Hinamak ang Binata ng mga Kapatid Niya sa Ama Dahil Hindi Nakapasa sa Bar Exam; Napahiya ang mga Ito Nang Makabawi Siya

“Wala na si papa, kaya bakit ka pa pumupunta rito?” inis na tanong ni Kirby.

“Siyempre, maghihingi na naman ‘yan ng pera. Ang kapal ng mukha, ‘di ba? Wala na nga si papa, nanghuhuthot pa rin ng pera sa atin!” gatol naman ni Carla.

Ang totoo, nagpunta roon si Joven para humingi ng tulong para sa pagkuha niya ng Bar Exam. Nais niyang kumuha ng pagsusulit na iyon para maging ganap na Abogado. Pinangarap kasi iyon sa kaniya ng ama, kaya bago ito sumakabilang-buhay ay nangako ito na bibigyan siya ng tulong pinansyal para sa kaniyang pag-aaral.

Ang mga kapatid niya sa ama ang nilalapitan niya kapag nanghihingi siya rito ng pera. Anak siya sa labas at alam naman niya iyon. Alam din niya kung saan siya lulugar ngunit nagpapasalamat pa rin siya dahil ibinigay sa kaniya ng ama ang apelyido nito. Mula nang mawala ang kaniyang ina ay ang ama na niya ang sumuporta sa kaniya dahil may kaya ang pamilya nito. Nagbago lang ang lahat nang magkasakit ito at pumanaw.

“Pasensya na. Kaunting halaga lang naman ang kailangan ko. Huwag kayong mag-alala, makakabayad din ako ng utang na loob sa inyo,” aniya.

“O siya, pero ito na ang huling beses na bibigyan ka namin ng pera, Joven. Pagkatapos nito ay wala nang makukuha sa amin. Ang problema kasi, aral ka nang aral, eh, wala ka naman palang pera!” anas ng kapatid na si Leika.

Tinanggap ni Joven ang perang ibinigay ng mga ito. Sa tingin niya ay sapat na iyon na pandagdag sa mga gagastusin niya sa pagkuha ng exam. Ang kalahati ay pagtatrabahuhan na lamang niya. Bukod sa pagre-review para sa nalalapit na pagsusulit ay nagtatrabaho pa siya bilang janitor sa isang pribadong kumpanya. Kahit mahirap ay nagagawa niyang pagsabayin ang pagre-review at pagtatrabaho.

Nang sumapit ang araw ng pagsusulit ay todo ang kaba ni Joven. Sa tingin niya ay kulang pa ang naging preparasyon niya para roon. Ilang buwan niyang hinintay ang resulta ng Bar Exam at nang inilabas ang listahan ng mga masuwerteng nakapasa ay laking panlulumo niya dahil hindi napabilang ang kaniyang pangalan sa masusuwerteng nakapasa sa exam.

Advertisement

“Hayaan mo na, Joven. Bumawi ka na lang sa susunod na exam,” sabi ng isang kaklase niya.

“Sayang nga, eh. Buti ka pa, pare, nakapasa ka sa exam,” malungkot niyang tugon.

“Huwag kang panghinaan ng loob, pare. Subukan mo ulit sa susunod na taon. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, walang imposible,” anito na pinalalakas pa ang loob niya.

Nang malaman ng mga kapatid niya sa ama ang nangyari ay laking tuwa ng mga ito. Puro panglalait at panghahamak ang narinig niya sa mga ito.

“Sabi ko na nga ba, eh at wala kang mararating. Sinayang mo lang ang pera ni papa!” wika ni Carla.

“Ano ba kasi ang mararating ng isang janitor lang?” pang-aasar na tanong ni Leika.

“Ang taas kasi ng pangarap kaya lumagapak!” saad pa ni Kirby.

Hindi niya pinansin ang mga masasakit na salitang sinabi ng mga kapatid. Imbes na panghinaan ng loob ay itinuloy niya ang pagre-review. Plano niyang kumuha ulit ng pagsusulit. Dahil hindi na siya sinuportahan ng mga kapatid sa pinansyal niyang pangangailangan, bukod sa pagiging janitor ay rumaraket din siya at nagtrabaho bilang sales agent. Pinagsabay-sabay niya ulit ang pagre-review at pagtatrabaho hanggang sa sumapit na naman ang araw ng Bar Exam. Kumuha siya ng pagsusulit sa ikalawang pagkakataon at nang lumabas ang resulta ay halos mawala sa ulirat niya si Joven. Hindi siya makapaniwala na nakapasa na siya sa pagsusulit. Napasama pa siya sa sampung nakakuha ng pinakamataas na marka. Nakuha niya ang ika-walong puwesto sa listahan.

Advertisement

“Congratulations, Atty. Joven Villarama! Nagbunga na ang pagsisikap mo,” masayang bati ng isa niyang kaibigan.

Naging ganap na Abogado si Joven. Makalipas ang ilang taon ay umasenso rin ang buhay niya. Bukod sa kaniyang propesyon ay nakapagpundar rin siya ng mga negosyo at sariling law firm.

Nabalitaan ni Joven na naghihirap na ang mga kapatid niya sa ama dahil wala palang ginawa ang mga ito kundi waldasin ang pera ng kanilang ama sa mga luho kaya pinuntahan niya ang mga kapatid. Hiyang-hiya ang tatlo nang makita siya. Hindi makatingin ng diretso ang mga ito sa kaniya matapos siyang hamakin at laitin noon. Ngayon ay isa na siyang abogado at matagumpay na sa buhay kaya laking pagsisisi ng tatlong kapatid sa mga sinabi ng mga ito sa kaniya.

“Narito ako para tulungan kayo. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magkakapatid,” sabi niya sa mapagkumbabang tono.

“Patawarin mo kami, Joven, sa lahat ng pang-iinsulto at panghahamak namin sa iyo. Inaamin namin ang aming pagkakamali,” tugon ni Leika.

Niyakap niya ang mga kapatid at kinalimutan ang mga hindi magagandang sinabi ng mga ito sa kaniya. Dahil pagbali-baliktarin man ang mundo ay magkakapatid pa rin sila.

Mula noon ay tinrato na siya ng mga kapatid niya na hindi iba sa mga ito.