Nawalan ng Kabuhayan ang Inang may Kapansanan Dahil sa Lockdown; Tinulungan Naman Siya ng Kapitbahay Subalit Hindi Niya Ito Nasikmura

Nawalan ng Kabuhayan ang Inang may Kapansanan Dahil sa Lockdown; Tinulungan Naman Siya ng Kapitbahay Subalit Hindi Niya Ito Nasikmura

FamilyHeartbreakingStories

Pagtitinda ng basahan para sa mga jeepney drivers ang ikinabubuhay ni Andeng, 34 na taong gulang, at may kapansanan. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral dahil nagka-polio siya noong bata pa.

Dahil hindi siya naipagamot ng kaniyang mga magulang, hindi naagapan ang epekto ng polio sa kaniya. Nalumpo siya at hindi na nakalakad.

Inakala ni Andeng na may lalaking magmamahal at mag-aalaga sa kaniya sa katauhan ni Nestor, dati nilang kapitbahay, na una at huling lalaking minahal niya. Nabuntis siya nito subalit hindi pinanagutan.

Mag-isa niyang binubuhay ngayon ang anak na si Lenlen. Subalit dahil sa krisis na dulot ng COVID-19, pansamantalang natigil ang pagbebenta ng basahan ni Andeng sa mga parokyano niyang jeepney drivers, dahil nahinto rin naman ang pamamasada.

Nagpapasalamat si Andeng dahil mabait pa rin ang Diyos sa kaniya. Hindi Siya natutulog para sa mga kagaya niya ang kalagayan. Napasama siya sa listahan ng mga makatatanggap na pinansiyal na ayuda mula sa DSWD, bukod pa sa mga relief goods at iba pang ipinaaabot ng lokal na pamahalaan, at mga pribadong tao. Sapat ang mga iyon para mabuhay nang halos tatlong buwan.

Paubos na ang ayudang natanggap dahil sa mga bayarin at pang-araw-araw na gastusin. Namomroblema na si Andeng. Hindi siya sanay na walang ginagawa. Kung sarili lamang niya ang iintindihan, kaya niyang magtiis; subalit hindi niya kayang makitang nakanganga sa gutom ang anak.

“Mare, walang-wala na talaga ako. Paano kaya ito?” nasabi ni Andeng sa kaniyang kapitbahay na si Sally.

“Gusto mo ba talagang rumaket? May alam ako…” sabi ni Sally.

“Sige nga, sabihin mo sa akin. Kahit ano pa iyan, papasukin ko…” desperadong tugon ni Andeng.

Tiningnan siya mula ulo hanggang paa ni Sally.

“Sabagay, kahit nakaupo ka puwede mo namang gawin iyon. Kahit pang-itaas mo lang ang huhubarin mo, ayos lang…” sabi ni Sally.

“Anong ibig mong sabihin? Bakit kailangan kong maghubad ng pang-itaas?” takang tanong ni Andeng.

“Ah basta. Papakilala kita roon sa kakilala ng kakilala ko. Huwag mo muna itong babanggitin kahit kanino ah… baka mamaya mawalan pa tayo ng raket. Susunduin kita rito bukas ng alas nuwebe ng umaga. Maghanda ka. Maganda ka naman eh, kaunting ayos lang…” sabi ni Sally.

Nang gabing iyon, palaisipan kay Andeng ang sinabi ni Sally. May kaba siyang nararamdaman. Pakiramdam niya, hindi legal ang raket na tinutukoy ng kapitbahay. Subalit naisip niya, wala namang mawawala kung susubukan.

“Nanay!”

Napalingon si Andeng sa anak na si Lenlen. May kinakain itong tsokolate, at binibigyan siya.

“Saan ka nakakuha niyan? Sino nagbigay?” tanong ni Andeng.

“Bigay po ni Aling Sally. Binigyan po kami nina Benny at Apple,” sagot ni Lenlen. Sina Benny at Apple ang mga kalaro nito.

“Sige, magsipilyo kang maigi ah pagkatapos kumain para hindi masisira ang ngipin. Magaganda ang mga ngipin mo anak. Dapat alagaan mo ang mga iyan para hindi masira. Mahirap nang maibalik sa dati kapag nasira na,” paalala ni Andeng sa anak.

Madalas ay hinahayaan lamang ni Andeng ang anak na si Lenlen na maglaro sa labas ng kanilang bahay kasama ang mga kalaro nito na sina Benny at Apple.

Kinabukasan, maagang gumayak si Andeng. Nagbihis siya nang maayos. Nagpulbos at nagpahid ng lipstick.

“Wow, ngayon lang kita nakitang nakaayos mare ah… sige, mamaya na lang natin ayusin iyan,” sabi ni Sally. Itinulak na nito ang kaniyang wheelchair at nagsimula na silang lumakad. Matapos lamang ang 15 minuto, nakarating din sila sa isang bahay. Lumabas ang isang binabaeng nasa 49 na taong gulang.

