
Simula nang Maholdap ang Lalaki, Tingin Niya ay Mapanganib at Masama na ang Lahat ng Taong Makakahalubilo Niya; Binago ang Kaniyang Pananaw ng Isang Tindero ng Balut
Takot na takot nang lumabas si Howard simula nang siya ay maholdap habang naglalakad pauwi mula sa trabaho. Nadagdagan pa ito sa kaliwa’t kanang mga balitang napapanood niya at nababasa sa social media.
“Parang ayoko nang lumabas. Work from home na talaga ako, Nay,” nasabi ni Howard sa kaniyang inang si Aling Leslie.
“Hay naku, anak. Hindi naman ibig sabihin na may nangyaring masama sa iyo eh lalahatin mo na sila. Marami pa ring mabubuting tao. Hindi lahat ay katulad ng holdaper na nakaengkuwentro mo,” sabi ni Aling Leslie.
Subalit talagang kinain ng trauma si Howard. Kapag sasakay siya ng dyip, bus, o kahit FX, sinusuri niyang maigi ang mga kapwa niya pasahero. Hindi siya umuupo o tumatabi sa mga taong marurungis o mukhang hindi nag-aayos o kaya naman ay mukhang gagawa nang masama. Hindi na niya mapapayagang mangyari sa kaniya ang panghoholdap.
Sakay siya ng isang pampasaherong dyip noon. Wala pang mga pasahero ang loob ng sasakyan. Pinili niyang maupo sa tabi ng tsuper. Maya-maya, isang lalaki ang tumabi sa kaniya. Sa isip-isip niya, maluwag naman sa loob, bakit hindi doon umupo.
Hanggang sa maglabas na ito ng mahabang balisong at itinutok sa kaniyang tagiliran. Kinuha nito ang kaniyang mamahaling cellphone. Natulala rin ang tsuper sa bilis ng mga pangyayari.
Simula noon, pakiramdam niya ay may gagawing masama sa kaniya ang mga taong makakasalubong niya. Ingat na ingat siya sa kaniyang mga ikinikilos. Naikuwento niya ito sa kaniyang matalik na kaibigang si Alice.
“Hay naku bes… masyado kang judgmental. Huwag ka ngang masyadong praning diyan. Hindi naman porke’t masama ang ginawa ni Juan ay masama na rin ang gagawin ni Pedro,” suweto sa kaniya ni Alice.
“Ah basta bes… ingat-ingat na lang din ako. Guwapo pa naman si kuya na nagholdap sa akin, kaya lang bad siya,” sabi ni Howard.
“Iyan ang sinasabi ko sa iyo eh. Siguro dapat hindi cellphone ang kinuha niya sa iyo kundi puri mo. Ibibigay mo ba?” biro sa kaniya ni Alice.
“Baka… siguro…” pakikisakay ni Howard sa biro ng kaniyang matalik na kaibigan.
Isang araw, mabilis na naglalakad si Howard pauwi nang makita niya ang isang lalaking nagtitinda ng balot na nakapuwesto sa gilid ng bangketa. Nang mga panahong iyon ay unti-unti pa lamang bumabalik sa normal ang lahat, mula sa hagupit ng pandemya. Para siyang nagutom bigla kaya naman lumapit siya rito upang bumili. Alam niyang paborito rin ito ng kaniyang ina.
“Sir, ilan po?” magiliw na tanong ng tinderong mahihinuhang nasa 50 taong gulang.
“Magkano ho ba ang isa?” tanong ni Howard.
“Sampung piso po ang isa, sir,” sagot ng magbabalot.
“Sige kuya bigyan mo ako ng anim. Tig-tatlo kami ng nanay ko,” sabi ni Howard.
Bakas sa mukha ng nagtitinda ng balot ang labis na kasiyahan. Tinawag nito ang isang tinderong kapwa-magbabalot.
“Anim ang binibili ni sir. Tatlo sa akin, yung tatlo sa iyo na, para may kita ka rin,” sabi ng tinderong pinagbilhan ni Howard sa kaniyang kasamahang tindero rin ng balot.
Naantig ang damdamin ni Howard sa kaniyang nasaksihan. Inusisa niya ang dalawa.
“Mahina ba ang kita ngayon, kuya?” pag-uusisa ni Howard.
“Oo sir. Kawawa kaming mga tindero at itong pagbabalot lamang ang ikinabubuhay lalo na noong ECQ pa. Bawal kasing gumala-gala kaya hindi kami nakakapaglako sa gabi. Hindi naman mabenta ang balot kapag umaga. Mabuti nga ngayong GCQ na, medyo maluwag na sila kaya kahit paano, nakakabawi-bawi kami,” paliwanag ng tindero.
“Buti po hindi kayo katulad ng iba na suwapang pagdating sa mga suki nila? Nakakatuwa po ang ginawa ninyo na sa inyo na po sana ang kita, kaya lang, napunta pa sa iba,” tanong ni Howard.
Ngumiti ang tindero.
“Wala sa akin iyan, sir. Ang pera madaling kitain iyan basta masipag ka. Saka hindi mabibili ng pera ang pakikipagkapwa-tao. Tulong ko na lang din po sa mga kasamahan ko na alam kong hirap na hirap na rin ngayon,” sagot ng tindero.
“Sana po ay dumami pa ang mga gaya ninyo, kuya. Pinasaya po ninyo ang araw ko. Mag-iingat po kayo lagi!” masayang paalam ni Howard.
Habang naglalakad pauwi, iniisip niya ang mga sinabi ng tindero. Oo, malupit ang mundo, maraming mga taong kumakapit sa patalim, subalit mas marami pa rin ang mga taong may ginintuang-puso at pagmamalasakit sa kanilang kapwa.