Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap ang Dalaga na Nakatira sa Mansyon Para Mapabilib ang Manliligaw, Ito Pala ang Totoong May Ari Noon

Nagpanggap ang Dalaga na Nakatira sa Mansyon Para Mapabilib ang Manliligaw, Ito Pala ang Totoong May Ari Noon

“Diyan niyo na lang po ako ibaba, sir. Iyan po ang bahay namin.” Nauutal pang saad ni Rica sa boss na manliligaw. Tila ang kasiyahang naramdaman sapagkat sa wakas ay pumayag nang magpahatid sa bahay ang nililigawan ay napalitan ng pagtataka sa sinabi ng dalaga.

“Sure ka? Saan ba? Dito?” Giit ni Johnny.

“Opo. sir. Thank you. Buti na lang at pareho tayong taga-Commonwealth. Salamat po sa paghatid. Ingat po kayo. Hintayin ko na kayong makaalis bago ako pumasok ng bahay. May susi naman ako.” Wika ng tila hiyang-hiya na si Rica.

“Okay, sige. Pero mag-ingat ka! Saka huwag mo na akong tawaging sir. Ikaw naman, oh.”

Namula pa sa kilig si Rica at sinenyasan na lamang ang manliligaw na umalis na.

“Hay. Maglalakad pa ako hanggang sa kabilang kanto. Kung bakit ba kasi hindi ako pinalad na magkaroon ng mayamang magulang kagaya ni Sir Johnny.” Giit ni Rica sa sarili. Palibhasa’y ikinahihiya nito ang kanilang inaanay nang bahay. Iginapang lang kasi ng kaniyang ama ang pag-aaral niya bilang nagiisa lamang siyang anak. Hindi naman magawang maipagawa ni Mang Antonio ang bahay na minana pa sa mga lolo at lola sapagkat malaki ang gastos nila sa pagpapagamot sa inang may malubhang karamdaman sa puso. Bukod don ay may utang pa silang binabayaran.

“Nak, kain na.” Wika ni Aling Vicky sa anak.

“Busog na po ako.” Pagkatapos mag-mano sa ina at ama’y agad itong nagkulong sa kuwarto.

Kinabukasan ay halos napabaligtad si Rica sa kama. Late na late na siyang nagising. Pagtingin niya sa cellphone ay nag text si Johnny. “Kanina pa kita hinihintay sa tapat ng bahay n’yo. :)”

Dali-dali na siyang nag-ayos at umalis. Habang naglalakad ay nag-iisip na ito ng palusot kung bakit hindi siya sa pintuan ng mala-mansiyong bahay na iyon nanggaling.

Nang malapit na sa bahay ay laking gulat ni Rica nang makitang bukas ang pinto ng mansiyon. Sinamantala na niya ang pagkakataon at palihim na pumasok dito. Hinahanap niya ang sasakyan ni Johnny ngunit hindi niya iyon makita.

“Sige po, Lola. Thank you sa salad na pa-baon ninyo sa akin. Kaya mahal na mahal ko kayo e.” Tila boses iyon ni Johnny na nanggagaling sa loob ng mala-mansiyong bahay.

Sa pagkataranta’y hindi na malaman ni Rica ang gagawin kung siya’y lalabas na ng gate o maghihintay na lamang doon. Lalo siyang namula sa hiya nang makita ang nakaparadang sasakyan ni Johnny sa loob ng gate.

Mukhang lola niya nga ang may-ari ng bahay!

Agad siyang lumabas ng gate at bumalik ng kanilang bahay. Nag-text din siya kay Johnny na hindi makakapasok sapagkat masakit ang ulo niya.

Maya-maya’y biglang may kumakatok sa bulok nilang bahay. Dahil mainit ang ulo’y nasigawan pa iyon ni Rica.

“Ano na naman? Maniningil na naman kayo ng utang!? Wala pa nga kaming pambayad ni Papa!” Saad ni Rica sabay padabog na binuksan ang pinto. Laking gulat niya nang makita ang manliligaw na si Johnny.

“Sorry, nakita kitang tumatakbo at pumasok dito. Ito ba ang bahay niyo? Ang ganda! Mukhang may historical value na ito!” Saad ng maginoong binata.

Tila binuhusan naman ng malamig na tubig si Rica.

“Halika, huwag na tayong pumasok sa opisina. Tutal ay Biyernes naman ngayon at wala naman masyadong gagawin. Inayos ko na rin ang attendance mo at ginawa kong naka sick leave ka. Napansin kong kahit isang absent ay wala ka sa apat na taon mong pagtratrabaho. Dapat lang na minsan ay magpahinga ka.” Sambit ng binata.

Tila naputol naman ang dila ng dalaga at hindi na ito nakapagsalita pa. Habang lulan ng sasakyan ay hiyang-hiya pa rin ito kay Johnny.

“Rica, gusto kong malaman mong tapat ang pagmamahal ko sa ‘yo. Unang beses pa lamang kitang nakita, alam kong mabuti kang tao. Hindi mahalaga kung mayaman ka o hindi.”

“Pasensiya ka na sir… Ah.. Joh… Johnny… Hindi ko ginustong magpanggap. Natatakot lang akong magbago ang isip at pagtingin mo sa akin kaya’t nagpanggap na lamang akong mayaman.” Wika ni Rica.

“Bakit ka natatakot? Ibig bang sabihin ay may pagtingin ka rin sa akin?” Namumula pa ang pisngi ng binata habang naghihintay ng sagot ni Rica.

“Oo, Johnny. Unang kita ko pa lang sa ‘yo ay iba na ang naramdaman ko. Ang tanging dahilan lamang ng pagdadalawang isip ko ay ang estado ng pamilya mo at pamilya ko.”

Agad namang hinawakan ni Johnny ang kamay ni Rica.

“Mabuting mga tao ang pamilya ko. Halika’t ipakikilala kita sa kanila. Pero ibig bang sabihin niyan ay sinasagot mo na ako?” Nanglalagkit pa ang mga mata ng binata. Kilig na kilig ang dalaga nang sagutin ito ng matamis na “Oo.”

Laking gulat ni Rica nang dalhin siya nito sa mansiyong tinutukoy niyang bahay niya. Pagpasok sa loob ay agad siyang pinakilala nito sa mga magulang ni Johnny at pati na rin sa mga lolo at lola nito.

Tila botong-boto naman ang mga ito sa dalaga.

Habang kumakain ay halos nabulunan naman si Rica sa sinabi ng ama ni Johnny.

“Kami ay titira na sa Amerika kasama ng lolo at lola ni Johnny. Sa isang buwan ay aalis na kami. Kailan ba kayo magpapakasal para maabutan pa namin iyon? Itong bahay na ito’y wala namang ibang magmamay-ari kung hindi kayo.”

Sinaway na lamang ni Johnny ang ama at sinenyasan na dahan-dahanin lamang ang nabilaukang dalaga.

Wala talagang pinipili ang pag-ibig, mapa-mayaman o mapa-mahirap. Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement