Iniwan ng Mister ang  Asawang Doktor Para sa Babaeng mas Bata; Makalipas ang Ilang Taon ay ‘Di Niya Akalaing Ito ang Kayang Gawin sa Kaniya ng Dating Asawa

Iniwan ng Mister ang Asawang Doktor Para sa Babaeng mas Bata; Makalipas ang Ilang Taon ay ‘Di Niya Akalaing Ito ang Kayang Gawin sa Kaniya ng Dating Asawa

FamilyLoveStories

“Nasaan ka na?” sambit ni Carlos sa asawa habang kausap sa telepono. “Nakailang tawag na ako sa’yo bakit ngayon ka lang sumagot?” saad nito. 

“Pasensiya ka na. Masyado kaming maraming pasyente ngayon. Baka hindi ako makauwi rin kaagad,” tugon ni Aleah sa asawa. 

“Kanina pa ako naghihintay sa’yo. Sana ay nagpasabi ka man lang,” wika ni Carlos. 

“Sige na, kailangan ko nang bumalik sa trabaho ko. Mag-usap na lang tayo mamaya,” sabay baba ni Aleah ng telepono. 

Napatitig na lamang si Carlos sa kaniyang selpon. Saka umikot ang kaniyang paningin sa lahat ng kaniyang preparasyon na inihanda para sa anibersaryo nilang mag-asawa sa isang mamahaling restawran. Tila nakalimutan ni Aleah ang gabing ito. 

Napabuntong hininga na lamang ang ginoo habang paalis sa nasabing restawran. Dumerecho siya sa isang bar upang uminom sandali upang mawala ang kaniyang sama ng loob. Ngunit naparami siya ng inom. Habang pasakay siya ng kaniyang sasakyan ay hindi na kinaya pa ni Carlos ang kaniyang pagkalasing. 

Isang babae ang tumulong sa kaniya. 

“Ayos lang po ba kayo, ginoo?” saad ng babae. “Sa tingin ko ay hindi ligtas na magmaneho ka ng ganiyang kalasing. D’yan ka na lang muna sa sasakyan mo, ginoo,” dagdag pa ng babae. 

Ngunit hindi niya mapigilan si Carlos. Kaya ang ginawa ng babae ay sinamahan muna ito para siguraduhin na hindi siya aalis at wala ring magnanakaw ng mga gamit nito habang natutulog ang ginoo. 

Nang malimpungatan si Carlos ay nagulat siya nang makita niya ang babae sa kaniyang tabi. 

“Sino ka? Bakit ka narito sa sasakyan ko?” tanong ng ginoo. 

“Nakita kita kasi na lasing na lasing at nais mong magmaneho. Kargo de konsensya naman kita kapag hinayaan kita kaya binantayan na lamang kita,” tugon ng dalaga. 

“Ako nga pala si Charm. Ngayong gising ka na, p’wede na siguro akong umalis. Inaantok na rin ako,” saad pa ng babae. 

Tuluyan ng umuwi si Carlos sa bahay at nadatnan niya ang asawa na paalis na. 

“Saan ka galing?” bungad ni Aleah sa mister. 

“D’yan lang. Saan ka pupunta?” pagtataka ng ginoo.

“Papasok sa ospital. Kulang ang mga doktor. Kailangan kong pumasok,” wika ng misis. 

“Napapagod na ako sa ganito, Aleah. Kailan ka ba magkakaroon ng panahon para sa akin?” saad ni Carlos. 

“Noon pa man din, Carlos, alam mo na ang trabaho ko. Maraming nangangailangan sa akin!” tugon ni Aleah. 

“Pero kailangan din kita! Nakalimutan mo siguro kahapon na anibersaryo natin!” sambit ng ginoo. 

Nagulat si Aleah dahil totoo ang sinabi ng asawa na nakalimutan talaga niya ang kanilang anibersaryo. Dahil doon ay nangako siya na babawi siya. Ngunit tulad ng mga nakaraan ay hindi na naman nakakasipot si Aleah dahil sa pagkaabala sa trabaho. 

Muling nagtungo si Carlos sa bar upang uminom. Muli niyang nakita doon si Charm, ang babaeng tumulong sa kaniya noon. Nang makita rin siya ng dalaga ay agad siya nitong nilapitan. 

“Mas ayos ka na ngayon, ginoo,” sambit ni Charm. “Baka p’wede ko ng malaman ang pangalan mo?” dagdag pa nito. 

“Carlos. Ako si Carlos at isa akong inhinyero. Ikaw? Anong ginagawa mo rito?” tugon ng ginoo. 

