Mahina Raw ang Kukote Niya Kaya Hindi Siya Paborito ng Kanilang Ina; Mabago pa Kaya ang Pagtingin Nito sa Kaniya?
Kagaya ng dati ay maagang gumising at bumangon sa kaniyang kinahihigaang papag si Marissa habang tulog na tulog namang kagaya ng mantika ang kapatid na si Maricar.
Kinuha niya ang rice cooker, nilinasan ito, at kapagkuwan ay nagsaing. Habang hinihintay na maluto ang sinaing ay nagpakulo naman siya ng tubig na ilalagay sa termos. Kinuha naman niya ang kawali upang magluto ng ulam pang-agahan.
Ganito ang araw-araw niyang gawain, kabaligtaran ng kaniyang kapatid na si Maricar. Lumaki ito sa layaw ng kanilang ina at lumalaking tamad at walang alam sa mga gawaing-bahay. Pati ang mga kumot, kobrekama, at mga unan nitong nagulo dahil sa pagtulog, siya pa ang nagliligpit. Wala itong gagawin kundi bumangon, maligo, kumain, at pumasok sa paaralan. Pakiramdam nga niya, hindi kapatid ang turing nito sa kaniya kundi kasambahay.
Si Marissa rin ang naghahanda sa mga gamit ng kapatid, batay na rin sa utos ng kanilang ina.
Maituturing na mala-prinsesa ang pamumuhay at asta ni Maricar sa kanilang bahay.
Hindi makalilimutan ni Marissa ang laging paghahambing sa kanilang dalawa ni Maricar, na mula mismo sa kanilang ina.
“Mas maganda, matalino at sopistikada talaga itong si Maricar ko. Iyang isa ko, naku… hindi na nga kagandahan, may pagkatanga-tanga pa. Mahina ang kukote. Hindi ko nga alam kung saan ko ba pinaglihi ‘yan eh,” laging sinasabi ng kanilang ina kapag may panauhin sila.
Hindi rin maintindihan ni Marissa kung bakit mainit ang dugo sa kaniya ng sariling ina. Kitang-kita ang malaking pabor nito kay Maricar. Ito lagi ang binibilhan ng mga damit at sapatos. Saka lamang siya nagkakaroon ng bago kapag ayaw na ito ni Maricar. Lahat ng mga pinaglumaan ni Maricar ay napupunta sa kaniya.
Hindi na nagtaka si Marissa nang hindi na siya papag-aralin pa sa kolehiyo samantalang si Maricar, na nagtapos na valedictorian, ay pinag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad.
“Huwag ka na mag-aral. Mapurol ang ulo mo. Sayang lang. Dito ka na lang sa bahay para hindi na ako kumuha ng kasambahay. Malaki ang natitipid ko,” malamig na paliwanag ng ina.
“P-Pero Ma…”
“Anong pero-pero? Iyan na ang desisyon ko. Huwag ka na mag-aral dahil magsasayang lang tayo ng pera para sa matrikula at baon mo. Yung perang gagamitin natin sa iyo, ibigay na lang natin kay Maricar. Siya ang matalino at tiyak na makakahanap ng trabaho at mag-aakyat ng pera sa atin kapag nagkatrabaho na. Ikaw, dahil sa kabobohan mo, dito ka lang sa bahay.”
Masakit man ang mga sinabing salita sa kaniya ng mismong ina, tinanggap na lamang niya ito. Mas lalo niyang sinipagan at ginalingan sa mga gawaing-bahay upang kahit paano ay makabawi-bawi naman sa katalinuhan na hindi naipagkaloob sa kaniya.
Kapag libre ang oras niya, nag-eeksperimento siya ng iba’t ibang putahe upang may mailuto namang siyang bago para sa kaniyang pamilya.
Minsan, sa kauna-unahang pagkatataon ay nakatanggap siya ng papuri mula sa ina, nang matikman nito ang niluto niyang ulam mula sa iba’t ibang uri ng gulay.
“Aba… sarap mo na magluto ah,” papuri ng kanilang ina.
Tila musika sa kaniyang pandinig ang unang beses na pagpuri sa kaniya ng ina, hindi man sa katalinuhan o kagandahan, kundi sa talento sa pagluluto. Napansin na rin nito ang pagpupursigi niya upang mapahalagahan nito.
Ngunit nawala ang kaniyang mga ngiti sa labi sa sumunod na mga sinabi nito.
“Bagay na bagay ka talaga na dito lang sa bahay kasi iyan lang ang kaya mong gawin. Tingnan mo si Maricar…”
At nagtuloy-tuloy na naman ang pagpuri nito sa kapatid.
Okay lang, wala namang problema sa kaniya. Sanay na siya. Tanggap na niyang makiling at mas paborable ang ina sa kaniyang kapatid at natitiyak niyang hindi na mababago iyon.
Ngunit ang simpleng pagpuri sa kaniya ng ina sa lasa ng niluto niya ay malaking bagay na para sa kaniya.
Mas lalong nagmalaki ang kaniyang ina nang makalipas ang apat na taon, nakapagtapos ng Cum Laude ang anak na si Maricar.
