Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babae ang kaniyang Anak sa Pagkadalaga; Nang muli Silang Magkita ay Ito na ang Boss niya

Iniwan ng Babae ang kaniyang Anak sa Pagkadalaga; Nang muli Silang Magkita ay Ito na ang Boss niya

Natigilan si Tessy sa kaniyang kinatatayuan habang nakatitig sa dalawang pulang linya na gumuhit sa hawak niyang aparato na siyang nagkukumpirmang buntis nga siya.

Ilang araw na siyang nakadaranas ng sintomas ng pagbubuntis, kaya naman nang ma-delay ang kaniyang buwanang dalaw ay nagpasiya na siyang bumili ng pregnancy test kit.

“Ano na ang gagawin ko ngayon?!” natatarantang tanong niya sa sarili. Ang nobyo niyang si Bernard ay hindi na nagparamdam pa sa kaniya simula nang buksan niya rito ang paksa tungkol sa mga sintomas na nararanasan niya. Doon pa lang ay alam na niyang tinakbuhan siya nito.

Napahagulhol si Tessy. Kadidisisais pa lamang niya noong isang buwan! Kinakabahan siya sa sasabihin ng kaniyang ina, lalo pa at siya lang ang inaasahan nito na mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Sigurado siyang kagagalitan siya nito. Ang masama pa ay baka palayasin siya nito! Hindi niya pa kaya ang responsibilidad.

Magkaganoon pa man ay minabuti pa rin ni Tessy na sabihin sa ina ang totoo. Tutal ay wala naman siyang iba pang lalapitan kundi ang kaniyang ina…

“Paano mo nagawa ito?!” Isang malakas na sampal ang iginawad sa kaniya ng ina habang humahagulhol. “Ilang beses kong sinabi sa ʼyo na huwag kang tutulad sa akin, pero ginawa mo pa rin! Mahirap pa tayo sa daga, Tessy, idadamay mo pa ang bata sa paghihirap nating dalawa!” hiyaw nito sa kaniya.

Akala ni Tessy, katulad niya ay magpapasiya rin itong ipalaglag na lamang ang bata, ngunit nang mahimasmasan ito ay muli siya nitong kinausap.

“Apo ko pa rin ʼyan, anak. Kahit mahirap, gagawa tayo ng paraan para buhayin ʼyan. Tutulungan kita,” anang kaniyang ina, ngunit hindi ganoon ang nasa isip ni Tessy.

Lumipas ang siyam na buwan at ipinanganak niya ang kaniyang anak na lalaki. Nang mga sandaling iyon ay wala siyang naramdamang ni katiting na pagmamahal sa bata, dahil ang tingin lamang niya rito ay isang malaking pabigat. Kaya naman nang makabawi siya ng lakas ay tinakasan niya ang ina at iniwan niya rito ang kaniyang anak na pinangalanan nilang Samuel. Lumayas siya sa kanilang tahanan na damit lang at kaunting halaga ang dala.

Kung anu-anong trabaho ang pinasok ni Tessy. Paanoʼy nahirapan siyang makahanap ng papasukan dahil sa kaniyang murang edad. Pagkatapos ay wala pa siyang pinag-aralan.

Sa isang bar, sa Maynila bumagsak si Tessy. Doon ay nakilala niya ang ibaʼt ibang lalaking naging karelasyon niya, hanggang sa makilala na rin niya si Jackson. Isa itong fil-am na mayaman at malaki ang pagkakagusto nito sa kaniya.

Wala mang pagmamahal ay talagang pinatos ni Tessy si Jackson kahit pa nga sampung taon ang agwat nilang dalawa. Naging maganda ang buhay niya nang magsama sila ni Jackson. Tila nakalimutan na ni Tessy ang lahat, kabilang na roon ang anak niyaʼt kaniyang ina. Nagpakasal si Tessy at Jackson nang tumuntong siya sa edad na beinte cinco. Sa loob ng mahigit dalawampung taon ay namuhay na parang reyna si Tessy… hanggang sa dumating ang isang trahedya sa buhay nila ng kaniyang asawa.

Nagkaroon ng malubhang sakit si Jackson. Naghirap ito at halos maubos ang ipinundar nilang ari-arian. Sa huli ay binawian din ito ng buhay at naiwang mag-isa si Tessy na ang tanging natitirang pag-aari na lamang ay ang kanilang bahay.

Kahit naghihinagpis ay kinailangan niya pa ring mabuhay kaya naman bumalik siya sa pamamasukan sa ibaʼt ibang trabaho. Serbidora, tindera, tagalinis at kung anu-ano pa. Naging ganoon ang buhay niya sa loob ng ilan pang taon, hanggang sa mag-apply siyang janitress sa isang kompanya.

“Over age na po kayo, e,” reklamo ng HR sa pinag-a-apply-an niya.

“E, maʼam, kaya ko pa naman pong magtrabaho, e. Please, baka naman ho pupuwedeng ipasok na ninyo ako,” pakiusap naman niya.

Ngunit ayaw talaga siyang tanggapin pa nito. Paalis na sana siya nang mga sandaling ʼyon, nang mamataan niya ang isang pamilyar na tao… ang kaniyang ina!

Kahit na nakaupo na ito sa wheelchair dahil sa katandaan ay hindi maikakaila ang pagiging magara ng suot nitong damit. Nakikipagtawanan ito sa isang guwapong binata… na kamukhang-kamukha niya.

Ang ina at ang anak niya!

Parang biglang nahiya si Tessy sa kaniyang sarili. Sinubukan niyang magmadaling tumakas upang hindi na siya makita nang mga ito ngunit isang tawag ang nakapagpahinto sa kaniya…

“Tessy, anak ko, ikaw nga!” iyon ang kaniyang ina.

Ang buong akala ni Tessy ay malaki ang galit ng mga ito sa kanila, dahil sa matagal na panahong pag-aabandona niya sa kanila… ngunit nalaman niyang hinahanap din pala siya ng mga ito, lalong-lalo na ng kaniyang anak na napag-alaman niyang siya palang may-ari ng kompaniyang pinag-a-apply-an niya!

Tinanggap ng mga ito ang paghingi niya ng pasensiya at pagkatapos nʼon ay masaya silang nagsamang muli bilang isang pamilya.

Advertisement