Sa Paghahanap ng Babae sa Tunay na Ama ay Nahanap Niya ang Kapatid, Ngunit Binaboy Siya Nito nang Sila’y Magkita
Nagkakilala ang ama at ina ni Karla sapagkat pareho silang nagpapautang sa mga tindera sa Quiapo, isa siyang produkto ng bawal na pag-ibig. Nang isilang ang pobreng dalaga ay hindi na nagpakita kailanman ang ama nito. Imbes na magalit ay patuloy niyang hinanap ang ama gamit ang Facebook.
Unti-unti niyang inisa-isa ang mga kapareho niyang Del Rubio ang apelyido. Sinuwerte namang nahanap niya ang isa sa mga kapatid sa ama. Kamukhang-kamukha ito ng ama kaya’t siguradong-sigurado si Karla na kapatid niya nga ito.
Tuwang-tuwa ang dalaga nang makatanggap ng sagot mula sa kapatid.
Inanyayahan siya nitong makipagkita sa isang kainan malapit sa kanilang bahay upang agad daw siyang maipakilala sa ama.
“Sigurado ka bang kapatid mo iyan? Baka mamaya ay may mangyari sa iyong masama. Ang dami ko pa namang nababasa sa diyaryo at naririnig sa balita. Hindi na ba kita mapipigilan, anak?” Alalang-alala ang ina nitong si Aling Lita ngunit ganoon na rin lang ang awa niya sa anak sa paghahangad nitong masilayan man lang ang ama.
“Huwag po kayong mag-alala, Mama. Kaya ko po ang sarili ko. Sa edad kong ito at sa dami ng karanasan ko sa buhay, maliit na bagay na lang po ito. Isa pa’y umaga naman kami magkikita at sa mataong lugar.” Giit ni Karla sa ina.
Talagang hindi na nga napigilan ni Aling Lita ang anak. Nang matapos kumain ng agahan ay agad itong nag-gayak at dali-daling umalis. Namili pa pala ito ng mga regalo para sa panganay na kapatid at sa ama.
“Sabi ko na nga ba ikaw ‘yan e. Mas maganda ka pala sa personal.” Wika ng kapatid sa ama na si Roberto.
“Ku… Kuya… Anong gusto mong kainin? Io-order kita ng pagkain.” Naiilang na sambit ng dalaga.
Napakislot sa gulat si Karla nang agad siyang dampian ng halik malapit sa tenga ni Roberto.
“Wala naman. Busog na ako. Kumain ka na. Pagkatapos ay dadalhin na kita sa bahay upang makilala mo si Daddy.” Tila nagmamadaling saad ni Roberto.
Nagdadalawang isip nang tumuloy si Karla sa inaasta ng kaniyang kapatid ngunit desidido na siyang makita ang kaniyang amang hindi man lamang niya nasilayan sa loob ng 33 taon.
“Okay lang, kumain naman ako sa bahay. Kung gusto mo’y tumuloy na tayo sa bahay ninyo sa Caloocan.” Saad ni Karla.
Habang naglalakad ay hinawakan pa siya ng nakatatandang kapatid sa bewang, hindi naman naging lalong kumportable ang dalaga sa inaasta ng kapatid.
“Hindi na ako kumportable sa ginagawa mong pag-trato sa akin. Lalo pa’t magkapatid tayo. Huwag na lamang tayong tumuloy.” Hindi na natiis ng dalaga ang nararamdamang pagka-ilang.
Namula naman sa hiya si Roberto. “Pasensiya ka na, nasabik lang akong maglambing sa kapatid. Palibhasa’y puro lalake kaming mga kapatid mo sa ama. Tignan mo itong cellphone ko. Narito ang mga litrato ni daddy.”
Nang makita ang mga litrato ng ama’y lalong nanabik ang pobreng dalaga na makita ito. Kaya’t nagpasya siyang tumuloy na lamang kahit pa halos wala nang pagitan ang pagtibok ng kaniyang dibdib.
“May dala akong sasakyan, nakaparada lang sa may gilid.” Giit ng kapatid. Lalo namang kinabahan si Karla ngunit talagang buo na ang loob nito sa gagawin.
Nang makasakay na sa kakarag-karag na sasakyan ng kapatid ay nanlumo ang dalaga. Akmang hahalikan siya ng kaniyang kuya sa labi. Agad niya itong sinampal ngunit inundayan siya nito ng suntok sa sikmura na lubos niyang ikinapanghina. Pagkatapos ay pinukpok pa siya nito ng tila isang matigas na bagay sa ulo. Hilong-hilo ang dalaga habang umaagos ang dugo sa kaniyang noo.
