Imbes na Tumaas ang Posisyon ay Natanggal pa ang Lalaki sa Trabaho; Nagulat Siya nang Malaman ang Dahilan

Imbes na Tumaas ang Posisyon ay Natanggal pa ang Lalaki sa Trabaho; Nagulat Siya nang Malaman ang Dahilan

InspiringStoriesSuccess

Matagal na nagtatrabaho sa kompanya si Arturo. Sa katunayan, isa siya sa pinaka-pinagkakatiwalaan ng kanilang boss at matalik na kaibigan na si Genaro.

Sa totoo lang, pangarap niya rin na makapagsimulanng sarili niyang kompanya. Subalit wala siya sa posisyon na gawin iyon dahil wala siyang sapat na kapital.

Isa pa, napamahal na rin sa kaniya ang kompanyang naging tahanan niya na sa nakalipas na sampung taon.

Naroon na siya nang magsimula sa maliit at masikip na opisina ang kanilang kompanya na ngayon ay nagmamay-ari na ng mga naggagandahan at nagtataasang gusali.

Tunay ngang naabot na nila ang mga bagay na dati na pinapangarap nila.

Siya ang tumayong kanang kamay ni Genaro at ang nagsilbing sandigan ng kaibigan sa tuwing nasa krisis ang kompanya kaya naman mahalagang mahalaga para kay Arturo ang kompanya. 

Kaya naman nang malaman niyang bakante ang posisyon ng pagiging presidente, alam niya na na siya ang magiging susunod na mamumuno sa kompanya.

“Sir Arturo! Congrats, hindi pa man naiaanunsiyo ang desisyon ni Sir Genaro ay alam ko na na ikaw ang susunod na mamumuno sa kompanya. Napakasipag niyo ho!” Nakangiting wika ng kaniyang sekretarya ng umagang iyon.

Iyon kasi ang araw na malalaman nila kung sino ang pinaboran ni Genaro na maging presidente.

“Oo nga Sir, halos dito na kayo sa opisina natutulog.” Tatawa-tawa pang segunda ni Lance, isa rin sa kanilang mga empleyado.

“Naku, maraming salamat sa inyo! Umaasa rin ako na pabor sa akin ang magiging desisyon ng mga nasa itaas dahil sigurado akong kaya kong gampanan ang tungkulin ko sa kompanya.” Masigla niyang wika sa mga empleyado, masayang-masaya sa suporta na ipinapakita ng mga ito sa kaniya.

Sumapit ang tanghali at dumating na ang oras ng pagpupulong. Mayroong dose katao na pawang matataas ang posisyon. Boboto sila kung sino ang magiging presidente, si Arturo ba o si Gilbert, isa ding empleyado na may mataas na ambisyon.

Magaling din ang lalaki. Ngunit ‘di hamak na mas matagal na si Arturo sa kompanya kaya naniniwala siya na mas alam nito ang pasikot-sikot ng kompanya. 

Labis ang kaba ni Arturo ngunit may halo iyong galak. Sa labindalawa na boto, anim doon ay sa kaniya, at lima ay kay Gilbert.

Ang natitira na lamang na boboto ay si Mr. Yamasaki, ang pinakamalaki nilang investor. 

Alam niyang siya ang iboboto nito dahil madalas nito sabihin na mapipilay ang kumpanya kung wala siya. Halos naamoy niya na ang tagumpay.

Kaya naman laking gulat niya nang sa halip na siya ang iboto nito, walang kurap na pinaboran nito si Gilbert.

Dahil patas ang laban, anim sa anim, ang desisyon ay magmumula kay Genaro. 

“Kung sabagay, sigurado naman ako na ako ang iboboto ni Genaro…” kumpiyasa niyang bulong sa sarili.

Kaya naman laking gulat niya nang maging ito ay si Gilbert ang ibinoto!

Laglag ang balikat ni Arturo nang matapos ang meeting at ideklarang bagong presidente ng kompanya si Gilbert.

May hinanakit naman si Arturo sa kaibigan Hindi niya inaasahan na tatraydurin siya nito. Siya na tumulong dito mula noon hanggang ngayon na palaguin ang kompanya.

Kaya naman nang ipatawag siya ng sekretarya nito ay memoryado niya na ang sasabihin dito.

Mas lalo pang tumindi ang kanyang hinanakit nang makita niya ito at si Mr. Yamasaki na nagtatawanan.

Pinakaisahan siya ng dalawa!

“Arturo, maupo ka.” Wika ni Genaro nang mapansin ang pagdating ng kaibigan.

Pinid naman ang labi na tumalima si Arturo.

“Arturo, hindi na tayo bumabata, kaya naman gumawa ako ng ilang desisyon na makabubuti para sa ating dalawa…” panimula nito.

“Kailangan mo nang umalis sa kompanya…” 

Tila bombang sumabog sa kanyang harapan ang rebelasyon nito. Inaasahan niya na bibigyan siya nito ng paliwanag ukol sa nangyari pero ano ito?

Handa na siyang ilabas ang hinanakit dito ng muli itong magsalita.

“Dahil panahon na para magsimula ka ng sarili mong kompanya. Alam ko na matagal mo nang pangarap ito.” 

“H-ha? A-anong ibig sabihin nito?” Naguguluhang sambit niya sa kaibigan.

“Isa kang sa pinakamahalagang tao dito sa kompanya. Malaki ang pasasalamat ko sa iyo dahil hindi lalago ang kompanya nang ganito kung wala ka, pero kailangan mo na din magsimula na tuparin ang mga pangarap mo.” Dire diretsong paliwanag nito.

Unti-unti niyang naintindihan ang sinasabi nito lalo na nang magsalita na din si Mr. Yamasaki.

“Alam mo naman na malaki ang tiwala ko sayo, Arturo, hindi ba? Tutulungan kitang magsimula ng sarili mong kumpanya.” Maaliwalas ang mukha ng lalaki nang magsalita. Halatang malaki ang tiwala nito sa kaniya.

Ang kaninang nagpupuyos sa galit na puso ni Arturo ay napalitan ng ‘di maipaliwanag na ligaya. 

Sa wakas, matutupad na ang pangarap niyang bahagya niya nang nakalimutan.

Kagaya ng napag-usapan, tinulungan nga ni Genaro at Mr. Yamasaki ang masipag na si Arturo. Hindi ito naging madali, ngunit dahil sa sipag, tiyaga, talento, karanasan, at mga mapagkakakatiwalaang tao sa paligid ni Arturo, naabot niya rin ang rurok ng tagumpay.

More Stories