Inakala ng Dalaga na may Karelasyong Matandang Lalaki na may Pusong Babae ang Nobyo Niya; May Itinatago Palang Lihim ang Binata
“Ang hot niya talaga!” nakabungisngis na sabi ni Alexa na namumula pa ang pisngi habang pinagmamasdan ang mga litrato ng manliligaw niyang si Nicolo.
Palihim niya itong ini-stalk sa instagram, kinikilig siya kapag nakikita ang mga litrato nitong walang pang-itaas na damit. Maganda kasi ang katawan ng binata, makinis at may abs. Pang modelo at artistahin talaga kaya nga kapag dumalaw ito sa bahay nila ay sasagutin na niya ito.
Gusto niya rin naman si Nicolo, matagal na. Bukod sa guwapo’t macho ay matalino, mabait, responsable at magalang din ito. Nasa edad na naman siya para pumasok sa pakikipagrelasyon. Payag na din ang mama niya na makipag-boyfriend na siya kaya nga inimbitahan niya ang manliligaw sa bahay nila at doon na niya rito ibibigay ang matamis niyang oo.
Nang sumapit ang araw ng Sabado ay agad siyang nagbihis para sa pagdating ng kaniyang prince charming. Mayamaya ay nakarinig na nga ng katok sa pinto si Alexa. Sinipat niya pa ang sarili sa salamin upang masiguro na maganda siya bago nagtungo at binuksan iyon.
“Hello,” mahinang sabi niya.
Ang lakas talaga ang dating ng binata, bagay na bagay ang suot nitong hapit na t-shirt na mas lalong nagpalabas sa magandang hubog ng katawan nito. May dala itong pumpon ng mga rosas at tsokolate na mga paborito niya.
“Wow, napakaganda mo, Alexa.” nakangiting sabi ng binata, halos lumuwa ang mga mata nito nang makita siya. Namula naman ang pisngi niya nang purihin siya nito.
“Bolero! Halika na pasok ka na. Kanina ka pa hinihintay ni mama,” aniya saka iginiya ito sa loob.
Magalang nitong binati ang kaniyang ina. Magiliw naman itong inestima ng mama niya. Tuwang-tuwa nga ang ginang sa manliligaw niya at halos hindi na nila namalayan na gabi na pala dahil abala ang mama niya sa pakikipagkwentuhan sa binata.
“Maraming salamat, Alexa. Ang saya kausap ng mama mo,” sabi ni Nicolo bago ito umalis.
“Gustung-gusto ka nga ni mama, eh, at maganda iyon dahil parte ka na rin naman ng aming pamilya,” sagot niya. Kinikilig pa siya habang nagsasalita.
“A-Anong ibig mong sabihin?” natulalang wika ng binata.
“Guwapo ka nga pero ang hina mo namang maka-gets! Ang ibig kong sabihin ay sinasagot na kita, oo na ang sagot ko sa iyo,” sambit niya.
Nanlaki ang mga mata ni Nicolo sa tinuran niya.
“Ibig bang sabihin ay…”
“Oo, Nicolo Jose Saavedra. Mahal din kita kaya sinasagot na kita,” aniya.
Nagtatalon sa tuwa ang binata at niyakap nang mahigpit ang dalaga. “O, Alexa you just made me the happiest guy on earth!”
“Shh, sige na umuwi ka na. Baka hinahanap ka na sa inyo. Bukas na lang uli tayo magkita, i love you,” pabulong na sabi ni Alexa bago sumakay sa motorsiklo si Nicolo.
“Bye, sweety! I love you too,” tugon ng binata.
Ang mga sumunod na araw ay naging masaya para sa kanilang dalawa, naging mabuting nobyo si Nicolo kay Alexa at ganoon din naman ang dalaga sa binata. Pero hindi inasahan ni Alexa na may darating na problema sa kanila. Napapansin niya na dumadalang na ang pagdalaw ng nobyo sa kaniya,bihira na rin itong tumawag, mag-text o magchat sa kaniya. Kaya gumawa siya ng paraan para magkita sila. Tinext niya ito, niyayaya niya ang boyfriend na mamasyal sila sa darating na Linggo.
