Pinagtagpong Magkaaway

Mortal na magka-away si Rynmar at Carol! Iiyak ang araw kung hindi sila nagbabangayan. Magpapa-misa naman ang mga kapitbahay nila kung walang araw na hindi sila nagpaparinigan at nag-iinsultuhan sa isa’t-isa.

“Hoy! Rynmar, ayaw na ayaw mo d’yan kay Carol, baka isang araw na lang niyan mabalitaan namin na kayo na,” asar ni Salve ang kapitbahay nilang chismosa.

Tiningnan naman ni Rynmar si Carol mula paa hanggang ulo sabay ismid. “Hindi ko type ang mga katulad ni Carol, mas gugustuhin ko pang maging matandang binata kaysa patulan si Carol,” dere-deretsong pasaring naman ni Rynmar.

“Hoy! Grabe, ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo Rynmar! Malamang magiging matandang binata ka talaga pagdating ng araw dahil wala namang kagusto-gusto sa’yo. Kaya bakit pa kami magtataka,” galit na wika ni Carol kay Rynmar.

Nilukob naman ng tawanan ang buong paligid dahil sa sagutan nilang dalawa. Pinagtagpo nga yata silang dalawa ni Rynmar upang magbangayan. Dahil minsan man ay hindi sila nagkasundong dalawa. Sa halos araw-araw na nakakasalubong niya ang lalaki ay nakakaramdam siya ng sobrang inis rito.

Nang isang gabi habang naglalakad si Carol ay may nakasalubong siyang apat na lalaki. Nakaramdam siya ng kaba at takot dahil ramdam niyang sa kaniya ang tungo ng mga ito. Alas onse na at tahimik na ang buong paligid kaya sino pa ang makakatulong sa kaniya.

Malalaki at mabilis ang kaniyang ginawang paghakbang, nagbabakasakaling makatakas sa posibleng panganib na mangyayari sa kaniya. Ngunit malas nga yata siya sa araw na ito dahil agad siyang hinawakan ng isang lalaki sa braso at pwersadong kinukuha ang dala niyang bag. Sinubukan ni Carol ang manlaban ngunit hindi niya kaya. Dala ng takot ay nagdesisyon siyang ibigay na nga lang sa mga ito ang bag niya nang may biglang sumigaw at sinita ang apat na lalaki.

“Hoy! Ano ‘yan?” sita ni Rynmar kaya agad na nagtakbuhan ang mga ito papalayo sa kaniya.

Advertisement

Nang tuluyang nawala ang apat na lalaki ay nagdadalawang isip si Carol kung magpapasalamat ba siya kay Rynmar o deadma na lang. Pero mas pinili niya ang magpasalamat.

“Salamat ah. Kung hindi ka dumating baka na pa’no na ako,” wika ni Carol.

“Alam mo kung hindi ka umuuwi ng dis-oras ng gabi ay hindi ka sana mapapahamak. Mabuti na lang at naabutan pa kitang buhay ‘tsaka wala pa silang ginagawang masama sa’yo,” wika ni Rynmar, dahilan upang tumaas na naman ang dugo ni Carol sa lalaki.

“Salamat ah! Bwiset!” inis na wika ni Carol sabay talikod sa lalaki.

“Walang anuman! Bwisit ka rin!” balik naman ni Rynmar.

Imposible nga talagang magkasundo silang dalawa dahil kahit kailan mayabang talaga si Rynmar!

Isang umaga ay narinig niya ang pinag-uusapan ng mga kapitbahay niyang chismosa.

“Oh! ‘Di ba, kita niyo na?! Hanggang ngayon talaga’y hindi pa rin nalalaos ang kasabihang the more hate, the more you love. Pasabi-sabi pang hindi type si Carol, e halos gabi-gabi ngang nakaabang si Rynmar sa may labasan para lang masigurong ligtas na umuuwi si Carol sa kanila,” wika ni Nancy ang numero unong chismosa sa barangay nila.

Advertisement

“Tama ka d’yan Nancy, sabi ko na nga ‘di ba na kunyari lang si Rynmar, pero ang totoo mahal niya talaga iyan si Carol. Inaasar lang niya si Carol para mapansin siya nito,” segunda naman ni Salve.

Tama ba ang narinig niya sa bibig ng mga chismosa niyang kapitbahay? Inaabangan siya ni Rynmar para hindi na maulit ang nangyari noong nakaraan. Wala sa loob na napangiti si Carol sa nalaman.

Kinagabihan ay muling naglakad si Carol sa daan papunta sa bahay nila. Malikot ang kaniyang mga mata, may hinahanap at nagbabakasakaling mahuli niya mismo si Rynmar. Maya-maya pa ay nakita niya ang anino nitong nakakubli sa may malaking poste ng ilaw.

Tama nga ang mga chismosa niyang kapitbahay. Inaabangan nga siya ni Rynmar ng palihim, masyado nga lang siguro siyang maraming iniisip kaya hindi niya napapansin ang lalaki.

“Lumabas ka na d’yan,” wika ni Carol ng matapat siya sa may poste. Nang lumabas si Rynmar ay agad niya itong tinanong. “Anong ginagawa mo d’yan?”

“Ako? Malamang nagpapahangin,” agad namang sagot ni Rynmar.

“Sa ganitong dis-oras ng gabi?” takang wika ni Carol.

“Bakit ba? Kaniya-kaniyang trip lang ‘yan,” palusot pa nito.

Advertisement

“Siguro may gusto ka talaga sa’kin kaya dinadaan mo ako sa pang-aasar,” nakangiting wika ni Carol.

“Ano? Ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo Carol. Hindi ba pwedeng na tyempuhan mo lang akong nakatayo rito ngayon,” palag ni Rynmar.

“Sus! Umamin ka na Rynmar, na huli na kita. Paganyan-ganyan ka pa. Type mo lang talaga ako,” natatawang wika ni Carol, dahilan upang matawa na rin si Rynmar.

“H-hindi kita type, Carol. Ayoko sa mga babaeng kagaya mo, pero hindi ko alam bakit ikaw ang laman at gusto ng puso ko,” seryosong pag-amin ni Rynmar. “Gustong-gusto kong asarin ka kasi napapansin mo lang ako kapag naiinis kita. Masaya akobg nakikita ka lagi, pero hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi mo ako nasisigawan, kaya pinipili ko na lang na insultuhin ka palagi,” dugtong pa ni Rynmar.

“Sira*lo ka talaga ‘no,” natatawa na lamang wika ni Carol. “Gusto din kita naiinis lang ako sa’yo kasi lagi mo akong inaasar at ini-insulto,” deretsong pag-amin ni Carol.

“Talaga ba? Sana sinabi mo sa’kin agad Carol, e ‘di sana noon pa man niligawan na kita,” masayang wika ni Rynmar.

“Hindi pa naman huli ang lahat ‘di ba?” nakangiting wika ni Carol.

Sa sobrang saya ni Rynmar ay niyakap siya nito ng mahigpit na agad naman niyang sinuway.

Advertisement

“Ayy… sorry,” natatawang wika ni Rynmar.

Labis ang saya ng mga ka-barangay nila ng malamang mag-nobyo na si Carol at Rynmar. Magka-edad man ang panahon. Mananatili pa rin ang matandang kasabihan na “The More You Hate, The More You Love” at isa sa patunay niyan sina Carol at Rynmar.