Pagala-gala ang Dalagita Bilang Palaboy Hanggang sa Mabigyan ng Pagkakataong Makaawit sa Lansangan; Hindi Siya Makapaniwalang Magiging Daan Ito sa Pag-abot sa mga Pangarap

Pagala-gala ang Dalagita Bilang Palaboy Hanggang sa Mabigyan ng Pagkakataong Makaawit sa Lansangan; Hindi Siya Makapaniwalang Magiging Daan Ito sa Pag-abot sa mga Pangarap

InspiringStoriesSuccess

“I don’t wanna miss a thing…”

Nakipalakpak ang basurerang si Odessa, 15 taong gulang, sa mataas na pagbirit ng isang babaeng nagbi-videoke habang nakikipag-inuman.

“Kayang-kaya ko rin iyan!” naibulong ni Odessa sa kaniyang sarili at nagpatuloy na sa pagkalkal ng mga basurahan upang maghanap ng mga bote, garapa, at papel na maaaring ibenta.

Hindi malaman ni Odessa kung sino ang kaniyang mga magulang. Paulit-ulit na sinasabi ng pamilyang nag-ampon sa kaniya na napulot lamang siya mula sa isang parke. Hindi na matiis ni Odessa ang pang-aapi sa kaniya, lalo na ang pagtatangka ng padre de pamilya nito na pagsamantalahan siya.

Minabuti ni Odessa na lumisan sa poder ng pamilyang umampon sa kaniya upang makatakas sa mga kalupitan nito. Naging tulugan niya ang mga waiting shed at mga tagong lugar. Naging tahanan niya ang lansangan.

Natuto siyang mamalimos at mangalakal ng basura, subalit hindi niya kailanman gagawin ang magnakaw o gumawa ng labag sa batas, gaya ng panghihikayat sa kaniya ng mga kapwa palaboy sa lansangan.

Kahit na palaboy si Odessa, may pangarap pa rin siya sa buhay. Kung papipiliin, gusto niyang makatapos ng pag-aaral upang mabigyan naman niya ng magandang buhay ang kaniyang sarili. Nagnanais siyang makaalpas mula sa kaniyang kinalalagyan.

Isa sa mga hilig ni Odessa ang pagkanta. Gustong-gusto niya ang pagkanta, lalo na kapag nakaririnig na siya ng musika mula sa mga videoke, sa mga gusaling nadadaanan niya, sa mga kabahayan ng iba’t ibang tao kung saan siya mapadpad ng kaniyang mga paa.

Paborito niyang mang-aawit si Regine Velasquez. Pangarap niyang maka-duet ito sa iisang entablado balang-araw. Subalit alam niya sa sarili niyang imposible ito. Unang-una, hindi naman siya artista. Pangalawa, isa lamang siyang hamak na palaboy. Hindi rin siya maganda.

May kung ilang beses na niyang tinangkang maghulog ng barya sa mga videoke, subalit natatakot siyang ipagtabuyan ng may-ari dahil sa kaniyang hitsura. Narananasan na kasi niya ito noon. Pinagsabihan pa siyang nakakadiri.

Nakarating sa bandang palengke si Odessa. Maraming tao. Naglipana ang iba’t ibang uri ng tao. Lahat ay abala. Sa may harap ng simbahan ay may isang matandang lalaking bulag na kumakanta. May mikropono at component pa ito habang inaawit ang isang makalumang awitin. Wala sa tono ang boses nito kaya walang pumapansin. Walang naghuhulog sa bakanteng lata na nasa tabi nito. Nahabag siya para sa matanda.

Matapos kumanta ng matandang lalaki, nilapitan niya ito.

“Manong, gusto mo ako ang kumanta para sa iyo?” bulong niya sa matanda. Nagulat siya dahil napatingin ito sa direksyon niya. Isang mata lamang pala ang bulag dito.

“Makikihati ka pa sa pera ko, eh wala ngang nagbibigay…” ganting bulong sa kaniya ng matanda.

“Akong bahala. Palalakihin natin iyan Manong. Basta bigyan ninyo lang ako nang kaunti. Ako nang bahala,” sabi ni Odessa.

