Inday TrendingInday Trending
Ampon ni Mommy, Anak ni Yaya

Ampon ni Mommy, Anak ni Yaya

Makikita sa malayo ang mag-asawang Sheryl at Marco na nakahawak lamang sa kanilang mga ulo habang nakatingin sa kawalan. Nakaupo sila sa gilid ng ospital kung saan muling sinugod ang kanilang nag-iisang anak na si Danica. Kailangang-kailangan na kasi nitong masalinan ng bone marrow dahil sa sakit nitong leukemia o sakit sa dugo.

“Paano na ang gagawin natin?” wika ni Sheryl sa asawa.

“Hindi ko alam. Kumalma ka lang muna, nag-iisip pa ako,” tugon naman nito.

“Paanong nag-iisip, Marco? Yung anak natin nasa loob nag-aagaw buhay na naman! Tapos sasabihin mo kumalma ako?! Hindi ko kayang kumalma, Marco! Hindi ko kaya!” muli itong napaluha dahil sa sakit na nararamdaman bilang ina ni Danica.

Napatahimik ang lalaki at patuloy lang na pinapakalma ang asawa.

“Wala na tayong magagawa, Sheryl. Kailangan na nating ipatawag si Elaine dahil sigurado akong magma-match sila ni Danica,” biglang wika ni Marco.

“Anong Elaine? Hindi pwede, Marco. Hindi pwedeng malaman ni Danica na ampon siya!” muling tugon ni Sheryl.

“Ano pala? Hintayin na lang natin kung kailan siya mawawala?! Ganoon ba ang gusto mo?!” Sagot ni Marco.

Napatahimik dito si Sheryl at muling nag-isip ng ibang solusyon. Sa huli ay wala na silang nagawa kundi humingi ng tulong sa tunay na ina ni Danica. Ang katulong nila noon na nagpa-ampon kay dito. Ngunit mahigpit na lihim iyon sa bente anyos na dalaga at wala rin silang balak na ipaalam pa iyon dito. Subalit dahil parehas na silang desperado upang mailigtas ang buhay ni Danica, kailangan na nilang tumaya.

“Isang beses lamang. Hindi naman malalaman iyon ni Danica,” wika ni Sheryl sa sarili.

Maya-maya’y sinundo ni Marco si Elaine. Nagkasundo silang babayaran si Elaine ng mag-asawa kapalit ay ang kaniyang katahimikan sa katotohanan, kaniyang bone marrow at ang hindi nito pagpapakita pang muli sa kanilang lahat. Nagkataong baon din sa utang si Elaine kaya naman hindi na iyon nagpatumpik-tumpik pa at pumayag na. Sinimulan na ang mga test sa laboratoryo upang masimulan na kaagad ang operasyo habang si Danica ay nananatili pa rin sa loob ng ospital.

Dumaan pa ang ilang mga araw at hindi naman nabigo ang mag-asawa. Match ang lahat pati na bone marrow nila Elaine at Danica. Paulit-ulit siyang binabalaan ni Sheryl sa kanilang kasunduan. Sa buong proseso ng kailangang operasyon ni Danica, halatang halata ang pagka-aligaga ni Sheryl dahil ayaw niyang lumabas ang totoo.

Isang hapon, binisita ni Sheryl si Danica upang mangamusta. Kahit na nga ito’y bawal ngunit dahil sa pangungulit niya ay pinagbigyan pa rin sila ng mga ngunit saglit lamang.

Pagpasok sa silid ay mahigpit na akap kaagad ang natanggap ni Danica mula sa kaniyang mommy. Mangilid-ngilid ang luha ng ina dahil sa awa sa kaniyang anak sa sitwasyon nito. Ganoon din ay ang kaniyang pag-aalala na masiwalat ang katotohanan sa pagkatao nito.

“Anak, may good news ako sa’yo. Nakahanap na kami ni daddy mo ng donor,” masayang balita ni Sheryl sa dalaga.

“Talaga po, mommy? Thank you so much, mom! Napakasaya ko po dahil kayo po ang mga magulang ko,” tugon naman ni Danica sa ina na nakangiti sa kaniya.

“Uhm. Sino po pala mommy yung donor? Gusto ko po sana siyang makita at magpasalamat ng personal,” sambit muli ni Danica.

Hindi alam ni Sheryl ang ipapaliwanag. Nag-isip na lamang siya ng maaaring ipalusot upang matigil na ang pagtatanong ng anak. Ngunit sa loob niya ay alam niyang mali ito dahil malaking kasinungalingan iyon para kay Danica. Dahil sa takot at kaba, agad siyang lumabas ng silid upang kalmahin ang sarili. Ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita sa di kalayuan si Elaine. Mabilis siyang tumungo sa kinatatayuan ng babae at agad itong hinila at dinala papalayo sa silid kung nasaan ang anak.

