Napakasungit ng Lolo sa Kaniyang mga Apo; Nang siyaʼy Uugod-ugod na Paano siya Tatratuhin ng mga Ito

Napakasungit ng Lolo sa Kaniyang mga Apo; Nang siyaʼy Uugod-ugod na Paano siya Tatratuhin ng mga Ito

FamilyInspiringStories

“Hayan na si lolo, magtago kayo!”

“Takbo na, bilis!”

“Uwi na ako, mga insan. Bye!”

Kalansing pa lamang ng susi na palaging dala-dala ng kanilang lolo ay nagtatakbuhan na ang magpipinsan. Pauwi na ang lolo nila galing sa bukid at lagot sila kapag nakita sila nito.

Paano ay ayaw na ayaw nitong maaabutan silang naglalaro sa labas at walang hawak na libro.

Pulasan ang mga naglalaro ng piko at nagtakbuhan pauwi. Ang mga nangangakyat sa puno ay tiniis na lamang ang kagat ng hantik upang hindi mapansin ng matandang naroon sila at nagtatago sa likod ng mga sanga. Iyong mga nagpapatintero ang nagsipagtago sa kung saan puwedeng magtago, ngunit talagang magaling ang lolo nila. Inilagay nito ang dalawang daliri sa bibig at sumipol… iyon ang hudyat na tinatawag nito silang lahat dahil alam nitong nagtatago lamang sila.

Walang nagawa ang magpipinsan kundi ang magpakita sa kanilang lolo. Nangangatog sila sa takot nang humarap dito.

“Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na libro ang atupagin nʼyo? Anoʼng magagawa ng kalalaro nʼyo rito?!” galit na anito at walang nagtangkang sumagot.

“Noong araw, katorse anyos pa lang ako ay marunong na akong magtrabaho. Nagbabanat na ako ng buto noon, kahit pa gustong-gusto ko pang mag-aral. Pagkatapos, kayo, naglalaro lang?” Muli nilang marinig ang kuwentong iyon mula sa lolo nilang ngayon ay nanggagalaiti. “Hala, sige, magsipila kayo at nang kayo ay madala!”

Mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki ay nakatanggap ng tigi-tig-isang palo sa pwet bago sila nito tuluyang pinauwi.

“Bakit kaya ganoʼn si Lolo? Nakakainis! Siguro hindi rin siya nakakapaglaro noon, ʼno?” asar na sabi ng isa sa magpipinsan.

“Oo nga! Napaka-KJ ni lolo. Ayaw niya yatang makitang masaya ang mga apo nʼya, e,” banat naman ng isa pa.

“Hayaan nʼyo na. Basta ako, pagtanda ko, hinding-hindi ako magiging ganiyan sa mga apo ko.”

Palibhasa, mga isip-bata pa ay talagang ganoʼn na lamang ang hinanakit ng magpipinsan sa kanilang lolo. Hanggang sa kasanayan na lamang nila ang pagiging sobrang istrikto nito, hanggang sa silaʼy magsipagtanda na.

Teachers, abogado, doktor, pulis. Ibaʼt iba ang naging propesyon nila, ngunit karamihan sa magpipinsan ay naging pawang mga propesyonal nang dahil sa pagpupursigeng natutunan nila sa kanilang lolo sa paglipas ng mga taon.

Saka lamang nila na-realize na talaga ngang magagamit nila ang lahat ng natutunan nila sa istrikto nilang lolo upang maka-survive sa buhay at maging angat sa nakararami. Lumaki silang may mga takot sa Diyos, paggalang sa matatanda at masunuring mga mamamayan. Nakasanayan kasi nila iyon sa kanilang lolo.

Kaya naman ngayong ika-walumpuʼt pitong kaarawan nito ay kumpletong nagtipon-tipon ang magpipinsan sa kabila ng pagiging abala sa kani-kaniya nang buhay upang makasama ang taong nagturo sa kanilang maging matatag at maging matalino.

“Happy birthday po, Lolo!” halos sabay-sabay na bati ng lahat sa pagpasok ng pinakaespesyal na tao sa araw na ito na sinuklian naman nito ng matamis na ngiti.

Maluha-luhang tiningnan ng matanda ang kaniyang mga apong nagsipaglakihan nang maayos. Noon, ang buong akala niya ay malaki ang galit ng mga ito sa kaniya dahil hindi nila naiitindihan ang dahilan ng kaniyang pagiging istrikto ngunit iba pala ang interpretasyon ng mga ito roon.

Isang malaking tagumpay na para sa kaniya ang kaniyang nakikita sa mga sandaling ito.

“Lolo, make a wish na po! Happy, happy birthday!”

Itinapat ng isa sa kaniyang apo ang cake na hawak nito na may nakatusok na kandilang nakasindi, ngunit iling lamang ang isinagot ng matanda.

“Ano pa ba ang mahihiling ko? Nakikita ko kayong higit pa sa kung anong pinangarap ko noon,” ang makabagbag damdaming sabi nito.

“Lolo, nagpapasalamat po kami sa lahat ng ginawa at itinuro nʼyong aral para sa aming lahat. Utang po namin sa inyo ang buhay namin.”

“Kayo po ang dahilan kung bakit namin narating ang kung ano mang narating namin. Pangako po na ipagpapatuloy namin ang lahat ng mga aral na itinuro n’yo sa amin.”

Maluha-luhang nagsipagtipon sa tabi ng kanilang lolo ang magpipinsan upang yakapin ito, isa-isa.

Lumipas ang mga panahon hanggang sa pumanaw na ang kanilang minamahal na lolo, ngunit sinigurado nilang mananatili ang mga aral at ala-ala nito hanggang sa kanilang mga kaapu-apuhan nila.

Mananatili itong buhay sa kanilang mga puso, hanggang sa muli silang magkita sa susunod nilang mga buhay.

More Stories