
Nainis ang Binata sa Pangungulit ng Nobya na Magpakasal na Sila, Labis Siyang Nagsisi nang Malaman ang Tunay na Dahilan Nito
“Mahal ko, hindi mo pa ba talaga ako papakasalan?” tanong ni Mildred sa kaniyang nobyo, isang araw habang ito’y abala sa paglalaro ng video games.
“Mildred naman, ang kulit-kulit! Sinabi nang mag-iipon muna ako! Gusto ko nga nang magarbong kasal, eh, para hindi naman nakakahiya sa mga bisita natin,” inis na sagot ni Gilbert.
“Hindi naman natin kailangan ng magarbong kasal, eh, marami pa tayong paggagastusan, lalo na ngayong malapit na akong manganak,” tugon ng kaniyang asawa dahilan upang lalo siyang mainis.
“Kaya nga, eh, unahin muna natin ‘yang panganganak bago tayo magpakasal, malaking gastos talaga kapag inuna pa natin ang kasal,” sambit niya hababg patuloy pa rin sa paglalaro.
“Eh, paano kung hindi mo na ako mapakasalan pagkatapos kong manganak?” tanong ng kaniyang asawa dahilan upang tumigil sa paglalaro.
“Ano ba ‘yang pinagsasabi mo, ha? Tumahimik ka na nga lang kung wala kang magandang sasabihin, nakakainis ka, napakakulit mo,” bulyaw niya rito saka nagpatuloy sa paglalaro, naramdaman naman niyang umalis sa kaniyang tabi ang nobya dahilan upang mapailing na lang siya sa inis na nararamdaman.
Walong taon nang nagmamahalan ang binatang si Gilbert at ang kaniyang nobyang si Mildred. Sa katunayan, sila’y magkababata at naging magkasintahan nang tumuntong sila sa hayskul.
Hindi biro ang kaniyang pinagdaan bago makuha ang kamay ng dalaga sa mga magulang nito. Kahit pa kilala siya ng mga ito simula pagkabata, hindi siya agad pinagkatiwalaan ng mga ito. May pagkamainitin kasi ang kaniyang ulo at palagi niyang sinasaktan si Mildred noong sila’y mga bata pa dahilan upang magdalawang-isip sa kaniya ang mga magulang nito.
Ngunit dahil mahal niya ang naturang dalaga, pinakita niyang malinis ang kaniyang motibo at talagang nagbago na siya dahilan upang hindi kalaunan, tanggapin na rin siya ng mga ito.
At hanggang sila’y makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng disenteng trabaho, naipagpatuloy nila ang kanilang pagmamahalan.
Ngunit bahagyang nadismaya ang mga magulang ng dalaga dahil ilang buwan lang matapos makakuha ito ng magandang trabaho, nabuntis naman niya ito at doon na siya simulang bumalik sa dating ugali.
Tila naririndi kasi siya sa mga sermon ng kaniyang magulang at sermon ng magulang ng dalaga. ‘Ika nila, “Hindi pa kayo nakakatulong sa amin, nag-anak na agad kayo!” na labis niyang kinimkim at ikinagalit.
Palagi niya tuloy napapagbalingan ng galit ang kaniyang asawa. Lalo na’t palagi siya nitong kinukulit magpakasal kahit sa munisipyo lamang.
“Akala mo namang hindi ka papakasalan!” palagi niyang bulyaw dito.
Noong araw na ‘yon, matapos niyang maglaro ng video games, agad na siyang naghanda para sa kaniyang pagpasok.
Hindi na niya ginising ang nobyang halatang nakatulog dahil sa pag-iyak. Nag-iwan na lang siya ng maliit na papel sa lamesa’t sinabing, “Alis na ‘ko,” saka siya tuluyang pumasok sa trabaho.
Matagumpay nga siyang nakapasok sa trabaho, ngunit hindi niya alam kung bakit hindi siya mapakali dahilan upang tawagan niya ang asawa upang kamustahin.
Laking gulat niya nang isang hindi kilalang boses ang sumagot sa kaniya, “Nasa ospital na po ang misis niyo, sir,” dahilan upang mataranta siya’t agad na nagpaalam sa kaniyang boss.
“Manganganak na ang asawa ko!” balita niya sa mga katrabaho dahilan upang maghiyawan ang mga ito saka siya tuluyang pumunta sa ospital.
Sabik na sabik na siyang makita ang anak pati ang asawa kaya naman, binilisan na niya ang pagmamaneho.
Ilang minuto lang ang lumipas, nakarating na siya sa ospital. Ngunit bigla siyang nagtaka dahil hindi makatingin sa kaniya ang mga nars na kilala niya doon.
“Huwag niyong sabihing may masamang nangyari sa mag-ina ko, ha? Hindi ko kayo mapapatawad,” banta niya sa mga nars.
“Ayos naman po ang baby, sir, kaya lang, hi-hindi po nakayanan ni misis,” sagot sa kaniya ng doktor.
“A-anong ibig niyong sabihin?!” sigaw niya saka siya napaupo dahil sa panlulumo.
Doon niya nalamang may sakit pala ang kaniyang asawa at hindi ito pupwedeng magbuntis dahil buhay nito ang kapalit kung sakali. Halos wala siyang luhang maiiyak dahil sa sakit na nararamdaman mula sa balitang narinig.
“Nais man po namin kayong balaan noong unang beses niyong pagpapatingin dito, nakiusap po ang inyong misis na huwag sabihin sa inyo dahil gustong-gusto niyo raw pong magkaanak,” sambit pa ng isang nars saka tinapik ang kaniyang balikat.
Laking pagsisisi niya dahil sa huling araw ng pangungulit ng asawa’y hindi niya pa ito nagawang pagbigyan. Labis din ang kaniyang pagsisisi dahil hindi niya ito napagbigyan sa kagustuhang magpakasal.
“Kaya pala gustong-gusto mo nang magpakasal sa akin, bakit hindi man lang ako naalarma sa mga pangungulit mo, Mildred?!” iyak niya habang yakap-yakap ang katawan ng asawa.
Wala talagang kasiguraduhan ang buhay sa mundo. Kaya huwag nating sayangin ang bawat minutong kasama natin ang ating mga mahal sa buhay.