“Ano’ng ginagawa mo dito?! Hindi ba’t nagkasundo na tayo?!” aniya kay Elaine.

“Huwag ka mag-alala, gusto ko lang naman makita kung anong itsura ng anak ko eh. Hindi ko naman aagawin sa’yo!” pagsusungit nito kay Sheryl at saka biglang kumawala sa pagkakahawak ng babae sa kaniya.

Bigla naman siya muling hinawakan ni Sheryl, “Tandaan mo, Elaine! Binenta mo na sa amin ang anak mo kaya wala kang karapatan na makita o tawagin man lang siyang anak!” maluha-luhang sambit nito sa babae.

Humalakhak si Elaine nang marinig iyon mula kay Sheryl.

“Nababaliw ka na atang babae ka eh. ‘Di ba sabi ko sisilipin ko lang? Bitawan mo ako!” nagkagulo ang dalawang ina sa may gilid kung saan sila nag-uusap. Ngunit napatigil na lamang sila nang biglang mapansin ang dalagang maluha-luhang nakatayo malapit sa pinto.

Habang nagtatalo ang dalawa, ikinagulat nila ang presensiya ng isang dalaga na nakatayo at lumuluha sa di kalayuan kung nasaan sila.

“Anak…” parehong sambit ng dalawa.

“Tara na. Bakit ka nandito? Doon na tayo sa loob bakit ka ba lumabas?” tarantang sabi ni Sheryl at saka dahan-dahang inalalayan si Danica pabalik sa silid nito. Habang si Elaine ay naiwan na nakatulala nang makita ang kaniyang anak na binenta.

Pilit na ibinabaling ni Sheryl ang atensyon ni Danica sa mga ibang bagay. Nang biglang hawakan nito ang kaniyang mukha.

“Narinig ko po kayo, mommy,” sambit ni Danica nang marahan.

“H-ha? Wala iyon, hindi ko kilala ‘yon. Nagkamali lang ata ng nilapitang tao,” pagmamadali niyang sagot sa anak.

“Mommy, okay lang po. Maiintindihan ko po. Please, sabihin niyo pang po yung totoo, mommy… Please,” lumuluhang wika ni Danica.

Wala ng magawa si Sheryl ng mga oras na iyon. Ilang segundo rin siyang natulala dahil sa pangyayari. Ang iniingatan niyang katotohanan ay nasiwalat na at sa mismong anak pa niya. Mabilis na tinawagan ni Sheryl ang kaniyang asawa at sabay silang nagpaliwanag sa anak matapos nila itong akayin pabalik sa kaniyang silid. Parehong aligaga ang mag-asawa sa paghingi ng tawad sa anak na lumuluha.

“Alam kong magaga..” sambit sana ni Marco nang hawakan ni Danica ang kaniyang kamay.

“Dad, okay lang po. Wala pong nagbago sa pagtingin ko sa inyo ni mommy. Hindi po ako magagalit. Kung hindi nagpapasalamat po ako sa inyo dahil hindi kayo nagkulang sa akin. Maraming salamat po, mom, dad. I love you po…” muling tugon ni Danica.

Nagyakapan ang pamilya sa loob ng silid na pare-parehong lumuluha. Napagtanto ng mag-asawa na dapat pala ay hindi na nila iyon nilihim pa sa anak na sobrang maunawain. Maya-maya pa ay pumasok sa loob ng silid si Elaine na puno ng luha sa kaniyang mga mata. Lumuhod ito sa harapan ng tatlo at patuloy sa paghingi ng tawad. Pinatawad naman siya unang-una ni Danica dahil pinaliwanag niya ang sitwasyon na walang-wala siyang pera at hindi siya kayang buhayin at ipagamot kung kaya napilitan siyang ibenta ito.

Matapos ang ilang araw, matagumpay ang operasyon ni Danica nang sumailalim siya sa bone marrow transplant mula sa kaniyang tunay na ina. Simula nang pangyayaring iyon, mas nagkaroon ng masaya at masiglang pamilya ang dalaga dahil wala ng itinatagong lihim sa kaniya ang kaniyang mommy at daddy.

Samantala si Elaine naman ay namuhay sa pagsisisi sa ginawa niyang pagbebenta kay Danica ngunit nangako siyang babawi sa dalaga sa pagdalaw niya rito araw-araw. Pare-pareho silang natuto na sa pamilya, hindi mahalaga kung kayo ay iisa ang dugo, ang mahalaga ay kung paano niyo isinasabuhay ang pagiging isang tunay na pamilya.

Advertisement