Inday TrendingInday Trending
Palaging Nakikipagkumpetensiya ang Estudyante sa Kaniyang Kaklase; Laking Gulat Niya nang Matalo Siya Nito

Palaging Nakikipagkumpetensiya ang Estudyante sa Kaniyang Kaklase; Laking Gulat Niya nang Matalo Siya Nito

“Magkapareho na naman ang score na nakuha nila? Wala talagang nakalalamang sa kanilang dalawa!” manghang sabi ng isa sa mga kaklase nina Alyssa at Annabelle.

Sila ang palaging naglalaban sa pataasan ng grado sa kanilang klase. Kahit ang kanilang mga guro ay nahihirapan kung sino sa kanila ang mas magaling at mas matalino dahil pareho ang nakukuha nilang mga marka sa lahat ng asignatura kaya magkahati sila sa titulong pinakamahusay na mag-aaral sa eskwelahang pinapasukan nila.

“Sino ba kasi sa ating dalawa ang mas magaling at mas matalino, Annabelle? Kung ano ang mga grado ko ay ganoon din ang mga nakukuha mong grado. Hindi natin malamangan ang isa’t isa,” sabi ni Alyssa sa kaklase.

“Hindi ko rin alam kung bakit, eh. Kung ako ang tatanungin mo, hindi ko gustong makipagkumpetensiya sa iyo. Wala rin naman akong magawa dahil palagi ngang magkapareho ang mga nakukuha nating marka,” nagtatakang sagot ni Annabelle.

Ngunit para kay Alyssa ay kumpetisyon talaga ang namamagitan sa kanila ni Annabelle kaya palagi siyang nakikipagkumpetensiya rito. Gustong-gusto niyang malamangan ang kaklase kaya nakahanda niyang gawin ang lahat, matalo lang ito.

Kahit sa usaping puso ay magkakumpetensiya pa rin ang dalawang dalaga dahil pareho nilang ‘crush’ ang kaklase nilang lalaki na si Aris.

“Hindi ako papayag na pati kay Aris ay magkahati pa rin kami. Kailangang makalamang ako kay Annabelle sa pagkakataong ito,” bulong ni Alyssa sa sarili.

“Pinagplanuhan ni Alyssa na akitin si Aris. Inimbitahan niya ito sa bahay niya. Isinakto ng dalaga na wala ang mga magulang. Umalis ang mga ito at nagpunta sa probinsya kaya walang iistorbo sa plano niya. Desperada na siyang matalo si Annabelle kaya pati ang pag-alok ng kaniyang sarili sa binata ay ginawa na niya.

“Wala naman akong ibang kasama rito, Aris, kaya solong-solo natin ang bahay,” malanding sabi ni Alyssa habang dahan-dahang hinuhubad ang suot na t-shirt.

Ikinagulat ng binata ang ginawa niya sa harap nito.

“A-ano’ng ginagawa mo, Alyssa? Huwag mong gawin ‘yan, pakiusap!” matigas nitong saway sa kaniya.

Biglang tumigil ang dalaga sa paghuhubad ng damit. ‘Di siya makapaniwala na pinigilan siya nito.

“Ito ang gusto niyong mga lalaki, ‘di ba?”

Umiling ang binata.

“Hindi lahat ng lalaki ay gaya ng nasa isip mo, Alyssa. Hindi ako ganoong klaseng lalaki. May respeto ako sa mga babae, kaya huwag mo nang ituloy kung anuman ang balak mo,” tugon ng binata sa seryosong tono.

Dahil sa sinabi ni Aris ay hindi niya napigilang kiligin. Napaka-gentleman pala nito. Mas lalo siyang humanga sa binata sa ipinakita nitong paggalang sa kaniyang pagkababae kaya mas lalong umigting ang pagkagusto niya rito. Ikinuwento niya sa mga malalapit na kaibigan ang nangyari.

“Talaga? Sa guwapong iyon ni Aris at lalaking-lalaki ang datingan, eh, tumanggi pa sa alok mo, girl?”

“Hindi umubra ang ganda at talino mo ‘teh kay pogi? Eh, ano’ng next plan mo ngayon?”

Napaismid si Alyssa sa mga sinabi ng mga kaibigan niya.

“Huwag kayong mag-alala, siguradong bibigay rin si Aris sa akin. Naniniwala pa rin ako na ang lahat ng lalaki ay may itinatagong li*og sa katawan,” pagyayabang ng dalaga.

Ngunit ang pangarap niyang mapasakaniya ang puso ng binata ay biglang gumuho nang malaman na ang nililigawan pala ni Aris ay ang mahigpit niyang kakumpetensiya sa eskwelahan na si Annabelle. Sa sobrang inis sa binata ay kinumpronta niya ito.

“Wala ka nang hahanapin pa sa akin, Aris. Maganda ako, matalino at sikat sa ating klase, bakit si Annabelle pa ang napili mong ligawan, eh, pareho lang naman kaming matalino at higit sa lahat, mas nakalalamang naman ako sa kaniya pagdating sa itsura. Hindi mo ba nakikita?”

Kung palaging pantay sina Alyssa at Annabelle sa pagalingan at katalinuhan sa eskwelahan ay angat na angat naman ang ganda ni Alyssa kumpara kay Annabelle. Mestiza ang dalaga na may mukhang artistahin bukod doon ay matangkad din siya ‘di tulad ni Annabelle na maitim na nga, hindi pa kataasan ang height.

Napailing ang binata.

“Hindi ko naman nagustuhan si Annabelle dahil magaling siya at matalino, nagustuhan ko siya dahil mabait siya at mapagkumbaba. Hindi rin naman ako tumitingin sa panlabas na itsura, mas mahalaga pa rin sa akin ang ugali ng isang tao at iyon ang naging lamang sa iyo ni Annabelle,” hayag ng binata.

Napahiya si Alyssa sa tinuran ni Aris. Sa pagkakataong iyon ay natalo siya ni Annabelle sa laban. Tabla man sila ng kaniyang kaklase sa patalinuhan, napadapa naman siya nito sa puso ng lalaking pinakatatangi nila.

Advertisement