Hindi niya inasahan na sasagutin nito ang mensahe niya. Kinagabihan ay tumawag ito.
“Sweety?” excited na sagot niya sa kabilang linya. Kahit naman nagtatampo siya, umaasa pa rin siyang babalik ito sa dati. Sobrang miss na miss na niya ang boyfrend niya.
“Hi Alex, I received your text na nagyayaya kang lumabas sa Linggo. Pasensya ka na ha? Tumawag ako para sabihin sa iyo na hindi ako pwede, eh. Sorry talaga sweety, may mga importante pa akong tatapusin sa opisina,” anito.
“P-Pero…” hindi niya na natapos ang sasabhin dahil ibinaba na nito ang tawag.
Laglag ang balikat niyang sumubsob na lang sa kama at umiyak nang umiyak.
Mayamaya ay muling tumunog ang selpon niya, umaasa siya kahit paano na si Nicolo iyon. Na magbabago ang isip nito at hihingi ng tawad sa kaniya pero hindi pala, ang bestfriend niyang si Jessica ang tumatawag.
“Alex? Pasensya ka na ha, best. Pero kailangan mong malaman ito, eh. Nakita ko si Nicolo dito sa mall. And guess what? May kasama siyang iba, best, at hindi babae ang kasama niya kundi matandang pusong babae ! Hindi ako against sa mga ganoon pero iba kasi eh…nakakapit sa braso niya ang matandang pusong babae at nagbubulungan sila tapos humahagikgik pa,” sabi nito.
“A-Ano?! Teka, hindi kita maintindihan, eh. Are you tryng to say na may kabit si Nicolo na isang matandang pusong babae? Ipinagpalit ako ng boyfriend ko sa pusong babae ?! gulat na sabi niya.
“Sorry, best, iyon eh, obserbasyon ko lang naman at hindi ko naman sinasabi na ganoon na nga pero kung gusto mo ng pruweba at malaman ang katotohanan narito sila ngayon sa mall, nasa food court sila. Malapit lang ang bahay niyo dito ‘di ba? Puntahan mo na!” suhestyon ni Jessica.
Nang matapos ang tawag ay walang ibang maramdaman si Alexa kundi ang pangininig ng buo niyang katawan. Hindi na siya nagbihis at dali-daling sumakay ng pedicab papunta sa mall.
Ang sakit-sakit ng puso niya, ipagpapalit lang siya ng nobyo sa matandang pusong babae pa? Buti sana kung sa kapwa niya babae eh. Wala naman siyang balak na mag-eskandalo, ang nais lang niya ay mapatunayan ang sinasabi ng kaibigan niya. Kakausapin lang niya nang maayos si Nicolo at sasabihin na tapusin na nila ang lahat dahil masyado na nitong kinakawawa ang puso niya. Biruin mo, pinagpalit siya sa pusong babae .
Nang magkita silang magkaibigan sa mall ay agad niya itong niyaya kung nasaan ang nobyong taksil.
“Nasaan sila?” tanong niya.
Habang humahakbang siya ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya. Ang ipinangako niya sa sariling hindi siya mag-eeskandalo ay hindi niya yata matutupad.
Ilang saglit lang ay nakita niya ang binata na nakaupo sa food court may kasama nga itong matandang lalaki at isang may edad na babae. Unti-unti siyang bumuwelo at sumigaw.
“Walanghiya ka, Nicolo!”
Napalingon sa kaniya ang lahat ng naroon. Napaupo rin siya sa sahig dahil sa sobrang pag-iyak.
“A-Alexa? Anak?”
Pero laking gulat niya nang marinig ang pamilyar na boses.
“M-Mama?”
Nakita niya ang mama niya na nakaupo kasama ni Nicolo at ang matandang lalaki na sinasabi ng kaibigan niyang si Jessica na pusong babae daw.
“Anong ibig sabihin nito?” naguguluhan niyang tanong.
