
Krisis sa Pamumuno ni Chris
“We got it! Yes, we got it!”
Napalingon si Chris sa kaniyang campaign manager na nagtatatakbong palapit sa kanilang kinaroroonan. Hindi na nakahuma si Chris. Nagpalakpakan na ang kanilang mga tauhan, lalo na ang kaniyang amang si Don Emilio at ang inang si Donya Anastacia. Agad na tumayo ang kaniyang mga magulang at niyakap nang mahigpit ang anak, na ngayon ay bagong “ama” ng bayan ng Santa Catalina.
“You made it son! I’m so proud of you! Manang-mana ka talaga sa akin!” tuwang-tuwa si Don Emilio, ang dating mayor ng Santa Catalina. Sumilay ang tipid at napipilitang ngiti sa mukha ni Chris.
“We will celebrate! Let’s invite our kapartidos. Nasa atin pa rin ang kapangyarihan!” bulalas naman ni Donya Anastacia.
Agad na pinahanda ng kaniyang mama at papa ang lahat ng mga kailangan para sa kanilang victory party. Marami naman sa mga kaibigan ng kanilang pamilya ang agad na nagpaunlak sa paanyaya ng kaniyang mga magulang. Maluwag ang kanilang bakuran kaya doon idaraos ang piging sa pagkakapanalo ni Chris bilang mayor ng kanilang bayan.
Masaya ang lahat subalit hindi ang mismong nanalo na si Chris. Umakyat siya sa kaniyang kuwarto. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya. Tila may paruparong lumilipad-lipad sa kaniyang sikmura.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinawagan ang kaniyang kasintahang si Cassie.
“Babe, congratulations!” masayang pagbati ni Cassie kay Chris.
“Salamat babe. Salamat…” matabang na tugon ni Chris. Nahalata ito ni Cassie.
“May problema ba, babe? Hindi ka ba masaya na ikaw ang nanalo sa halalan? Maipagpapatuloy mo na ang nasimula ng Papa mo.”
“Alam mo naman na hindi ko talaga gusto ito, hindi ba? Hindi ko talaga gustong maging mayor ng bayang ito. Kung hindi lang dahil kay Papa at Mama, hindi ko gagawin ang bagay na ito. Natatakot ako babe. Hindi ko alam kung paano magsisimula. Ayoko nang mapasailalim sa anino ni Papa,” naiiyak na pagtatapat ni Chris sa kasintahan.
“Nariyan na iyan babe. Panindigan mo na lang. Narito kami sa likod mo para suportahan ka. Narito kaming mga nagmamahal sa iyo. Kayang-kaya mo iyan!” pagpapalakas ng loob ni Cassie kay Chris.
Matapos ang kaniyang oath-taking, kahit labag man sa kaniyang kalooban ang pinasok niyang serbisyo publiko, ginawa pa rin ni Mayor Chris ang kaniyang trabaho bilang mayor. Sa unang tatlong buwan ay naging maganda naman ang feedback sa kaniya ng mga nasasakupan. Naging laman siya ng mga social media dahil sa mahusay niyang pamumuno, bagama’t may mga kritiko pa rin.
Subalit isang krisis ang biglang dumating Pilipinas. Isang mapaminsalang virus ang naging banta sa kalusugan ng lahat. Ipinag-utos ng Pangulo ang total lockdown sa bawat bayan upang mapigilan ang pagkalat nito. Walang nagawa si Mayor Chris kundi sumunod dito. Subalit umusbong ang samu’t saring problema. Dahil sa direktibang ito, marami sa mga manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa “no work, no pay”. Marami sa mga taga Santa Catalina ang nanawagan kay Mayor Chris para sa mga ayuda at mga balak niya sa bayan.
“Anak, marami ang naghihintay sa desisyon mo… anong balak mo?” tanong ng kaniyang papa. Walang maisagot si Mayor Chris. Hindi niya alam ang gagawin. Natatakot siya. Hindi niya alam kung paano niya sosolusyunan ang problema.
“Hindi ko po alam ang gagawin ko, Pa…” nakatungong tugon ni Chris sa kaniyang ama. Nagtiim ang mga bagang ni Don Emilio.
“Anong hindi mo alam? Ikaw ang ama ng bayang ito. Dapat umisip ka ng paraan para sa mga kababayan nating umaasa sa iyo! Hindi puwedeng hindi mo alam ang gagawin mo. Nakakahiya ka! Ano na lamang ang sasabihin ng mga kaibigan natin sa pulitika?” galit na sumbat ni Don Emilio sa anak.
“Hindi ko po ginusto ang maging mayor ng bayang ito, Papa! Tutal kayo po ang pumilit sa aking tumakbo, bakit hindi po kayo ang umisip ng solusyon?” sagot ni Chris sa kaniyang ama. Nagpanting ang tenga ni Don Emilio. Umigkas ang kanang kamay nito sa pisngi ng anak. Agad na inawat ito ni Donya Anastacia.
“Wala kang kuwentang mayor! Huwag mo akong ipahiya. Umisip ka ng solusyon sa problema ng bayan. Nasa iyo na ang katungkulan!” galit na sabi ni Don Emilio.
Hindi maintindihan ni Chris ang kaniyang nararamdaman. Ayaw niyang magdesisyon. Natatakot siyang magkamali. Tatlong araw siyang nagmukmok sa bahay. Hinahanap na siya ng lahat. Kaliwa’t kanang batikos ang natatanggap niya. Wala raw siyang silbing mayor. Ningas-kugon. Walang kuwenta.
Nilapitan na siya ni Donya Anastacia sa ikaapat na araw na hindi niya pagpasok sa opisina.
“Anak… galit na ang taumbayan sa iyo. Kumilos ka na. Hindi mo maaaring iwanan ang ating mga kababayan. Ginusto mo man o hindi ang posisyon mo ngayon, nangako ka sa kanila. Kailangan mo itong tuparin. Get up, anak.”
Nakita ni Mayor Chris ang pakiusap ng kaniyang ina sa mga mata nito. Minabuti niyang lumabas ng bahay at magtungo sa munisipyo. Hindi niya inintindi ang patutsada at nanlilibak na mga mata ng mga tao. Nag-aalinlangan man siya sa kaniyang sarili, ginawa niya ang kaniyang makakaya upang matulungan ang kaniyang mga nasasakupan, sa tulong na rin ng kaniyang team.
Makalipas ang tatlong buwan, nawala na rin ang kinatakutang virus. Bumalik ang tiwala ng taumbayan kay Chris. Naibalik din niya ang kaniyang tiwala sa sarili. Napagtanto niya na may responsibilidad siya sa kaniyang mga nasasakupan na binoto at naniwala sa kaniya, kaya’t hindi niya dapat talikuran.