Ipinagtataka ng Babae Kung Bakit Nauubos ang Ipon ng Mister sa Bangko; Napaluha Siya nang Malaman ang Dahilan
Dalawang taon nang kasal sina Samantha at John. Nasa kolehiyo pa lamang ay magkasintahan na sila at nagtagal ng walong taon ang kanilang pagiging magkarelasyon bago nila naisipang mag-isang dibdib.
Parehong propesyunal ang mag-asawa, si Samantha ay doktora sa isang pribadong ospital at ang mister naman ay abogado na may sariling law firm.
Mahilig mag-ipon ang dalawa na may kanya-kanyang bank account. Gusto nga naman nila ang seguridad sa mga pinaghirapan nila at para na rin sa pagbuo nila ng pamilya dahil plano na nilang mgkaroon ng anak.
Masaya ang kanilang pagsasama at maayos ang komunikasyon nila sa isa’t isa kaya bihira silang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan.
Ngunit makalipas ang ilang linggo ay may napapansing kakaiba si Samantha sa kanyang asawa.
“Bakit parang nababawasan ang ipon ng mister ko? Nung nakaraang buwan ay nasa tatlong milyon pa ang nasa bank book niya, pero ngayon ay halos nabawan ng malaking halaga. Saan kaya niya ginastos iyon?” nagtatatakang tanong niya sa isip nang makita ang bank book ni John.
Hindi naiwasan ni Samantha na magduda sa asawa. Naisip niya na baka may kinalolokohan itong ibang babae kaya nababawasan ang ipon nito sa bangko. Isa rin sa tinitingnan niyang dahilan ay ang hindi pa nila pagkakaroon ng anak. Mahirap kasi siyang magbuntis kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makabuo.
“Sa oras na malaman kong may babae ka, hinding-hindi kita mapapatawad,” sambit pa niya sa sarili.
Lumipas pa ang mga linggo at buwan ay mas lalo siyang nagulat nang mapansing nauubos na ang ipon ng asawa sa bank book nito. Labis rin ang pagtataka niya kung bakit wala man lang nadadagdag sa ipon nito samantalang mas malaki ang kinikita nito kaysa sa kanya. Doon ay kumpirmado nang may ginagawang kalokohan ang mister niya.
“Isang daan libong na lamang ang ipon niya? Saan niya dinadala ang pera? Bakit hindi niya sa akin ito sinasabi? May mali na talaga sa nangyayari,” wika niya sa isip.
Kinagabihan ay kinausap niya si John tungkol dito.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo? Bakit wala kang naiipon sa bank book mo? At ang laki ng perang nawawala roon. Ano bang ginagawa mo sa ipon mo? Saan mo ginagasta?” sunud-sunod niyang tanong.
Sa una ay hindi nakasagot ang mister, iniisip muna ang sasabihin sa kanya, maya-maya ay nagsalita na ito.
“A, eh i-inilaan ko ‘yon sa isang investment, darling,’ sagot ng lalaki.
“Investment?” malakas na tanong ni Samantha.
“Oo, may nakita kasi akong magandang investment. Sa ngayon ay hindi ko muna maaaring sabihin sa iyo kung ano iyon,” sagot ng mister.
Sa isip ni Samantha ay hindi nagsasabi ng totoo ang asawa. Kilalang-kilala niya ito kapag nagsisinungaling. Kaya naisip niya na maki-ayon muna sa mister, kunwari ay napaniwala siya nito, pero kapag nakahanap siya ng tiyempo ay malalaman din niya ang sikreto nito.
“Ganoon ba, darling? Siguraduhin mo lang na matutuwa ako sa investment na ‘yan ha?” aniya.
Nakita niya na sumeryoso ang mukha ni John na halatang may itinatago sa kanya.
Dahil tumitindi na ang paghihinala niya ay napagpasiyahan niyang mag-imbestiga na dahil sadyang matinik talaga sa pagtatago ng lihim ang kanyang mister. Isang araw ay sinundan niya ito nang umalis papasok sa opisina. Ipinagtaka niya na hindi naman pala sa trabaho ito dumiretso kundi sa isang pribadong ospital. Hindi iyon ang ospital kung saan siya nagtatrabaho pero kilala rin ang pagamutang iyon sa magandang serbisyo.
“Anong ginagawa niya rito? Sinong pupuntahan niya? Naka-confine siguro sa loob niyan ang babae niya. Baka nanganak na ang kabit ng damuho. Ang walanghiya, nauna pang magkaanak sa iba kaysa sa sariling asawa. Ginagastos ang pera niya para sa kabit niya, humanda kayo sa akin!” gigil na sabi ni Samantha na bumaba ng kotse at pumasok sa ospital.