Makalipas ang ilang minuto, tila demonyong tuwang-tuwa ang kapatid sa ginawang pagsamantala sa hanggang ngayo’y nanghihinang si Karla.
“Akala mo ba’y masisilayan mo ang mukha ng ama ko? Huwag kang umasa! Tandaan mong walang puwang sa pamilya namin ang kagaya mong putok sa buho at gaya ng nanay mong kabit!” Namumula ang mga nito at pawis na pawis habang dali-daling inaayos ang damit pangibaba. Maya-maya’y tila may nakita itong multo at madaliang bumaba ng sasakyan, sa pagmamadali ay naiwan pa nito ang isang tsinelas.
Naiwan si Karla sa sasakyang nanginginig at takot na takot.
“Ate! Anong nangyari sa ‘yo? Hayop talaga ‘yang si Kuya! Halika’t dadalhin kita sa ospital.” Wika ng isang lalakeng tila kahawig din ng kaniyang ama. Mas mukha lamang itong maamo.
“Ako si Jay. Ang bunso mong kapatid. Nabasa ko ang usapan ninyo ni Kuya kaya’t sumunod ako. Kilalang-kilala ko na ang kapatid kong iyon. Gusto ko mang pigilan ka’y huli na ang lahat! Kung nabasa ko lamang ng mas maaga ang inyong usapan, hindi na sana nangyari ang lahat ng ito!” Pagpapaliwanag nito habang walang tigil sa pagbusina upang agad siyang madala sa ospital.
Sa sobrang panghihina ni Karla ay hindi na ito nakapagsalita pa.
Nang makarating sa ospital ay nagawa pa niyang ipatawag ang kaniyang ina at saka ito tuluyang nawalan ng malay.
“Karla, anak. Patawarin mo ako!” Bago sa pandinig ni Karla ang boses na naririnig. Malalim iyon at tila boses ng isang matandang lalake. Nang buksan niya ang kaniyang mga mata’y nakita niya ang mukha ng kaniyang amang lumuluha.
Hindi pa ito makapaniwala sa nakita at kumurap-kurap pa ito.
“Mga hayop kayo!!! Tinitiyak kong mabubulok ang anak mo sa bilangguan!” Tuluyan nang bumalik ang diwa ni Karla nang marinig ang boses ng ina, inaawat pa ito ng mga nars. Halos maglupasay ito at humahagulgol. May mga pulis na ring dumating at kinapanayam siya.
Matapos ilahad ang malagim na sinapit sa kamay ng sariling kapatid ay agad itong iniharap sa kaniya habang nakaposas.
Takot na takot at nanginginig si Karla at kinumpirmang ito nga ang gumawa ng kababuyan sa kaniya.
“Ikulong niyo na agad iyan!” Wika ng kaniyang kapatid na si Jay.
“Pagdusahan mo ang iyong ginawa! Simula ngayon ay hindi na kita anak! Hindi kita tutulungan!” Saad ng namumula sa galit na ama ni Karla.
“Anak, ako ang Daddy Bob mo. Ginusto ko mang kilalanin ka at makasama ka ngunit napangunahan ako ng takot at kaduwagan. Hindi ko kayang patawarin ang aking sarili sa sinapit mo!” Lumuluhang saad ng ama.
Niyakap na lamang ito ni Karla.
Nahatulan ng habangbuhay na pagkakabilanggo si Roberto at mula noon ay kinilala si Karla ng kaniyang ama at mga kapatid sa ama. Hindi man kadugo ay awang-awa rin sa dalaga ang asawa ni Mang Bob. Itinuring din siya nitong parang tunay na anak.
Tutol man si Aling Lita sa pakikipagmalapitan ng anak sa ama at pamilya nito’y wala namang itong magawa.
Ilang taon din ang lumipas at napatunayan naman ng mga itong bukal ang kanilang loob. Nakapag-asawa at nagka-anak na rin si Karla. Masayang-masaya na ito sa kaniyang buhay.
Habang nasa kulungan naman ay inundayan ng saksak si Roberto ng kaniyang ka-kosa. Sa pangit ng ugali nito’y wala itong makasundo doon. Nabalitaan na lamang nilang wala na itong buhay nang dalhin sa ospital.
Ni isa sa mga kamag-anak ni Roberto ay walang nagpunta upang madalaw man lamang ito kaya’t ibinenta na lamang ng punerarya ang kaniyang katawan sa mga nag-aaral ng medisina sa pahintulot ng ina nitong si Aling Lorena.
Sadyang napakahirap magpatawad ngunit kung ang Diyos man ay nakapagpapatawad, sino ba naman tayo upang ipagkait iyon? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?