Labis na Kinababahala ng Dalaga ang Mabilis na Pagpapatakbo ng Mapapangasawa sa Motorsiklo; Hindi Niya Inaasahan na Ito Pala ang Magaganap

“Ayang motor mo na naman inaasikaso mo, Joe. Sige ka, malapit na akong magselos niyan!” bungad ni Ethel sa kaniyang nobyo habang papasok ng gate ng bahay nito. 

“Pinapapogi ko lang ‘tong motor. Sinisigurado ko lang na kapag nakasakay ako ay mas parehas kaming pogi!” pagpapatawa ni Joe.

“Ano pala ‘yang dala-dala mo, babe? Parang ang daming pagkain niyan, a?” tanong pa ng binata.

“Sinabi ko na nga ba, nakalimutan mo! Ngayon ang anibersaryo natin. Hay, Joe! Wala ka kasing inatupag kung hindi ‘yang motor mo, e! Malapit na talaga kitang papiliin kung ‘yang motor mo o ako!” pagtatampo ng dalaga.

“H’wag ka nang magtampo, babe. Alam mo naman ang sagot ko d’yan sa tanong mo! Siyempre, ‘yung motor ko!” pang-iinis pa ni Joe sabay tawa ng malakas. 

Lalo tuloy nainis ang kaniyang kasintahan na agad namang nilambing ng binata.

Limang taon nang magkasintahan ang dalawa. Ilang buwan na nga lamang ay ikakasal na ang dalawa. Hindi na sila makapaghintay dahil sa wakas ay matutupad na ang kanilang pangarap na bumuo ng pamilya. 

Dating seaman itong si Joe at nang makaipon ay nagnegosyo na lamang upang hindi na siya malayo sa pamilya at sa kaniyang minamahal na kasintahan. Habang si Ethel naman ay isang guro sa elementarya. Halos wala na ngang mahihiling pa ang dalawa kung hindi magkaroon kaagad ng anak.

Advertisement

“Hindi na talaga ako makapaghintay sa kasal natin. Kaunti na lang na pagtitiis at tuluyan ka nang uuwi sa akin,” wika ni Joe kay Ethel. 

“Ako rin. Gusto ko kaagad magka-anak, babe. Sino kaya ang magiging kamukha, ano?” kinikilig na sambit naman ng dalaga. 

Naputol ang pangangarap ng dalawa ng biglang may isang kaibigang tumawag sa telepono ni Joe.

“Babe, kailangan ko lang sandali pumunta doon kila Hector. Papatingnan ko kasi ang motor ko. Ngayon lang daw kasi siya libre,” pagpapaalam ng binata. 

“Ano ba naman ‘yan, babe? Ngayon pa talaga?” naiinis na sambit muli ni Ethel.

“Pasensiya ka na, babe. Saka kailangan gawa itong motor ko kasi ‘di ba marami tayong pupuntahan para matapos na natin ang paghahanda sa kasal?” pagpapaliwanag ni Joe. 

“Alam mo, babe? Sa totoo lang hindi ako panatag sa motor na iyan. Hangga’t maaari nga ay hindi ko sasakyan ‘yan!” tugon ng dalaga. 

“Babe, h’wag ka na magalit. Ihahatid na kita sa inyo pagkatapos talagang maayos nitong motor ay dadaan ako sa inyo ulit. Gusto mo ba doon ako matulog?” paglalambing ni Joe.

Advertisement

“Tigilan mo nga ako! Sige na, ihatid mo na ako sa amin. Basta pumunta ka sa bahay pagkatapos, ha. Kahit ‘wag ka na doon matulog. Baka kantiyawan pa ako na hindi na tayo makapag-intay sa kasal. Ilang linggo na lang,” wika ng dalaga.

Agad na nagtungo ang binata sa kaniyang kaibigan upang ipaayos ang motor. Pagkatapos noon ay agad din siyang tumuloy sa bahay ng dalaga upang maghapunan.

“‘Di ba sabi ko sa’yo babawi ako? Ito may pasalubong ako sa’yo. Paborito mo!” wika ni Joe.

“Parang kaka-text mo lang sakin kani-kanina tapos ay narito ka na kaagad. Nako, Joe. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo! Baka sobra kang nagmamadali,” pag-aalala ni Ethel sa kasintahan. 

“Wala ka bang tiwala sa akin. Siyempre nagmamadali talaga ako kasi gusto ko nang makita ang babe ko, e!” tugon ng binata. 

