Palaging Sinasaktan ng Ginang ang Kaniyang Anak; Bunga Pala ang Bata ng Mapait na Kasalanan

Palaging Sinasaktan ng Ginang ang Kaniyang Anak; Bunga Pala ang Bata ng Mapait na Kasalanan

HeartbreakingInspiringStories

“Mama, tama na po! Hindi ko na po uulitin, pangako!” hiyaw ng batang si Fredo, isang araw nang bugbugin siya ng ina dahil natapon ang binili niyang bigas. 

“Ilang beses mo nang sinabi sa akin ‘yan, ha? Nasa wastong pag-iisip ka na, puro kapalpakan ka pa rin!” sambit ni Aling Emely habang buong pwersang hinahataw ang bata. 

“Aray ko! Tama na po, mama!” sigaw pa ng bata habang humahagulgol. 

“Huwag mo akong tawaging mama! Hindi kita anak, at ayaw kitang maging anak! Ilang beses ko bang dapat ipamukha sa’yo, ha?” tugon niya saka napaupo sa silya, tila naubusan siya ng lakas kakahataw sa bata. 

“So-sorry po,” uutal-utal na tugon nito. 

“Tumayo ka d’yan! Isaing mo na ‘yong natirang bigas!” bulyaw niya dito dahilan upang mataranta itong tumayo’t magpunas ng luha. 

“O-opo,” sagot ng bata saka nagmadaling nagpunta sa kanilang maliit na kusina. 

Pinagkalooban ng isang anak ang ginang na si Aling Emely ngunit tila hindi siya naging mabuting magulang sa naturang batang ito. Palagi niya itong sinasaktan at pinagsasabihan ng masasakit na salita sa tuwing nakakagawa ito ng kapalpakan, kahit pa sobrang liit na kasalanan lamang ito. Kahit marami na itong pasa, basta’t mainis siya rito, agad niya itong hahagupitin.

Marami sa kanilang kapitbahay ang sumasaway sa kaniya sa tuwing hinahataw niya ang anak ng dos por dos na kahoy ngunit imbis na maawat, lalo pa siyang nagagalit. Nadadamay pa nga ang mga sumasaway sa kaniya dahil minsan, pati ang mga ito’y inaaway niya. 

Ika niya, “Wala kayong pakialam, ha? Kayo ba ang gin*hasa at inanakan ng walang kwentang bata? Hind niyo ako masisisi kung bakit ganito ko tratuhin itong malas na ‘to!” dahilan upang hayaan na lang siya ng kaniyang mga kapitbahay sa ginagawa niya sa bata kahit awang-awa na ang mga ito. 

Labing walong taon pa lang si Aling Emely nang pagsamantalahan siya ng tatlong tambay sa dati niyang tinitirhan sa Tondo. Labis ang kaniyang kagandahan noong kaniyang kabataan, mala-niyebe ang kulay ng kaniyang balat, payat ang pangangatawan at bilugan ang kaniyang mga mata dahilan upang halos lahat ng tao sa kanilang lugar, siya’y pinapantasiya. Hindi niya lubos akalaing ang kagandahan niya ang siyang makakapaglagay sa kaniya sa hukay ng buhay. 

Isang gabi noon, pauwi siya galing eskwelahan nang abangan siya ng tatlong lalaki sa isang liblib na lugar kung saan siya palaging dumaan at doon sa isang bahay sa likod ng damuhan siya h*n*lay ng tatlong lalaking hindi niya mamukaan dahil sa sobrang dilim. 

Nagmakaawa siyang huwag siyang galawin, nagsisisigaw siya upang humingi ng tulong, ngunit wala ni isang rumisponde sa kaniya. Ilang minuto pa ang nakalipas, tuluyan nang natapos sa kahindik-hindik na gawain ang mga lalaki saka iniwang hubo’t hubad sa lugar na iyon. 

Agad niyang binihisan ang sarili at nagsumbong sa kanilang barangay ngunit hindi siya pinaniwalaan ng mga ito. ‘Ika pa ng kanilang punong barangay noon, “Naku, walang manggag*h*sa sa lugar natin, hija, baka imahinasyon mo lang ‘yon,” na labis niyang ikinagalit. Ilang buwan pa ang lumipas, napag-alaman na niyang siyang nagdadalantao na labis niyang ikinamuhi.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang hagupitin ang anak, nakaramdam siya ng matinding pagsikip ng dibdib. Wala sana siyang balak na humingi ng tulong sa anak ngunit tila hindi na talaga siya makahinga dahilan upang tawagin na niya ang bata saka siya tuluyan nang bumagsak. 

Narinig niyang nagsisisigaw ang kaniyang anak para makahingi ng tulong, narinig niya pang umiiyak ito at sinabing, “Mama, huwag mo ako iwan, ikaw lang ang tanging yaman ko!” 

Bago niya tuluyang ipikit ang mga mata, nakaramdam siya nang pangongonsensya sa unang pagkakataon para sa lahat ng kaniyang ginawa sa batang tinuturing siyang yaman. 

Nagising na lang siyang nasa ospital na habang hawak-hawak ng anak ang kaniyang kamay.

Agad siya nitong niyakap nang makita siyang dumilat. Sa una pang pagkakataon, nakaramdam siya ng init at pagmamahal simula noong siya’y labing walong gulang. 

Simula noon, nagdesisyon na siyang baguhin ang pagtrato sa anak. Napagtanto niyang walang kasalanan ang bata sa masalimuot na nangyari sa kaniya. 

Humingi siya ng tawad sa anak at laking gulat niya nang humingi rin ito ng tawad sa kaniya. 

“Humihingi rin po ako ng tawad, mama, sa ginawa ng tatay ko sa’yo, alam kong hindi po madali para sa inyo ‘yon kaya naiintindihan ko po kayo,” sambit nito saka siya niyakap, doon niya lubusang napagtantong ang wagas na pagmamahal sa kaniya ng bata. 

“Kahit hindi ako naging mabuting magulang, ang sarap sa pakiramdam na maramdaman ang tunay na pagmamahal sa unang pagkakataon,” bulong niya sa sarili. 

Hindi man niya tuluyang nabigyan ng hustisya ang sarili, natagpuan naman niya ang wagas na pag-ibig sa bunga nang pananamantalang ‘yon. Hindi talaga patas ang buhay, ngunit kahit pa ganoon, sigurado, ito ang maghahatid sa’yo ng kasiyahang hindi mo pa natatamasa. 

More Stories