Kahit Buntis si Misis ay May Katawagan sa Telepono si Mister, Napaiyak Siya nang Makilala ang Babaeng Ginagastusan ng Asawa

Dalawang taon pa lang nagsasama ang mag asawang Arkisha at Aaron, pero nakabuo agad sila ng bunga ng kanilang pagmamahalan. Sa ngayon ay siyam na buwan na ang ipinagbubuntis ng babae, sobrang likot ng mga bata sa kanyang tyan kaya naman hirap silang makita ang gender ng mga baby.

“Parang, babae at lalaki!” sabi ng doctor ni Arkisha.

“T-talaga po? May baby boy kami? Akala ko po last time sabi nyo parehong babae,” nagulat pero nakangiti si Aaron, hinalikan niya pa sa noo ang kanyang misis na nakahiga.

“Sa sobrang likot ay pwet ang nakita natin doon sa isa, pero ayan o, ayan ang penis niya,” itinuro pa ng doctor sa monitor ang kasarian ng isang baby.

Nagkangitian naman at sobrang saya ng mag asawa. Alam ni Arkisha na happy ang kanyang mister, buong buhay kasi nito ay puro babae ang kinalakihan, maagang namatay ang ama ni Aaron na sinundan rin agad ng kanyang ina. Ang mga kapatid naman ng kanyang mister ay pawang mga babae, na kasundo lahat ni Arkisha.

Maging siya ay masaya rin naman. Maliit kasi ang kanilang pamilya, nag iisa siyang anak. Ang kanyang ama ay sumama sa ibang babae noong maliit pa siya habang ang nanay niya naman ay nag abroad 3 years ago. Wala nga itong paramdam, sinubukan nang hanapin ni Arkisha at nagtanung tanong na siya pero walang makapagturo kung nasaan ang ginang. Siguro, matutuwa ito kapag malamang magkakaapo na sa kanya.

“Ang galing babe no, nasa lahi nyo ba ang kambal? Kasi wala naman sa amin,” sabi ni Arkisha.

Saglit na natahimik naman si Aaron, tila ba nag iisip ng isasagot sa kanya. “W-wala naman yata.” simpleng sagot nito at nagtuloy na sa pagmamaneho.

Advertisement

Nagkibit balikat na lamang si Arkisha, maya maya pa ay nagring ang cellphone ng kanyang asawa pero cinancel nito ang tawag.

“Bat di mo sagutin? Baka importante,” sabi niya.

“Ha? H-hindi na, mamaya nalang. Baka si Abby lang yan,” sabi nito.

Ang totoo ay medyo nagtataka na si Arkisha dahil kakaiba ang kinikilos ng kanyang asawa nitong mga nakaraan. Palagi itong may kausap sa cellphone pero pabulong lang, pag tinatanong nya naman iyon ay sinasabi nitong kapatid lang. Ayaw mang i-entertain ni Arkisha ang idea, pero kinakabahan siya.

Baka kasi may babae ito, Diyos ko po. Hindi niya kakayanin kung sakali.

Dahil sa isiping iyon ay naging paranoid ang babae, lagi siyang nakabantay sa mister. Minsan nga ay di siya natutulog hanggang di ito nadating pero dahil buntis siya ay antukin, magigising na lang na may kausap ang kanyang asawa.

“Sino ba kasi yan?!” di niya na mapigilan ang sarili. Kailangan niya nang malaman. Ang kapal naman ng mukha nitong lokohin siya habang ipinagbubuntis niya ang sariling mga anak nito.

“Sa trabaho lang hon,” simpleng sagot nito.

Advertisement

“Sa trabaho? Akala mo ba hindi ko nakikita ang mga bills sa bangko? Ang mga perang lumalabas sa account natin? Sino ba yang babaeng pinagkakagastusan mo? Diyos ko naman Aaron, kabago-bago ng relationship natin!” sabi niya, naiiyak na.

Nataranta naman ang lalaki at di malaman ang sasabihin. Magsasalita pa sana ito nang biglang humilab ang tyan ni Arkisha. Sunod sunod iyon, sobrang sakit ng kalahati ng kanyang katawan. Maya maya pa ay may naramdaman siyang likido na tumutulo sa kanyang binti.

