Dahil sa Pagrerebelde ay Sinisira ng 15-anyos na Dalaga ang Buhay Niya, Nagbago ang Lahat nang Makita Niya ang Laman ng Isang Lumang Kahon
Isip ko’y unti unting, nawawala’t nalilitoAng tulad mo’y parang usokUnti unting..naglalaho..
Tuloy tuloy lang ang pagtugtog ng kanta ng asin sa lumang radyo na sinasabayan ni Millie ng paghithit ng marijuana. 15 anyos pa lamang siya at mga barkada niya sa high school ang nagturo sa kanyang kung paano gumamit.
Sabi nila, makakalimutan daw ang problema at lulutang ka sa alapaap.
Totoo naman! Nawala lahat ng iniisip niya, nawawalan siya ng pakialam sa mundo.
Nabasag ang trip niya nang makarinig siya ng marahang katok sa pinto ng kanyang kwarto.
“Millie..Melinda, papasok ka ba?” boses ng kanyang tita Dina. Agad-agad niyang itinago ang lighter at weeds sa ilalim ng kanyang kama, pinagpagan niya pa ang paligid para mawala ang amoy.
Sana makausap niya ito ng normal ganitong high na high siya. Sinampal sampal niya ang sarili bago harapin ito.
“Millie?” tanong ulit nito.
“Eto na Ta! May..may inayos lang,”sabi niya at binuksan na ang pinto.
“Bakit ganyan ang itsura mo? Namumula ang mata mo, nagpuyat ka na naman bang bata ka?” nag aalala ito at hinipo pa ang kanyang noo.
“Sinisipon lang po,” sabi niya at umarte pa na nababahing.
“Edi wag ka na munang pumasok sa eskwela? Bibilhan kita ng ponkan ha? Mamamalengke lang ako,” sabi nito at tumalikod na.
Rebelde si Millie. Mabait naman ang kanyang tita na dito na tumira sa bahay nila para palakihin siya. Ang daddy niya ay sumama na sa ibang babae noong 7 years old pa lamang siya at may sarili nang pamilya, habang ang mommy niya naman, di niya alam. Di niya na ito nakilala pa mula nang magkaisip siya at tuwing tatanungin niya naman ang kanyang tita ay tikom ang bibig nito.
Napasulyap siya sa kalendaryo at naalala niyang birthday niya pala bukas! Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at kinuha ang kanyang cellphone, dinial niya ang number ng kanyang ama.
“Hello?” malamig na sagot nito.
“D-daddy? Si Millie to,” sabi niya, mabagal siyang magsalita at uutal utal dahil sa epekto ng tinira niya.
“Alam ko, ano’ng kailangan mo? Money?” hindi interesado ang kanyang ama.
“Birthday ko bukas daddy.” malungkot na saad niya, umaasa kasi siya kahit paano na ilalabas pa rin siya nito. Nakikita niya kasi sa Facebook ang mga post ng madrasta niya na kung saan saan nagpupunta ang bagong pamilya ng daddy niya, mayroon pa ngang picture na hawak ng kanyang ama ang isang cake at tila kinakantahan ang may birthday niyang kapatid sa labas.
Saglit na natahimik ang lalaki, “Happy Birthday,” sabi lang nito.
Hindi na sumagot pa si Millie at ibinaba ang tawag. Mas nalungkot lang siya.
Itinext niya na lang ang iba pang barkada na hindi rin pumasok at niyaya niya na lang ang mga ito na uminom. Medyo namroblema pa siya dahil wala siyang pera pero nasagot rin naman agad iyon- mangungupit nalang siya sa kanyang tita Dina.
Ini-lock niya muna ang gate para masigurong hindi ito makakapasok agad at mahuhuli siya, tapos ay dumiretso na sa kwarto ng ginang at naghalungkat.
“Peste, nasaan na ba ang pera ni tita,” aburidong sabi niya.
Maging ang damitan nito ay di niya pinalagpas pero sa halip na pitaka ay isang lumang baul ang nakita niya roon. Ayaw niya na sanang galawin pa iyon dahil baka dumating na ang tita niya, pero parang may nagbubulong sa kanyang makialam, bukod pa dun, baka may pera sa loob.
Ilang minuto rin ang nakalipas bago nya mabuksan ang lumang kahon dahil mahigpit ang pagkakasara doon, tumambad sa kanya ang ilang mga larawan, isa sa naroon ang isang babaeng kamukhang kamukha niya.
Amelia 2003
Malaki ang tiyan nito pero mukhang mahina ang babae, nasa tabi nito ang kanyang ama. Ito ba ang mommy niya?
Sa ilalim ng mga larawan ay may isang lumang liham. Ipinadala iyon sa kanyang tita Dina at nanay niya ang nagsulat.
Dina,
Marahil habang binabasa mo ito ay pumanaw na ako. Ikaw na sana ang bahala kay Millie, wag mo nalang banggitin sa kanya ang tungkol sa akin para di na siya malungkot. Sabihin mo nalang na umalis ako- bahala kana. Alam kong masama pa rin ang loob ng mister ko sa akin dahil mas pinili kong ituloy ang pagbubuntis ko kaysa magpa-chemo, kaya sana ay gagabayan mo ang anak ko at wag mong hahayaan na sa kanya ibunton ng daddy niya ang sisi.
Mahal kita Dina, ang hiling ko lang ay subaybayan mo si Millie sa panahong kinuha na ako ng cancer. Makita ko lang na maayos ang buhay niya ay tiyak na maligaya na ako.
Amelia
Gulat na gulat naman si Millie at di na napansin ang luhang nag uunahang tumulo mula sa kanyang mga mata. Maya maya pa ay narinig niyang bumukas na ang gate, may susi siguro ang kanyang tita.
Nang makita siya nito sa kwarto ay nayakap nalang siya.
“Tita, bakit po nawala si Mommy?”
“May cancer sa matris ang mommy mo, stage 3 na nung nalaman namin at anim na buwan na siyang nagdadalantao sayo. Kapag nag chemo therapy siya para mapatay ang cancer ay magiging masama sayo at baka mawala sa kanya. Mas pinili niyang mabuhay ka kaysa magpagamot..” sabi nito.
Napakalaki ng pagsisisi ni Millie. Halos sirain niya ang buhay niya, kung anu ano pang inisip niyang masama tungkol sa kanyang ina.
Noong araw ding iyon ay nangako siya sa sarili na hindi niya sasayangin ang pagbubuwis ng buhay ng kanyang ina para lamang maisilang siya. Pinagbutihan ng dalagita ang pag aaral at ilang taon pa ay naka-graduate siya.
Tuwing linggo ay kasama niya ang kanyang tita Dina na dumalaw sa puntod ng kanyang mommy. Marahil ay ito ang nag udyok sa kanya na makialam sa kahon noon, tila ba pinapaalalahanan lamang siya na mahalin niya ang kanyang buhay.