Ipinagyabang ng Lalaki sa Boss Niya ang Dating Nobya na Hahabul-Habol Pa, Di Niya Alam Na Misis na Pala Nito ang Babae
Inayos ni Don ang kanyang pulang kurbata. Sinuklay ang kanyang kumikinang na buhok na para dinilaan ng baka at naglagay siya ng pagkatapang-tapang na pabango sa kanyang leeg.Ito ang ikalawang araw nya sa trabaho kaya sobra ang pagaayos niya sa sarili.
Natanggap kasi sya sa isang sikat at mayamang kumpanya, bibihira ang nakakapasok rito kaya ganoon na lang ang pagmamalaki niya. Sisiguruhin niyang magtatagal siya rito. Kung kinakailangang sumipsip siya sa boss ay gagawin niya.
Ang totoo ay naiinggit siya sa lalaki, halos magkasing edad lang kasi sila pero matagumpay na ito. Lahat nga raw ay nakuha na nito, malaking kumpanya, magandang misis at limpak-limpak na salapi ayon sa mga naririnig niyang nagkukwentuhan. Habang di niya pa kayang maging tulad nito, kakaibiganin niya nalang muna at baka may mapala siya.
Maaga siyang pumasok sa araw na iyon dahil ayaw niyang magkarecord na late.
Buti na lang ay walang tao sa elevator, akmang isasara niya na iyon nang may isang humahangos na babaeng humabol.
“Sandali!” sabi nito at tumatakbong pumasok. Hingal na hingal pa ito at maraming dala sa ecobag nito, mga pagkain.
“Salamat,” sabi ng babae pero natigilan nang makita siya. “Don?” sabi nito sa kanya.
Tinitigan niya rin ito, aba, si Paula! Ang ex nya nung college!
“Kumusta ka na?” nakangiting sabi nito sa kanya.
“Eto, nakakuha ng magandang posisyon dito. Alam mo, hindi na ako magbabanggit ng halaga ha pero sobrang laki ng sahod ko dito. Mas malaki pa sa pinangarap ko noong tayo pa lang, remember?” mayabang na sabi niya.
Alanganing napatango naman ang babae. Tinitigan ito ni Don mula ulo hanggang paa, wala naman itong ID na suot at hindi rin nakapormal na damit pang opisina. Mukhang tama ang hinala niya, nagtitinda ng ulam si Paula sa mga empleyado.
Nang tumunog ang elevator ay inunahan niya ang bababa rin sanang babae, “Pasensya kana Pau ha, kailangan ko nang mauna. Magtitinda ka lang naman dito eh ako may hinahabol akong schedule. Sige ha,” sabi niya at di na hinintay pang sumagot ito.
Kalalagpas pa lamang ni Don sa pintong salamin nang makasalubong niya ang kanyang boss, kaya naisip niyang sumipsip rito.
“Goodmorning Sir! Looking good today,” sabi niya rito.
Napangiti naman ang lalaki, “Good morning rin! Ikaw nga itong ayos na ayos,”
Napangisi naman nang mayabang si Don, “Kailangan talaga lagi tayong pogi Sir. Kaya nga habulin tayo ng mga babae eh.” sakto namang napalingon siya sa pintuang salamin, naroon pa rin si Paula at naghihintay. Ganoon talaga pag hindi empleyado, maghihintay.
“Actually Sir, urong kayo konti. Kita mo yang chicks na yan? Yung maraming dala? Ganda diba? Ex ko po yan nung college. Hinahabol pa rin ako nyan kaya nandito eh, naku pinagsisisihan ko ngang nagkita kami sa elevator. Buti di kami nagkatuluyan nyan kasi walang pangarap ang babaeng yan eh, tignan mo nga at taga benta nalang ng ulam ngayon,”
Hindi naman kumikibo ang kanyang boss at nakatitig lang sa kanya, hindi pa nakuntento si Don, baka kasi akala ng lalaki ay nagsisinungaling sya.
“Di kayo makapaniwala no? Wala eh gwapings tayo eh. Teka tignan nyo po. Manong! Manong guard, papasukin mo nga yang chicks dyan,” utos niya sa gwardya, tumango naman ang boss dito kaya tumalima ito.
Gulat na napatingin ang babae sa kanila at dahan-dahang naglakad ito palapit.
“Paula, boss ko itong big time. Ganito kami sa office, pagbilhan mo nga kami nyang tinitinda mo. Libre ko na ito si Sir.” sabi niya.
“Ha?” litong sabi ng babae.
“Hon, salamat at binitbit mo pa ang pagkain dito. Sasalubungin dapat kita eh, kung hindi lang ako kinausap nitong EMPLEYADO ko.” sabi ng boss ni Don.
Gulat na napalingon ang lalaki, hindi makapaniwala sa kanyang narinig, “H-hon? Girlfriend mo sya, sir?”
“Misis. Misis ko sya, at oo hindi sya empleyado dahil hindi na niya kailangang magtrabaho. Dahil kaya kong ibigay ang lahat sa kanya. Ang mga ulam na yan ay ipinamimigay nya lang sa mga tao ko dahil ganoon sya kabait. Tama ka, buti nga hindi kayo nagkatuluyan dahil di ka bagay sa kanya,” matigas na sabi ng lalaki.
Nagtayuan ang balahibo ni Don, marami na pala ang nakakarinig sa kanila at pinagtinginan na siya. Gusto nya na lamang mawala na parang bula sa kanyang kinalalagyan. Pulang-pula siyang lumabas sa opisina. Alam niyang malabo na ang pag-asa na magtagal siya roon.