Nang magdaos ng salusalo sa kanilang bahay, bagama’t sanay na si Marissa, ni hindi man lamang siyang ipinakilala bilang anak. Inakala talaga ng mga panauhin na kasambahay siya. Kapag tinatanong ng mga panauhin kung nasaan ang isa nitong anak, hindi na lamang ito kumikibo at iniiba ang usapan.
Sa puntong iyon ay labis na nasaktan si Marissa. Kahit pagod na pagod na siya mula sa pagluluto, paghahanda, pagsisilbi, at pagliligpit matapos ang pagtitipon, hindi siya dinalaw ng antok. Iniisip niya ang kaniyang kapalaran. Iniisip niya ang kaniyang kalagayan. Mismong magulang pa niya ang hindi naniniwala sa kaniya.
Tuluyan nang nawala ang natitirang tiwala niya sa kaniyang sarili. Naniwala siyang hanggang doon na lamang siya at hindi na maaaring mangarap.
Makalipas ang ilang buwan, natanggap na si Maricar sa kaniyang trabaho subalit kapansin-pansin na tila hindi na ito halos umuwi sa kanilang bahay. Napag-alaman din niyang hindi ito nagbibigay ng pera sa kanilang bahay at may kasintahan na raw na malapit na siyang pakasalan.
Minsan, narinig niya ang sinabi nito sa kanilang ina.
“Ma, hindi responsibilidad ng isang anak ang mga magulang. Oo, ang mga magulang ang magpapaaral sa mga anak pero karapatan iyon ng mga anak. Nasa batas iyan. So, don’t expect me to return the favor at gawin akong palabigasan dito dahil may sarili akong buhay. Hindi ka naman nagkaroon ng anak na kasingtalino ko para perahan lang,” mariin nitong sabi.
Gusto sana niyang tutulan ang mga sinabi ng kapatid laban sa kanilang ina pero naumid siya. Wala siyang laban sa debate sa kapatid niyang matalino at Cum Laude. Malay ba niya sa mga batas-batas na ‘yan.
Pero kahit hindi siya kasingtalino ni Maricar, alam niya sa puso niya na kahit hindi maganda ang trato sa kaniya ng ina, ito pa rin ang kanilang magulang. Ito pa rin ang nagluwal sa kanila. Sapat na dahilan na iyon upang hindi pagsalitaan nang masama ang inang nagdala sa kanila ng siyam na buwan at nagpalaki sa kanila.
Napansin ni Marissa na sumama ang loob ng kanilang ina kay Maricar. Dinamdam nito nang labis ang mga masasakit na salita sa kaniya ng paboritong anak. Naging dahilan ito upang magkasakit ito at maospital pa.
Hindi ito alam ni Maricar na nakabakasyon sa ibang bansa kasama ang kasintahan.
Halos hindi na natutulog si Marissa sa pag-aalala at pag-aalaga sa kanilang ina, hanggang sa tuluyan na itong gumaling. Saka lamang nalaman ni Maricar na nagkasakit pala ang ina. Sa halip na dalawin ito, nagpadala na lamang ito ng chat.
“Okay na pala kayo Ma so hindi ko na kayo dadalawin. May business trip ako sa Thailand. Didiretso na ako doon pagkatapos naming mamasyal ni Robi dito sa Cambodia.”
Dito na tuluyang naging emosyunal ang ina.
“Ma… huwag na po kayong umiyak. Baka mabinat po kayo,” naiiyak na sabi ni Marissa.
Emosyunal na tinitigan ng ina si Marissa. Kinuha ang mga kamay nito.
“M-Marissa… anak… ang laki-laki ng pagkukulang ko sa iyo. Hindi ko ipinaramdam sa iyo ang pagmamahal at pag-aaruga ko dahil mas naging paborito ko ang kapatid mo. Akala ko, pagkatapos ng lahat ng pabor ko sa kaniya, matututo siyang tumanaw ng utang na loob. Ngunit masyadong naging matalino at ambisyosa si Maricar. Lahat na lang obhektibo ang pananaw niya sa buhay. Nakalimutan niyang may emosyon din ako bilang isang ina,” umiiyak na sabi ng ina.
“Huwag na po kayong mag-isip nang ganyan, Ma.”
“Pero ikaw… ikaw na hindi ko binigyan ng atensyon, ikaw ang nasa tabi ko. Maraming-maraming salamat, anak. Hindi ka man napagkalooban ng nag-uumapaw na katalinuhan, napakabuti naman ng puso mo. Mahal na mahal kita, anak.”
Hindi na rin napigilan ni Marissa ang pagbuhos ng emosyon. Sa wakas, narinig na rin niya ang mga pahayag na kailanman ay hindi niya narinig mula sa ina.
Na anak pala ang turing nito sa kaniya.
At mahal na mahal pala siya nito.
Simula noon ay mas tumibay na ang samahan nina Marissa at kaniyang ina. Wala man si Maricar na abala sa kaniyang sariling karera at buhay, napunuan naman ito ng pagmamahal ni Marissa—hindi man matalino, pero nag-aangkin ng malaking puso.