Inalam niya kung saang kwarto pumunta ang mister. Ibinigay naman ng staff ang room number, sinabi na lamang niya na kaibigan din siya nang bibisitahin ng mister niya. Nakumpirma nga niya na pangalan ng babae ang pinuntahan nito roon – Angelina Pamintuan.
Nang puntahan niya ang kwarto ay bumungad sa kanya ang asawa na katabi ang isang matandang babae na nakahiga sa kama na walang malay at may nakakabit na aparato sa katawan. Ikinagulat ng mister niya nang makita siya roon.
“S-Samantha?”
“B-Bakit nandito ka, John? S-sino siya?” naguguluhan niyang tanong.
At ipinagtapat na sa kanya ni John ang katotohanan.
“Siya ang nag-aruga sa akin noong bata pa ako, Sam. Siya ang aking Tita Angelina. Matalik siyang kaibigan ng aking tunay na ina. Mula nang maulila ako sa mga magulang ay siya na ang tumayong ina at ama sa akin. Itinuring niya akong tunay na anak at itinaguyod niya ang aking pag-aaral hanggang sa makatapos ako sa kolehiyo. Mula noon ay binigyan ko siya ng magandang buhay, binigyan ng sariling bahay at buwan-buwan ay pinadadalhan ko rin siya ng panggastos. Kulang pa nga ang mga iyon sa lahat ng ginawa niya sa akin, hindi na nga siya nagkaroon ng sariling pamilya dahil buong buhay niya ay inilaan sa akin. Hindi totoong nagmula ako sa mayamang pamilya dahil galing lang ako sa hirap, Sam. Inilihim ko sa iyo ang tungkol sa kanya at sa aking tunay na pinangglingan dahil ayokong hiwalayan mo ako kapag nalaman mong hindi ako mayaman gaya ng pakilala ko sa iyo noon. Mahal na mahal kita, Sam, kaya natakot ako na hindi mo ako magustuhan dahil hindi tayo magkapantay ng estado. Kaya kahit gustung-gusto ka niyang makilala ay itinago ko siya sa iyo. Ngayon ay mahinang mahina na siya dahil sa malubhang karamdamam at sa sobra na niyang katandaan. Ang tanging bumubuhay na lamang sa kanya ay ang makinang iyan. Kaya nauubos ang ipon ko sa bangko ay dahil sa patuloy ko siyang inilalaban. Ayos lang sa akin na mawalan ng pera dahil kikitain ko pa naman iyon, ang hindi ko makakaya ay ang tuluyan siyang mawala sa buhay ko kaya kahit napakaliit na tiyansa ay kumakapit na lamang ako sa panginoon na pahabain pa ang buhay niya. Patawad, Sam, patawad sa lahat, ang sinabi kong investment ay hindi rin totoo para mapagtakpan ko ang tungkol sa kanya, ayoko rin kasing bigyan ka pa ng problema kaya mag-isa ko itong pinapasan,” bunyag ng mister na hindi na napigilang mapahagulgol.
Napaiyak na rin si Samantha sa ipinagtapat ng asawa. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi nito, pero imbes na magalit ay inunawa niya ito.
“Shhh, tama na, darling. Huwag ka nang humingi ng tawad dahil naiintindihan na kita. Sana lang ay hindi ka na naglihim pa sa akin. Hindi mahalaga kung mayaman ka o mahirap, ang importante ay mahal kita at mahal mo ako. Sana ay ipinagtapat mo na sa akin ang totoo dahil hindi naman kita hihiwalayan dahil lang sa galing ka sa hirap, minahal kita sa kung sino ka at hindi ang pinanggalingan mo. Ipinagtapat mo na rin sana sa akin ang tungkol sa kanya para natulungan kita sa mga gastusin dito sa ospital. Mag-asawa na tayo, ang pamilya mo ay pamilya ko na rin,” wika ni Samantha na niyakap ang mister.
Nang malaman ni Samantha ang totoo ay naging katuwang na siya ng kanyang mister sa pag-aalaga sa nakaratay na nanay-nanayan nito. Ngunit ilang linggo pa ang lumipas ay binawian na rin ng buhay ang matandang babae. Labis nilang ikinalungkot ang pagpanaw nito ngunit sa kabila niyon ay mas lalo pang pinagtibay ang pagtitiwala at pagmamahal nilang dalawa na nangakong hindi na maglilihim pa sa isa’t isa.