“Huwag mong gawing biro ‘yan, Joe. Parang awa mo na. Kahit gaano ka kagaling magmaneho, h’wag kang magpapatakbo ng motor nang sobrang bilis. ‘Yung alalay lang dapat,” pakiusap ng dalaga. 

“Isang matuling pagpapatakbo mo pa, hindi na talaga kita papayagan na sumakay ng motor mo!” dagdag pa ni Ethel.

Agad namang nakipagkasundo si Joe sa nobya. Ngunit hindi ata talaga maiiwasan ang ganitong pangyayari lalo na kung nagmamadali ka. At lalo na kung nasanay na si Joe sa ganoon.

Advertisement

Isang araw ay kailangan umalis nila Ethel at Joe para puntahan ang isang supplier sa kanilang kasal.

“Babe, mamasahe na lang tayo. H’wag na tayong magmotor. Parang uulan kasi,” saad ni Ethel.

“Hindi ‘yan. Saka kung umulan man may baon akong kapote. Ito na lang ang gamitin natin. Kasi alam mo naman kung gaano katindi ang trapik sa daan. Uubusin lang no’n ang oras natin,” sambit ng nobyo.

Kahit anong pilit ni Ethel ay ganoon din ang pagpupumilit ng binata na magmotor na lamang sila. Kaya wala nang nagawa pa ang dalaga.

Inabot na sila ng gabi at natuloy ang pinapangambahan ni Ethel. Malakas ang bugso ng ulan nang gabing iyon at inabutan na sila sa daan.

“Babe, p’wede ba bagalan mo na ang pagpapatakbo mo? Madulas ang daan!” sambit ni Ethel. 

“Akong bahala, babe. Kayang-kaya natin ‘to. Medyo malapit na rin naman tayo,” tugon ni Joe. 

“Babe, hindi na ako natutuwa! Hindi na ako kumportable sa pagpapaandar mo. P’wede bang bagalan mo na?” saad muli ng dalaga.

Advertisement

“Wala ka bang tiwala sa akin?” sambit ni Joe. “O sige, babagalan ko na. Sabihin mo muna kung mahal mo ako?” wika pa ng binata.

“Oo, mahal na mahal kita! Sobrang mahal kita!” tugon ni Ethel.

“Nakakakilig naman! Pakikuha mo nga itong helmet ko, babe at isuot mo sa’yo para mas makita ko ng maayos ang daan,” wika pa ni Joe. 

Agad naman itong kinuha ni Ethel.

“Ayan na, bagalan mo na ang pagpapatakbo, babe!” naiinis na si Ethel sa nobyo.

“H’wag ka namang magalit. Lalo akong naiinlab sa iyo, e. Yakapin mo nga ako ng mahigpit kung mahal mo talaga ako!” dagdag pa ng binata.

Agad naman siyang niyakap ng dalaga. Hindi alam ni Ethel na iyon na pala ang huling pagkakataon na makakausap niya ang nobyo. Dumilat na lamang siya na nasa ospital na sila at dalawang araw na raw siyang walang malay. 

“Bumangga ang sinasakyan ninyong motor, Ethel. Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay nasira ang handle ng motor kasabay ang preno nito. Malaking pinsala ang natamo ni Joe, anak. Wala na siya. Ngunit ipinagpapasalamat ko sa Diyos na buhay ka at narito pa kasama namin,” umiiyak na pahayag ng ina ng dalaga.

Advertisement

Doon napagtanto ni Ethel ang huling senaryo bago sila mabangga ng nobyo. Marahil ay alam na nito ang nangyayari sa kanila at dahil ayaw niyang mabahala si Ethel ay idinaan nito sa biro at paglalambing.

Napagtanto niyang ang helmet na suot ng binata ang nagsalba sa kaniyang buhay. Tanging ang mga salitang mahal kita ang nais niyang marinig mula sa dalaga at ang nais niya ay sa huling sandali ng kaniyang buhay ay mayakap siya ng babaeng kaniyang pinakamamahal. 

Hindi matanggap ni Ethel ang nangyari sa kanila ng kaniyang nobyo. Hindi siya makapaniwala na ang masaya at magandang samahan nila ay matatapos lamang ng isang aksidente na iyon. 

Halos matuyo ang lahat ng luha sa mata ni Ethel sapagkat hindi niya matanggap na kahit kailan ay hindi na niya makakasama pang muli ang kaniyang sana’y magiging kabiyak.