Ginamit ng Dalaga ang Litrato ng Isang Batang may Sakit Upang Makalikom ng Pera, Agad Siyang Ginantihan ng Karma

Ginamit ng Dalaga ang Litrato ng Isang Batang may Sakit Upang Makalikom ng Pera, Agad Siyang Ginantihan ng Karma

InspiringKarmaStories

“Nadine, nakita ko yung post mo sa Facebook. Kamusta na ‘yong batang nasa litrato? Ano bang sakit niya?” pang-uusisa ni Carissa, bakas sa mukha ang pag-aalala. 

“Aba, malay ko. Hindi ko naman kilala ‘yong batang iyon,” masungit na sagot ni Maycie, habang nagsusuot ng kaniyang uniporme. 

“Ha? Eh, hindi ba’t sabi mo sa post mo, pamangkin mo ‘yon?” paglilinaw ng kaniyang katrabaho. 

“Siyempre biro lang ‘yon! Wala na kasi akong pera, eh, may gustong-gusto akong sapatos kaya naisip kong humingi ng tulong sa Facebook. Sino bang magbibigay sa akin kung ‘yon ang irarason ko, hindi ba? Kaya ayun, ginamit ko ‘yong litrato ng batang ‘yon. Ang daming naawa ‘no? Mga uto-uto!” patawa-tawa niyang sagot dahilan upang mapakunot ang noo ng katrabaho. 

“Naku, ingat ka, Nadine, mabilis gumanti ang karma,” babala nito sa kaniya. 

“Ang sabihin mo, naiinggit ka lang dahil ang daming kumagat sa raket ko. Laki nga nang nalikom kong pera, pwede kitang ibili ng selpon, gusto mo?” pang-iinis niya dito, umirap lang ito sa kaniya saka siya tuluyang iniwan sa kanilang locker room. 

Apat na taon nang nagtatrabaho sa isang pabrika ng gatas ang dalagang si Maycie. Kahit pa matagal na siyang nagtatrabaho rito, wala pa siyang naipupundar kahit na isang gamit sa bahay. May pagkagastador kasi siya, kada sweldo, agad siyang dumidiretso sa mall kasama ang mayayaman niyang kaibigan noong hayskul para manuod ng sine, kumain sa mamahaling restawran at bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan katulad ng bag, alahas at iba pang pangluho dahilan upang maubos niya sa isang araw ang kinsenas niyang sweldo. 

Sa katunayan pa nga, kapag siya’y wala nang perang pamasahe, nanghihingi pa siya sa kaniyang mga magulang at kapag may nagustuhang gamit humahanap at gumagawa talaga siya ng paraan para makuha ito.

Kung minsan siya’y nangungupit sa magulang at madalas, siya’y nangungutang sa mga katrabaho dahilan upang wala na talaga siyang maipon. 

Isang araw, may nakita siyang bag na talaga nga namang kaniyang natipuhan. Dahil nga wala na siyang pera at halos lahat ng katrabaho’y nautangan na niya, nakaisip siya ng paraan upang makalikom ng pera.

Naghanap siya ng litrato ng isang batang may sakit at humingi ng tulong sa Facebook gamit ito. Upang mas mapadali ang paglilikom ng pera, inilagay niya ang kaniyang bank account sa naturang post at doon na nga siya tuluyang nakalikom ng malaking halaga na labis niyang ikinatuwa. 

Agad niyang binili ang natipuhan niyang bag, binayaran niya na rin ang kaniyang utang sa mga katrabaho’t nanglibre pa ng mga kaibigan sa mamahaling restawran. Lahat ng perang winaldas niya ay para sana sa kawawang batang ginamit niya. 

Noong araw ‘yon, matapos niyang inisin ang katrabaho, may isang hindi kilalang tao ang nagmensahe sa kaniya. 

“Miss, pakibura ‘yong post mo, pwede kitang kasuhan sa paggamit sa litrato ng anak ko. Kami ang tunay na nangangailangan, hindi ikaw. Lalo’t higit, hindi ka namin kamag-anak o kahit kakilala,” laman ng naturang mensahe na ipinasawalang bahala niya. Tinawanan niya lang ang mensaheng iyon saka tuluyan nang nagtrabaho. 

Pagkatapos niyang magtrabaho, agad niyang kinuha ang selpon niya upang tingnan kung may nagbigay ulit ng tulong sa kaniya. Ngunit imbis na ito ang makita, nakita niyang marami nang nagagalit sa kaniya dahilan upang agad niyang burahin ang kaniyang post. 

Ngunit tila huli na ang lahat, dahil pagkalabas na pagkalabas niya sa kanilang pabrika, may mga pulis nang nag-aabang sa kaniya at siya’y agad na pinosasan. 

Doon sa presinto niya nakaharap ang babaeng ina ng bata sa litratong kaniyang ginamit karga-karga ang anak na may sakit. 

Labis siyang nanlambot nang makita ang kalagayan ng batang kaniyang ginamit. Tanging manipis na tela lamang ang sumusuporta sa nakaluwang bituka nito, buto’t balat at nakaluwa na ang mata na labis niyang kinaawaan. 

Hindi na siya nagpumiglas o nakipagtalo pa, dahil alam niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang kasalanan.

Labis ang pagsisisi niya sa kaniyang ginawang kalokohan. Nakulong siya’t ipinasauli sa kaniya ang lahat na natanggap niyang donasyon. 

Doon niya napagtantong mali talaga ang kaniyang ginawa dahil may taong mas nangangailangan nang tulong na kaniyang natanggap. Ika niya, “Yung pinangbili ko pala ng bag, yung pinangbayad ko sa mga utang ko, at yung pinanlibre ko sa mga mayayaman kong kaibigan, ay ang perang tutuldok pala sa paghihirap ng isang paslit,” saka siya tuluyang naiyak habang himas-himas ang rehas sa kaniyang harapan. 

Hinay-hinay sa panloloko, dahil totoong mabilis gumanti ang karma. Imbis na manloko, bakit hindi na lang tayo magpursigi upang makuha ang ating minimithi? Hindi ba’t mas masarap ‘yon sa pakiramdam?

More Stories