“Anak, bakit ka ba umiiyak diyan? Nakakahiya sa papa ng boyfriend mo,” wika ng mama niya.
“What? P-Papa?”
At nagsalita na nga si Nicolo para sabihin sa kaniya ang katotohanan.
“Ito ang matagal ko nang gustong sabihin sa iyo, Alexa…matagal ko nang gustong ipakilala sa iyo ang tunay kong ama. Hindi totoong wala na ang papa ko dahil buhay na buhay pa siya. Nahihiya kasi siyang magpakilala sa iyo dahil baka hindi mo raw ako sagutin kapag nalaman mong pusong babae ang tatay ko, kaya inilihim muna namin sa iyo ang lahat. Narito kami para makipagkita sa mama mo, para ipaliwanag sa kaniya ang tungkol kay papa. Gusto ko sana na siya muna ang makaalam bago ikaw para mas madali mo nang maunawaan,” sagot ng nobyo.
“Oo nga anak. Siya ang Tito Dino mo. Siya ang papa ni Nicolo. Mag-isa niyang pinalaki at inaruga ang boyfriend mo dahil iniwan sila ng asawa niya noon dahil nalaman ang tungkol sa kaniyang kasarian. Alam mo napakabait pala nitong magiging balae ko eh,” natatawang sabi ng mama niya.
“Totoo iyon, hija. Ako ang papa nitong si Nicolo ko. Palagi kasing nababasted ito eh, kapag nalalaman nung nililigawan niya na pusong babae ang tatay niya kaya nagawa naming itago muna sa iyo ang totoo. Mahal na mahal ka nitong anak ko, hija, patawarin mo sana kami kung hindi namin nasabi agad sa iyo. At isa pa, hija hindi totoong umiiwas siya sa iyo nung mga nagdaang araw. Abala lang talaga siya dahil inaasikaso na niya ang pagpo-propose niya sa iyo ng kasal,” bunyag ng matanda.
“Tumpak, anak kaya nga ako narito para pag-usapan na namin ang tungkol doon,” humahagikgik na sabi ng mama niya.
Napalingon si Alexa sa kaniyang nobyo na nakangiting nakatitig sa kaniya. Walang salitang gustong lumabas sa kaniyang bibig sa sobrang gulat sa mga natuklasan niya. Inisip niyang manloloko ito, iyon pala ay tatay nito ang matanda at inaasikaso na ang kanilang kasal. Aba, kasal na agad?
Bukod doon ay nalaman din niya na kinuntsaba pa ng mga ito ang kaibigang si Jessica para gumawa ng kwento upang mapapunta lamang siya roon.
Wala siyang nagawa kundi yakapin nang ubod higpit si Nicolo.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin agad? Mauunawaan ko naman, eh! Hindi naman sa akin big deal ang tungkol sa papa mo dahil marami rin naman akong kaibigang pusong babae. Fo me, mas tunay pa nga silang lalaki kaysa sa totoong lalaki lalo pa’t mag-isa ka niyang binuhay. Nakaka-proud!” sabi niya.
“Nag-aalala lang kasi ako…” hindi na natapos ng binata ang sasabihin dahil…
“Sshh…huwag ka na magpaliwanag. Okey na ang lahat. Salamat, sweety akala ko nagbago ka na pero inaasikaso mo pala ang marriage proposal mo sa akin, kaya ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo, Yes na yes, i will marry you,” aniya.
“Talaga? Agad-agad?” natatawang sabi ni Nicolo sa kaniya.
“Siyempre, mahal na mahal kita, eh, kaya hindi na kita papakawalan pa,” sagot niya.
“O, Alex…mahal na mahal din kita,” sambit ng binata saka hinalikan siya sa noo.
Halos mawalan ng malay naman sa kilig ang mama niya, si Jessica at ang papa ni Nicolo sa kanilang dalawa.
Sa ngayon ay masayang namumuhay sina Alexa at Nicolo bilang mag-asawa kasama ang anak nilang babae na pinangalanan nilang Sophia.