“Manganganak nako!” sigaw niya.

Hindi malaman ni Aaron kung paanong buhat ang gagawin sa kanya, dinampot lang nito ang susi ng kotse at itinakbo na siya sa ospital.Pagdating doon ay sinabi ng doctor na kailangan nang biyakin ang tyan nya dahil nakapulupot ang pusod sa isang sanggol.

Hindi na matandaan ni Arkisha, kung dahil saan ba siya nawalan ng malay- sa gamot na itinurok sa kanya, o sa panghihina dala ng sakit ng puso niya dahil may babae si Aaron.

Paggising niya ay ang nag aalalang asawa ang bumungad, maitim ang ilalim ng dalawang mata nito at halatang walang tulog.

“H-hi,” sabi nito.

Hindi niya ito kinibo at tumalikod lang siya.

Advertisement

“Arkisha, ipapaliwanag ko naman sayo-“

“Na ano? na may babae ka na? Hindi pa man tayo tumatanda ay nangangaliwa kana, panganay palang natin ang kambal nanlalamig kana sa akin. Pasumpa-sumpa kapa sa simbahan! Yan lang pala ang pagmamahal mo, mahina at marupok. Walang kwentang pag ibig lang ang kaya mong ibigay,” matalim na sabi niya.

Tila nasaktan naman ang kanyang asawa at lumabas lang sandali. Si Arkisha ay nakatalikod pa rin at umiiyak. Maya maya pa ay narinig niyang bumukas ang pinto ng ospital, at may humawak sa kanyang balikat na tila ba pinipilit siyang ibaling at paharapin dito.

“Aaron, lumabas ka na muna dahil hindi tayo makakapag usap ng maayos- Nanay!”

Nagulat siya nang makita ang kanyang ina, lumuluha ito. Nangayayat at tumanda rin ito. “Congratulations anak, nanay kana rin,” nakangiti.

“Nananaginip ba ako? Diyos ko po, nanay, saan ka na ba napadpad?” malungkot na sabi nya.

“Nakulong ako sa ibang bansa anak, akala ko ay wala na akong pag asa. Napaka-swerte mo kay Aaron, mahal na mahal ka niya,” sabi nito at hinimas pa ang kanyang ulo.

“Ano pong ibig nyong sabihin?” naguguluhang sabi niya, siguro ay hindi lang alam ng Nanay niya ang hapding idinudulot ni Aaron sa kanya ngayon.

Advertisement

“Siya ang nagpakahirap na matunton ako sa ibang bansa. Marami siyang binayaran, siya ang nagpiyansa sa akin at ipinakulong niya rin ang mga amo kong nambaligtad para makulong ako, napakarami niyang pagod, gastos at hirap para lamang ma-sorpresa ka. Ayaw niya lang ipaalam sayo ang naging kalagayan ko dahil makakasama raw sa pagbubuntis mo..”

Napatakip sa bibig niya si Arkisha, kaya pala abala ang kanyang mister palagi at tila may iniisip, siya pala ang inaalala nito!

“M-ma, pwede po bang tawagin mo si Aaron sa labas?” naluluha siya.

Masayang tumango ang ginang at lumabas sandali, maya maya ay dumating si Aaron. May dala dala pa itong ice cream at halos magsumamo na sa kanya.

“Honey o, hindi na bawal sayo ito. Honey pasensya kana kasi mga attorney yung kausap ko pag gabi ayaw ko lang ma-stress ka kaya nilihim ko-“

“Ssh! I’m sorry,” lumuluhang tinakpan ni Arkisha ang bibig nito at hinalikan. Natigil lang sila nang makarinig sila ng pagtikhim sa pintuan.

“Ehem, baka naman masundan agad ang kambal misis?” nakangiting sabi ng doctor, pumunta pala ito para kumustahin ang lagay niya. Nagkatawanan silang mag asawa at napaluha muli nang sumunod na ipasok ng isang nurse ang kambal.

Kapapanganak lang ng dalawa pero nakadilat ang mga ito at ngumingiti pa. Sobrang saya ng mag asawa, lalo na si Arkisha. Dahil sa kanyang mister ay kumpleto na ang kanyang buhay.