
Nag-eskandalo sa Grocery Store ang Ginang nang Sumingit sa Pila ang Isang Matanda; Gulat Siya Nang Malamang Kung Sino Ito
Matindi ang naging pagkakakunot ng noo ni Aling Nenita nang bigla na lang sumingit sa pila ang isang matanda. Ang mas ikinainis niya pa ay nang ngitian ito ng cashier na para bang hindi nito nakita ang ginawa ng matanda.
Kanina pa siya nakapila at uwing-uwi na si Nenita. Ang dami kasing namimili ngayon lalo na at araw ng swelduhan. Pagod na siya sa trabaho, biyahe at sa pagkahaba-habang pila sa grocery store na ito at gusto na niyang magpahinga… pagkatapos ay sisingit lang itong matandang ito?!
“Ganito ba talaga rito sa grocery store nʼyo? Walang first come, first serve?!” paunang pasaring niya na agad na nakakuha ng atensyon ng nakararami.
“Maʼam, kalma lang po tayo. Ano po kasi—”
Ngunit pinutol ni Nenita ang sasabihin sana ng cashier. “Huwag ka nang magpaliwanag dahil hindi ko naman tatanggapin ʼyan! Nasaan ba ang manager dito?! Iharap mo nga sa akin!” pag-ieskandalo pa niya.
Nagsimula na silang pagtinginan ng mga tao.
“Porque ba maganda ang bihis ng matandang ʼyan ay okay nang mang-agaw na lamang siya ng pila ng may pila? Aba! Hindi tama ʼyan!” malakas ang tinig na aniya pa at hindi na makasagot pa ang cashier. “Saka, may pila naman para sa mga senior citizens, hindi ba? Bakit hindi nʼyo sila ituro doon?!”
“Oy, miss! Bakit pinalalaki mo pa ang gulo? Matanda naman ʼyong pumila, ʼdi ba? Ayaw mo pang pagbigyan,” singit ng isang lalaki na lalong ikinapikon ni Nenita.
“Wala kang pakialam!” wala na sa lugar na sagot niya. Talagang mainit ang ulo niya ngayon.
“Tawagin nʼyo ang manager nʼyo, gusto ko siyang makausap!” muli pang hiyaw niya.
Napapailing na lang ang mga tao sa kaniyang paligid dahil sa kaniyang asal ngunit hindi niya iyon iniinda. Wala siyang pakialam sa sasabihin nila. Gusto niya ng mga taong pagbubuntungan ng galit ngayong pikon na pikon na siya.
Tumagal pa ang kadadakdak ni Nenita bago dumating ang manager na hinahanap niya.
“Maʼam, ano po ba ang problema?” tanong ng manager.
“Iyan kasing matandang ʼyan, singit nang singit!” hiyaw niya, “pagkatapos, itong cashier nʼyo, parang walang nakita. Porque maganda ang suot ng matanda at mukhang may kaya sa buhay, hahayaan na niyang sumingit-singit na lang sa pila?!” dagdag pa niyang reklamo.
Nasapo ng manager ang kaniyang ulo dahil sa sinabi ni Nenita.
“Maʼam, hayaan nʼyo po muna kaming magpaliwanag, pʼwede po?” tanong ng manager at doon lamang tumigil sa kararatrat ang bibig ni Nenita. “Ang matanda po kasing tinutukoy nʼyo ay ang ina ng may-ari ng grocery store na ito.”
Ikinabigla ng lahat ang rebelasyong iyon ng manager. Si Nenita ay hindi makaapuhap ng sasabihin, ngunit hindi siya papayag na mapahiya.
“Oh, siya pala ang may-ari. Dapat, alam niyang mali ang basta na lamang sumingit sa pila. Kanina pa kami naghihintay rito!” talagang pilit ni Nenita. “Saka, hindi nʼyo ba alam ʼyong kasabihang, costumer is always right?!”
Marami ang tumango sa kaniyang sinabi, ngunit mas marami ang napapasapo sa noo, napapailing at napapamura sa kaniyang ugali, kabilang na roon ang manager na tila nauubusan na rin ng pasensiya sa kaniya.
“Eh, maʼam, kaya lang naman po sumingit saglit si Mrs. Valdez ay dahil sinabihan niya ang cashier sa pila nʼyo na bawat taong nakapila ay bibigyan ng worth two thousand pesos grocery bilang tulong lalo na at may nagaganap na pandemiya ngayon. Sana po ay nakinig muna kayo sa paliwanag bago kayo naghurumentado.”
Hindi nakaimik si Nenita. Napahiya siya!
Dinig niya ang bulungan ng mga tao tungkol sa kaniya. Ang iba nga ay natatawa pa. Ang iba ay kumukuha pa ng video at ang iba pa ay galit na ekspresyon ang ibinabato sa kaniya.
“Eskandalosa ka kasi! Imbes na makipag-usap ka nang maayos ay idinadaan mo sa init ng ulo. Walang magandang maidudulot ʼyan, kaya baguhin mo ang ugali mo!” hiyaw ng isa sa mga taong kasama niya sa pilang iyon na agad namang sinang-ayunan ng iba pa.
Kulang na lamang ay lumubog sa lupa si Nenita. Hindi agad siya nakabawi mula roon at huli na nang tangkain niyang tumakbong mag-isa dahil hawak na siya ng mga guwardiya upang palabasin sa grocery store.
Hindi lang ʼyon. Simula sa araw na iyon ay hindi na kailan man puwedeng tumuntong sa naturang tindahan si Nenita.