“Mamang… siya na po ang tinutukoy ko,” sabi ni Sally. Tiningnan si Andeng ng tinawag na “Mamang” mula ulo hanggang paa.

“Sayang maganda ka pa naman kaya lang pilantod ka. Halika, pasok…” aya sa kanila ni Mamang.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Bawal maarte rito ah? Ang gagawin mo, maghuhubad ka at magpapakita ng katawan mo sa mga foreigners. Mahal ang bayad dito ‘day. 60% ng kita sa iyo, bahala na kayo ni Sally na recruiter mo ang maghati. Akin ang 40%. Ano, okay ka ba?” paliwanag ni Mamang.

Gulat na gulat si Andeng sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwala.

“Oh diba sabi ko bawal ang maarte rito? Sally, nasabihan mo ba ito?” tanong ni Mamang kay Sally.

Napakamot ng ulo si Sally. “Eh Mamang, hindi ko po naipaliwanag nang buo…”

“Ay ganun? Oh, anong pasya mo?” Bilisan mo’t may gagawin pa ako. May mga bata pa akong pipicturan, ipapadala ko ang mga picture sa foreigner. Kumikita rin ako roon. Mga mahihilig sa bata…”

“H-Hindi na lang po siguro. Pasensya na. Hindi ko alam na ganito pala ang trabaho. Hindi ko kayang maghubad sa harap ng camera at pagpiyestahan ng mga lalaking banyaga. Pasensiya na sa abala,” sabi ni Andeng.

“Arte mo naman! Hindi ka naman kagandahan at may kapansanan ka pa. Sally, sa susunod nga ah, ayokong sinasayang ang oras ko. Alam mo namang dolyar ang bawat minuto ko!” galit na sabi ni Mamang.

“Pasensiya na po, Mamang. Hindi na mauulit,” nakayukong pagpapaumanhin ni Sally.

“Sige, tawagin mo na ang mga batang kukuhanan ng picture at pauwiin mo na ang isang ito,” iritang utos ni Mamang.

Habang nasa daan pauwi, abot-abot ang paghingi ng paumanhin ni Sally sa kaibigan.

“Pagpasensyahan mo na si Mamang matabil lang talaga dila ng beking iyon!” sabi ni Sally.

“Matagal ka na ba sa gawaing iyan?” tanong ni Andeng.

“Medyo. Kailangan ng pera eh. Hindi nagpapadala si Tonio,” sagot ni Sally. Si Tonio ang kinakasama nito na isang karpintero, at naabutan ng lockdown sa construction site na pinagtatrabahuhan nito.

Nang gabing iyon ay hindi na naman makatulog si Andeng. Iniisip niya ang trabaho ni Sally. Hindi niya maaatim na gawin iyon. Sa isang lalaki lamang niya ipinakita ang kaniyang katawan, at ito ay sa ama ni Lenlen. Nasaan na nga ba si Lenlen?

“Lenlen? Tsokolate na naman?” tanong ni Andeng sa anak.

“Opo… bigay po ulit ni Aling Sally sa amin,” nasabi ni Lenlen.

Kinabahan si Andeng. Animo’y kidlat na pumasok sa kaniyang isipan ang trabaho ni Sally, at ang mga binanggit ni Mamang hinggil sa mga batang kinukuhanan ng mga larawan.

Bilisan mo’t may gagawin pa ako. May mga bata pa akong pipicturan, ipapadala ko ang mga picture sa foreigner. Kumikita rin ako roon. Mga mahihilig sa bata

“A-Anak… bakit ka binibigyan… ng tsokolate ni Sally?” kabadong tanong ni Andeng sa anak.

“Kinukuhanan lang po niya kami ng pictures. Isa-isa po kaming mga bata. Tapos binibigyan lang po niya kami ng chocolates,” inosenteng sagot ni Lenlen at nagpatuloy sa pagngata.

Halos magpuyos sa galit si Andeng nang marinig ang tugon ng anak. Malinaw na kasama si Lenlen sa mga batang “inilalako” ang mga larawan sa mga banyaga.

Isang pagpapasya ang ginawa ni Andeng. Hindi siya nagsayang ng oras. Agad siyang nagtungo sa presinto upang iulat sa pulisya ang tungkol sa negosyo ni Mamang.

Isang raid ang ginawa ng pulisya at nahuli nga si Mamang at ang mga empleyado nito, habang aktwal na ginagawa ang “cyber sex”. Nakita rin sa files ng computer nito ang mga larawan ng mga bata na itinitinda rin sa mga foreigners. Kabilang sa mga larawang naroon ay kina Lenlen, Benny, at Apple.

Dahil marunong naman siyang manahi, natanggap siya sa isang patahian upang gumawa ng mga improvised face mask, face shield at PPE na gagamitin ng mga frontliners para sa paglaban sa pandemya.

Nanindigan si Andeng sa kaniyang prinsipyo na kahit mahirap lamang sila, hindi ito sapat na dahilan upang ibenta ang dangal.

More Stories