Sikat na Sikat ang Aktres Subalit Isang Kontrobersiya ang Kaniyang Kinasangkutan na Nagpabagsak Sa Kaniyang Showbiz Career; Makabangon Pa Kaya Siya?

Sikat na Sikat ang Aktres Subalit Isang Kontrobersiya ang Kaniyang Kinasangkutan na Nagpabagsak Sa Kaniyang Showbiz Career; Makabangon Pa Kaya Siya?

InspiringStoriesSuccess

“Nikki!!! Nikki Vergosa ikaw nga! Puwede po magpapicture?” Tuwang-tuwa ang grupo ng mga mag-aaral nang makita ang sikat na artistang si Nikki habang nasa coffee shop, kasama ang kaniyang personal assistant at kaibigang si Jenny.

Naiirita man dahil pakiramdam niya ay invading privacy na ito, walang nagawa si Nikki kundi paunlakan ang mga ito. Kinuha ni Jenny ang mga cellphone ng mga ito; kung gaano sila kadami, ganoon din ang bilang ng pagkuha ng larawan ni Jenny.

Nang sa wakas ay maisip nilang puwede namang pagpasa-pasahan na lang ang mga larawang pare-pareho rin ang pagkakakuha, nagpaalam na rin sila.

“Wala na ba sila? Puwede na bang sumimangot? Puwede na ba mainis?” bulong ni Nikki kay Jenny.

“Oo wala na. Kakaloka ‘no? Sikat na sikat ka kasi anong magagawa mo?” natatawang sabi ni Jenny sa kaibigan. Iniabot nito ang order na chamomile tea.

“Kahit na. Wala ba silang common sense? Hindi ba nila naisip na I’m having my personal time? Sabagay. People nowadays are lacking common sense,” bulalas ni Nikki. Kinuha niya ang chamomile tea at sumimsim dito.

“Huwag kang maingay baka may makarinig sa iyo. Ikaw talaga, parang hindi ka pa sanay. Dati nga, magsi-CR ka na nga lang may magpapa-autograph pa sa iyo, hindi ba? Muntik ka nang mautot. Buti dalubhasa ka na sa pagkontrol ng emosyon mo,” natatawang paalala ni Jenny.

Muntik nang maibuga ni Nikki ang ininom na tea na nasa kaniyang bibig. Napahawak siya rito upang hindi tumulo.

“Oo nga. Lintik na ‘yan. Pinaalala mo pa kasi! Duming-dumi na ako that time. Kakaloka. Well, I guess ganito talaga ang buhay ng isang celebrity. Minsan… naiisip kong talikuran na lang ang lahat,” sabi ni Nikki.

“That’s impossible. Buhay mo na ito, hindi ba? Saka, magagalit ang Mama mo. Hindi ka papayagan for sure, paano na ang mga libreng spa at salon niya?” natatawang sabi naman ni Jenny. Si Tita Ellen na ina ni Nikki ang manager din nito.

“Pero alam mo Jen, seriously speaking, nagsasawa na ako sa ginagawa ko. I’m sick of being highlighted, lagi kang nasa spotlight. Tipong lahat ng kilos, galaw, o sasabihin mo eh huhusgahan ng mga tao na akala mo eh kilalang-kilala ka nila. Yung mga taong halos sambahin ka dahil sa maganda mong serye o pelikula o projects, tapos kaunting pagkakamali mo lang, halos murahin ka na mula anit hanggang talampakan. Kakasawa. Bata pa lang ako sanay na ako sa atensyon ng lahat. Hindi ko na alam kung paano ba ang tahimik at payapang mundo,” pahayag ni Nikki.

“Ang deep naman! Grabe!” pambabasag ni Jenny sa pagiging emosyonal ni Nikki. “Pero alam mo Nikki, bilang kaibigan mo, payo ko sa ‘yo, tutal may napatunayan ka naman na sa showbiz industries dahil sa dami ng mga nahakot mong awards, box-office movies at patok na teleserye, sundin mo lang kung anong gusto ng puso mo. At the end of the day kaligayahan mo pa rin ang mahalaga,” payo ni Jenny.

Iwinasiwas ni Nikki ang kaniyang kanang palad sa harapan ng mukha ni Jenny.”Wow ikaw naman ang deep! Ok ka lang? Sigurado ka?” natatawang tanong ni Nikki.

“Oo naman. Mukha ba akong nagbibiro? Paminsan din may sense akong kausap ‘no?” pabirong irap ni Jenny at pinaikot-ikot pa ang mga mata.

“Gaga, eh ‘di nawalan ka ng trabaho bilang PA? Sino ipi-PA, mo si Mommy?” tanong ni Nikki. Napaisip si Jenny.

“Ay oo nga ‘no? Sige huwag na nga lang…” natatawang sabi ni Jenny. At nagkatawanan sila.

Makalipas ang dalawang buwan, isang kontrobersiya ang kinasangkutan ni Nikki. Kumalat ang isang video kung saan makikitang lango siya sa alak at sumasayaw nang malaswa sa bahay ng kaniyang kaibigan na siyang host ng naturang party, bagay na totoo namang ginawa niya.

Pero iyon ay kuha ng isa sa kaniyang mga kaibigan, na aksidenteng nawalan ng cellphone. Umani ng batikos si Nikki mula sa mga netizens lalo’t isa siya sa mga kinuhang celebrity ambassadors ng pamahalaan sa pagsugpo sa pag-inom nang maaga ng kabataan.

“Ang tanga-tanga mo naman! Hindi ka na naman nag-isip! Bakit ka naman kasi pumayag na kuhanan ka ng video ng mga kaibigan mo sa ganiyang ayos mo? Alam mong artista ka, hinahangaan at iniidolo ng kabataan, tapos ganiyan makikita nila sa iyo? Paano ka pa nila paniniwalaan?” galit na panenermon sa kaniya ni Ellen sa harap ni Jenny at iba pa niyang make-up artist.

“Hindi ko po ikakaila iyan, mommy. Ako iyan, and it happened privately. Kung hindi nila matatanggap iyan, it’s fine with me,” pagkikibit-balikat ni Nikki.

Lumala ang sitwasyon dahil maging ang mga ineendorsong kompanya at produkto ni Nikki ay nadismaya sa na nangyari. Bahagi kasi ng kanilang kontrata na hindi siya dapat masangkot sa alinmang gusot, eskandalo, o kontrobersiya.

Marami ring bashers ang nagsabing plastik siya, mapagpanggap, at hindi dapat tularan ng kabataan.

Sa puntong iyon, wala na siyang pakialam sa anumang mangyayari sa kaniyang career. Ipinagpapasalamat pa nga niyang nangyari iyon, dahil seryoso siya sa sinabi niya kay Jenny na nagsasawa na siyang maging artista at magpakaartista.

Tutal naman nahusgahan na siya, ituloy-tuloy na niya. Kaya naman lalo siyang pinag-usapan sa kaniyang social media posts bilang sagot sa lahat ng kritiko at nanlalait sa kaniya.

“My life. My rules. Back off, assh*les!”

At nagsimula na ngang lumamlam ang karera ni Nikki. Subalit wala siyang pakialam. Nawalan siya ng mga proyekto, kaya sinamantala niya iyon upang magpakalayo-layo.

At napagtanto niyang mas masaya siya sa buhay na kaniyang pinili. Napagnilayan niyang hindi lahat sa buhay niya ay patungkol sa karangyaan at kasikatan.

More Stories