Sa wakas at pumayag naman ang matanda. Iniabot nito ang mikropono kay Odessa. Dahil hindi alam ni Odessa ang mga kanta ng matanda sa minus one nito, kinanta niya ang “Narito Ako” na awitin ni Regine Velasquez.

Unang hagod pa lamang sa liriko ng kanta ay napatigil na ang mga taong nakarinig sa kaniyang malamyos na tinig. Inawit niya ang awitin nang buong puso. Nagulat ang mga tao sa napakataas niyang boses na kagaya ng kaniyang idolo. Nangatigil ang mga tao at nagsimulang pumalibot sa kaniya.

Pagkatapos ng kaniyang awitin, nagpalakpakan ang mga tao. Hindi lamang barya ang inilagay sa lata ng matandang lalaki kundi iba’t ibang peso bills.

“Ate, isa pa… kantahin mo naman ang ‘Dadalhin’…” hiling ng isang lalaki.

Sumang-ayon naman ang mga tao sa paligid.

Napangiti naman si Odessa. At sinimulan nga niyang kantahin ang hiniling na awitin ng lalaki. Lalong dumagsa ang mga tao. Nagulat sila sa ganda ng tinig na nagmumula sa isang palaboy. Pagkatapos niyang kumanta, masigabong palakpakan ang pumailanlang.

“Ang galing mo naman, ate!” papuri ng mga tao sa kaniya.

Halos maiyak ang matandang lalaking bulag ang isang mata dahil napuno ang lata nito ng mga barya at pera.

“Hati na tayo diyan. Pinaghirapan mo naman iyan. Puwede bang araw-araw ka nang kumanta rito?” pakiusap sa kaniya ng matanda.

“Sige po… walang problema,” nakangiting sabi ni Odessa.

Simula noon, araw-araw nang kumakanta si Odessa. Hindi na lamang niya tulugan at tahanan ang lansangan. Entablado. Katuparan ng kaniyang mga pangarap gamit ang talento. Hindi siya binigo ng kaniyang tinig. Lagi siyang hinihintuan ng mga taong nagdaraan at naghuhulog ng pera sa kanilang lata.

Hindi naman naiwasan ng mga tao na kunan ng video sa kanilang cellphone si Odessa habang umaawit ito ng mga kanta ni Regine. Inupload naman nila ito sa social media at agad na pinag-usapan at naging viral.

Dahil naging viral ang video ni Odessa, nakaabot ito sa kaalaman ng mga mediamen kaya nag-unahan silang makapanayam si Odessa. Tuwang-tuwa naman ang dalagita. Nagulat sila nang malamang isang palaboy ito.

Hanggang sa inanyayahan si Odessa sa isang talk show upang makapanayam. Sinagot na ng network ang kaniyang damit at sapatos gayundin ang pagpapaayos sa salon. Lumitaw ang natural na ganda ni Odessa!

Subalit ang hindi makakalimutan ni Odessa ay ang sorpresa sa kaniya. Matapos ang panayam, tinawag ng mga host ang nag-iisang Songbird na si Regine Velasquez. Nag-duet sila at kinanta ang “Dadalhin”. Masayang-masaya si Odessa dahil natupad ang kaniyang pangarap na makasama at makasabay sa pagkanta ang kaniyang idolo.

Kinuha ng isang recording company si Odessa upang maging bago nilang mang-aawit. Hindi makapamniwala si Odessa sa mga biyayang dumarating sa kaniyang buhay. Nagsimulang sumikat si Odessa, at unti-unting nakaipon ng pera mula sa perang pinagpaguran.

Subalit hindi nakalimot si Odessa. Inalok niya ang matandang bulag na maipagamot niya ang mga mata nito. Labis-labis ang pasasalamat nito sa kaniya.

“Walang anuman ho Manong. Kayo po ang dahilan kung kabit narating ko ito,” sabi ni Odessa.

Makalipas ang maraming taon. Sikat na sikat na si Odessa. Nakapundar na siya ng sariling bahay, lupa, at sasakyan. Kabi-kabila rin ang kaniyang mga proyekto gaya ng concerts, TV guestings, album, at maging pagpasok na rin sa pag-arte.

Kapag nasa kaniyang bagong biling sasakyan si Odessa, napapangiti siya kapag natatanaw ang lansangan: ang kaniyang dating tulugan, tahanan, at tanghalan.

More Stories