang.
“Hindi, Karing. Sa katunayan nga ay may gustong magpasalamat diyan sa anak mo, dahil siya lang ang nag-iisang tumulong sa kaniya kanina noʼng may mang-snatch ng kaniyang wallet at cellphone. Napakaganda ng pagpapalaki mo sa anak mong ʼyan, Karing. Pagpalain nawa kayo ng ating panginoon.” Itinuro ng Kapitan ang mestisong lalaking kasama nito na ngayon ay kumakaway na kay Toto. Napag-alaman niyang kamag-anak pala ito ng kanilang mayor na naninirahan din sa maynila. Isa pala itong mayamang negosyante!
Nabigla si Aling Karing sa narinig sa kapitan at napalingon sa anak na si Toto. “Inay, ʼyon po ang dahilan kung bakit kulang ang sukling iniuwi ko,” nahihiyang sagot ng bata.
Hindi pa man nakababawi sa pagkabigla si Aling Karing ay muli na siyang ginulantang nang magsalita ang lalaking tinulungan umano ng kaniyang anak.
“Aling Karing, gusto ko hong tumulong sa inyo. Gusto ko hong sagutin ang pag-aaral ni Toto mula ngayong elementarya siya hanggang sa siya ay magkolehiyo. Magbibigay rin ho ako sa inyo ng tulong pinansyal para makapagsimula kayo ng negosyo. Gusto ko ho kasing suklian ang kabutihan ng anak nʼyo.”
Halos mapanga-nga na si Aling Karing sa mga narinig. Maluha-luha niyang tinakbo ang puwesto ng anak at niyakap ito nang mahigpit.