“Hanep, mars! Tingnan mo itong binili kong ulam kay Neldy, singkwenta pesos lang ang dami na!” balita ni Mikay sa kaniyang kumare. Talagang pinuntahan niya pa ito sa bahay para lamang maibalita ang kaniyang nabiling ulam.
“Masarap naman ba?” ‘ika ni Mayeth habang abala sa pagluluto ng tuyo’t itlog.
“Aba, oo naman! D’yan kaya ako nabili araw-araw! Gustong-gusto nga ng mga anak ko, eh,” ika pa ng kaniyang kumare upang ganoon na siya makaramdam ng kaunting paghihinala.
“Naku, mag-ingat ka, mars. Baka botcha ‘yang mga binibili niyang baboy at manok, mailagay mo pa sa peligro ang buhay ng anak mo,” babala niya dito.
“Hindi naman siguro! Ano ka ba, hindi sisikat ang karinderya niya kung botcha ang mga sahog niya sa ulam!” depensa pa nito na nakapagpainit na ng kaniyang ulo at ganoon niya naisuwalat ang nakita niyang pangyayari. Bahagya na rin kasi siyang nakaramdam ng inggit dahilan upang makapagbitaw siya ng mapanirang mga salita.
“Alam ko pinagbibilihan niyang babaeng ‘yan! Doon sa likod ng palengke, kitang-kita ko kung paano sila nag-abutan ng pera! Sumama ka sa’kin bukas ng umaga! Sigurado, botcha ang transaksyon nila doon!” yaya niya sa kumare, agad naman itong pumayag.
Tila kasalukuyang bumubulusok pataas ang negosyo ngayon ng isang ginang na noo’y kaibigan ng dalawang magkumare. Sa katunayan, magkababata talaga ang tatlo nalamatan lamang ang kanilang pagkakaibigan nang magkagusto ang pinapantasyang lalaki ni Mayeth sa kaibigan niyang si Neldy.
Dito na siya nagtanim ng sama ng loob. ‘Ika niya dito noon, “Alam mo namang gusto ko yung tao, eh, tapos umamin lang na may gusto sa’yo, pinatos mo na agad!” na naging bunga ng walang tigil nilang sagutan at mapahanggang sa ngayon, labis niyang ikinakainis kahit pa pareho na silang pamilyado.
Kinabukasan, maaga niyang kinatok ang kumare upang ipakita ang eksenang madalas niyang masaksihan sa likod ng palengke. Mag-aalas kwatro ng umalis sila sa kanilang bahay at saktong pagdating nila sa palengke, kitang-kita nilang bumaba sa pedicab ang kanilang dating kaibigan saka dumaretso sa isang eskinita sa likod ng palengke.
Agad nila itong sinundan. Pangisi-ngisi si Mayeth, ika niya, “Mahuhuli ka na namin, Neldy, lasapin mo na ang masasaya mong mga sandali!”
Pumasok ito sa isang barung-barong, hinintay nila itong makalabas at labis silang nasorpresa nang makitang may bitbit na itong mga plastic na may mga baboy. Bahagya itong nagulat nang makita sila.
“Sabi na nga ba, botcha ang mga itinitinda mo!” sigaw niya dito.
“Neldy, pinagkatiwalaan ko ang mga luto mo tapos botcha pala ang mga binebenta mo? Wala kang puso! Baka magkasakit ang anak ko!” bulyaw pa ng kaniyang kumare.
“Sandali! Ano bang mga sinasabi niyo? Hindi botcha ‘to! Ito o, amuyin at tignan niyo!” ika ni Neldy saka iniabot sa kanila ang isang plastic ng hiwa-hiwang baboy, “Natatandaan niyo pa ba si Mamang Lusing? Yung ginang na laging nagpapakain sa atin ng libre noong nasa hayskul tayo? D’yan siya nakatira ngayon at sa kaniya ako kumukuha ng mga baboy. Dahil nga matanda na siya, hindi na siya makagala upang mag-alok ng baboy, kaya para matulungan ko siya, sinasadya ko dito para kahit papaano may benta siya,” sambit nito na labis na ikinagulat ng dalawa, “Baka gusto niyo ring bumili sa kaniya, marami pa siyang tinda, eh,” dagdag pa nito dahilan upang tila maglakad ng kusa ang mga paa ng magkumare papunta sa loob ng naturang barung-barong.
Bumungad sa kanila ang isang matandang tila hirap na gumalaw.
“Aba, kumpleto ang tres marias ko! Hala, sige, bumili na kayo, oh! Alam kong may pera na kayo ngayon kaya wala ng libre libre, ha?” biro nito, agad namang yumakap ang dalawa sa matanda habang maluha-luha ang mga mata at doon na sila nagkakwentuhan.
Iyon na rin ang naging daan upang mabuo muli ang nalamatang samahan ng tatlong magkakaibigan. Sa harap ng matanda, ipinangako nilang muling ipagpapatuloy ang mga masasayang alalang nabuo nila noon pa man.
Napagdesisyunan din nilang tulungan ang matandang naging sandigan nila noon. Kumukuha sila ng mga baboy dito at sila ang nagbebenta sa mga tao. Bukod sa may kita na sila, natutulungan pa nila ang matandang sila na lamang ang tanging pag-asa.
Minsan dahil sa mga maliliit na bagay nalalamatan ang mga samahan, nawa’y maging mas maging maintindihin tayo dahil hindi na tayo mga bata upang magkasakitan.