“Mang-aawit ako dito sa bar na ‘to. Halos gabi-gabi akong kumakanta. Madalang kitang makita rito,” wika pa ng dalaga. 

“Oo, hindi naman talaga ako ‘yung tipo ng tao na pala-punta sa bar. Nag-aalis lang ako ng stress. Nga pala, salamat sa ginawa mo noon,” wika ni Carlos. 

Simula noon ay naging malapit na ang dalawa. Madalas silang magkita hanggang sa ang pagkakaibigang nabuo ay humantong na sa isang relasyon. Alam ni Charm na may asawa si Carlos. At kahit na pilit nang bumabawi si Aleah sa kaniyang mister ay tuluyan na kasing nahulog ang ginoo sa dalaga. 

“Iiwan mo na ako? Wala na bang halaga sa iyo ang relasyon na ito?” wika ni Aleah sa mister. “Bigyan mo pa tayo ng isang pagkakataon. Kung gusto mo, bibitawan ko na ang propesyon ko para makabuo na tayo ng pamilya. Parang awa mo na, Carlos, h’wag naman ganito. Patawarin mo na ako!” pagsusumamo ng ginang. 

Ngunit buo na ang desisyon ni Carlos na iwan na ng tuluyan si Aleah at sumama na kay Charm. Para sa kaniya, huli na ang lahat para sa kanilang relasyon. 

Hindi matanggap ni Aleah ang pagkakasira ng kanilang relasyon ng asawa. Kaya nagpakasubsob na lamang ito sa trabaho. Habang ang relasyon nila Carlos at Charm ay habang tumatagal ay lalong nagiging masalimuot.

Natuklasan ni Carlos na may iba palang kinikita itong si Charm na lubusan niyang ikinasama ng loob. Dahil sa poot na nararamdaman ay inatake sa puso ang ginoo at na stroke. Naging malubha ang kaniyang kalagayan. Dito ay tuluyan na siyang iniwan ni Charm dahil pabigat na ito. 

Nagising na lamang si Carlos na nasa ospital siya. 

“Sir, sa wakas ay nagising din kayo,” saad ng nurse. “Isang buwan na rin po kayong nakaratay. Isang mirakulo po ang nangyaring ito. Madami na pong doktor ang nagsabing wala na raw pong pag-asa ang inyong kaso,” dagdag pa ng nurse. 

“A-ano ba ang nangyari sa akin? S-si Charm, narito ba siya?” pagtataka ng ginoo. 

“Na-stroke po kayo at naapektuhan din po ang parte ng utak ninyo. Charm? Wala po kayong kasama, ginoo,” sambit ng nars. 

“P-pero paanong napunta ako rito at paano ang mga bayarin ko? Hindi ko alam kung may sapat akong pera para sa lahat ng ito,” wika ni Carlos. 

“Si Doc Aleah po ang bahala sa inyo. Hindi po ba asawa niya kayo?” saad ng nars. “Ilang araw pa lamang po kayo narito ay sinabi na po ng ibang espesiyalista na wala na pong pag-asa ang lagay ninyo at tanging mga aparatos na lamang po ang bumubuhay sa inyo. Ngunit hindi po sumuko si Dok Aleah. Hindi po siya bumitiw na mapagaling kayo,” pahayag pa nito. 

Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Nang tumingin siya sa may pinto ay doon niya nakita ang asawa na nakatayo at humahangos. Nang magkatama ang kanilang mga mata ay napaluha na lamang si Aleah.

“Kay tagal kong hinintay ang paggising mo. Patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko, Carlos,” patuloy na pagluha ng doktor na asawa. 

Hindi na rin napigilan pa ni Carlos ang lumuha. 

“Patawarin mo rin ako, Aleah. Patawarin mo ako sapagkat hindi ako naging mas mabuting asawa,” sambit nito. 

Isang matinding yakap na lamang ang naging tugon ni Aleah. Lubusan kasi ang kaniyang pangungulila sa mahal na asawa. 

Nang tuluyang gumaling si Carlos ay muling nagsama ang mag-asawa. Hindi na kinailangan ni Aleah na huminto sa panggagamot ngunit sinisigurado niyang bigyan ng panahon ang kaniyang asawa lalo na ngayong magkakaanak na sila. 

Sa kabilang banda ay lalo pang binigyan ni Carlos ng pang-unawa at pagmamahal ang kaniyang asawa. Nangako sila sa isa’t isa na hindi na maghihiwalay kailanpaman. 

More Stories